Hindi ko na mabilang sa kamay kung ilang beses na dumating sa punto ng buhay ko na masasabi ko na lang bigla na... Ang liit talaga ng mundo. Hindi ko kasi aakalain na ang mga nakasasalubong ko pala ay kamag-anak ko, magiging kaibigan ko, jowa, kaaway, at kaplastikan. Hanggang sa ‘yong iba’y babalik sa pagiging estranghero at kakalimutan kung ano man ang pinagsamahan.
Nagugulat na lang ako bigla sa mga ganitong bagay at nakakapagtanto. Mapaglaro talaga ang tadhana, hindi ba? Matatawa ka na lang at mapapailing-iling sa huli.
Ngunit hindi ko maiwasang matakot. Paano kung dumating ‘yong punto na hindi pala kami para sa isa’t isa ni Caleb? Paano pala kung hanggang dito lang kami?
Jusko. Ngayon pa lang, parang dinudurog na ang puso ko sa sakit...
“Bakit kasi hindi mo pa sagutin si Caleb? Bakit mo pa pinapatagal ‘yan? Ano kayo, high school? Strict ba parents mo, beh? Study first ka?”
Napamulat ako sa sinabi ni Chenie. Nakataas ang kilay niya habang nakatingin sa camera. Narinig ko naman ang nakakainis na paghalakhak ni Zurt.
Kahit na nakakausap ko lang sila ngayon through videocall ay pakiramdam ko’y kasama ko lang silang dalawa dito sa ‘king kuwarto.
“Alam mo, Athena.” Ngumiti siya na parang anghel. “Kung nandiyan lang ako, kinutungan na kita!”
Napasimangot ako. “E, kasi...”
“Babe, listen...”
Sumama ang mukha ko nang lingunin ko si Zurt. Ayan na naman po siya sa babe-babe niya.
“Bakit mo pa pinapatagal kung parehas kayo nang nararamdaman at kung magiging kayo rin lang naman sa huli? Ika nga nila, relasyon ang pinapatagal hindi ang ligawan,” saka siya sumeryoso at bumuntong-hininga. “Sige ka. Kapag pinatagal mo pa ang panliligaw niya ay baka masanay siya sa kung ano lang kayo at ang mas worst pa ro’n ay baka ma-in love pa siya sa iba. You know, it happens pa naman.”
Doon ako natigilan. Napamura ako’t napainom ng tubig nang maalala si Aimi. No way...
Napahinga ako nang malalim para ikalma ang sarili. Napasandal ako sa inuupuan ko nang makaramdam ng pagod.
Buong maghapon kasi kaming nag-island hopping ni Caleb. Sinubukan din namin mag-kayaking at sobra talaga akong nag-enjoy lalo na’t first time kong ginawa lahat ng ‘yon. Subalit tila nalusaw ang saya ko nang sumama sa aming mag-snorkeling si Aimi. Dahil do’n ay hindi natuloy ang pagtuturo ni Caleb sa ‘kin na lumangoy. Nawalan kasi ako ng gana na matuto. Sinabi ko na lang na sumakit ang tiyan ko para hindi nila mapansin ang pagbabago ng mood ko. Hindi naman kasi ako puwedeng tumanggi kay Aimi, e. Ngunit taga-rito siya, ‘di ba? Dito siya lumaki sa Palawan. Hindi pa ba niya saulo ang buong El Nido? At never pa ba siya nakapag-snorkeling dati?
Gustuhin ko mang itanong ang mga ‘yon, subalit wala talaga ako sa mood. Pero naiinis ako dahil wala sa lugar ang pagseselos ko. Aimi was nice to me the whole time, tapos heto ako... ayaw sa kaniya!
Kaya ako nagseselos nang ganito sapagkat pakiramdam ko... isang pitik lang ay magkakagusto agad sa kaniya si Caleb. At natatakot ako na mangyari ‘yon!
Pumikit ako nang mariin at huminga nang malalim.
At sa oras namang ito ay nalulungkot ako dahil ito na ang huling gabi namin ni Caleb dito sa Palawan, sapagkat bukas ay babalik na kami sa Maynila.
Malalim ulit akong napabuntong-hininga’t nilingon ang mga kaibigan ko sa screen ng phone ko. I’m glad that I have them. Kahit na sa mga katangahang bagay na ganito ay handa pa rin nila akong pakinggan.
BINABASA MO ANG
You Got Me (Book 2)
RomanceThe Sequel. Pagkatapos ang mga nangyaring insidente ay piniling lumayo ni Athena sa buhay ni Caleb. Ngunit buong akala niya'y magiging maayos na ang lahat. Dahil ang hindi niya alam, may panibago na namang peligro ang naghihintay sa kaniya. Started...