Chapter 1: Anghel

123 10 13
                                    

SEVEN YEARS AGO...

"Sunduin na kita, babe. Where are you?"

Napabuntong-hininga ako nang malalim at napapangiwing nag-ikot ng mata. "Ano ba, Zurt! Tigilan mo 'yang katatawag mo ng babe sa 'kin!" sigaw ko, walang pakialam sa mga nakakarinig.

Inis kong sinara ang pinto ng apartment ko at mabilis na naglakad pababa ng hagdan.

Narinig ko ang malakas niyang pagtawa sa kabilang linya. "E, what do you want me to call you ba?" saka siya nag-isip kunwari. "What about... love? Mahal? Palangga? You choose–"

Halos matapilok ako sa mga pinagsasabi niya. "Puwede ba, Zurt! Kay aga-aga!" pasigaw kong turan at dahil sa inis ay naibaba ko ang tawag niya.

"O, Athena? Ang init naman yata ng ulo mo ngayon?" tanong ni Mang Waldo habang nagtitimpla ng kaniyang kape.

"Iyong kaklase ko po kasi, binibuwisit ho ako," tugon ko. "Sige po, kailangan ko nang pumasok. May performance pa po kasi ako ngayon sa eskwelahan."

Napatango-tango si Mang Waldo at mariing sinuri ang suot ko. Nakasuot kasi ako ngayon ng puting bestida na lagpas sa tuhod ko. May ilang kulay ginto namang foil na ginawang design sa damit. At nakasuot din ako ng gintong headdress na parang isang halo.

"Kaya pala nagtataka ako ngayon sa suot mo. Mukha kang anghel."

Natawa ako. "E, isa po ako sa mga anghel sa play namin kaya 'eto po ang suot ko."

"Aba'y galingan mo, a!"

"Oo naman po, Mang Waldo. Para po sa grades!" pagkatapos kong sabihin 'yon ay muli akong nagpaalam sa kaniya't mabilis na naglakad papunta sa sakayan ng jeep.

Pagkarating ko sa sakayan ay halos mahimatay ako sa haba ng pila. Jusko, kailangan kong makarating agad sa campus dahil alas-nuwebe ang simula ng play. Tiyak na bubungangaan ako ng leader namin kung sakaling mahuli ako.

Nang may humintong jeep ay agad akong nakipagsapalaran para lamang makasakay. Tulak dito at sabunot dito ang natamo ko pero hindi man lang ako sinuwerte.

Hay.

Ang gulo-gulo na ng buhok ko't thirty-minutes na lang ay mali-late na ako sa play. Patay. Patay talaga ako nito.

Nang maramdaman ko ang pag-vibrate ng cellphone ko ay mabilis ko itong kinuha. Nang makita kong si Zurt ulit ang tumatawag ay napa-ikot na lamang ako ng mata. Sasagutin ko na sana ang tawag niya nang mapatigil ako nang makita ko ang isang umiiyak na musmos na bata sa gitna ng kalsada.

Sa dami ng sasakyan na dumadaan ay paniguradong masasagasaan ang bata. Tila nabingi ako ng ilang segundo nang mapansin ko mula sa malayo ang humaharurot na pulang kotse.

"MASASAGASAAN 'YONG BATA! KUNIN NINYO 'YONG BATA!"

Wala sa sarili kong naibaba ang mga dala kong gamit at mabilis na tumakbo papunta sa bata. Doble-doble ang kaba ko nang makitang malapit na ang humarurot na kotse at tiyak na ilang segundo na lamang ay masasagasaan na nito ang bata.

Nang tuluyan akong nakalapit sa bata ay huli na para makatakbo kami. Ang malakas na dagundong ng dibdib ko sa sobrang takot at kaba ang tanging naririnig ko habang mahigpit na niyayakap ang bata. Napadasal ako ng mataimtim habang nakapikit at hinihintay na sumalpok sa amin ang kotse.

"HOY! BALIW KA BA?! PAANO KUNG NASAGASAAN MO SILA?!"

Napamulat ako bigla at nagulat ako na makita ang mga tao sa paligid ko't binubulyawan nila nang paulit-ulit ang driver ng kotse.

"Miss, ayos ka lang ba?" tanong ng isang matandang babae.

Doon lang ako nahimasmasan nang bigyan niya ako ng tubig. Napalingon ako sa bata nang marinig ko siyang humagulgol sa pag-iyak habang tinatawag ang kaniyang nanay.

You Got Me (Book 2)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon