Chapter 30: Tradisyon

46 3 16
                                    

“Ano ang intensyon mo kay Athena?”

Hindi pa man nakakaupo si Caleb ay ‘yon agad ang tanong ni tatay sa kaniya. Ngayon ay hindi kami magkatabi sa pag-upo kasi nasa tabi ko sila nanay at ang iba ko pang mga Titang seryoso rin ang mga mukha. Bakit kasi hindi na lang ‘to ipabukas? Gabing-gabi na, e. At galing sa mahabang biyahe ang mahal ko.

Nakita ko ang paglunok nang malalim ni Caleb. E, sino ba kasi ang hindi kakabahan? Kaharap niya lang ang angkan ko na may mga hawak na itak, na para bang may pupuntahang giyera at ready nang mang-atake ano mang oras.

Napailing-iling na lang ako dahil nahihiya ako sa ginagawa nila tatay. Tradisyon na kasi ito ng pamilya namin simula pa no’ng kalolololohan ko, na sa tuwing may manliligaw ang anak na babae ay kakausapin ito sa kung ano ang intensyon ng lalaki at bibigyan ito ng kung anong pagsubok bago ito payagang manligaw. Ngunit ngayon, akala ko’y hindi na dadaan si Caleb sa tradisyon namin gayong kami na, subalit ayon nga nagkamali ako.

“Malinis at wala po akong masamang intensyon sa inyong anak,” sinserong sagot ni Caleb sa ‘king seryosong tatay. Wala man lang ni isa sa mga Tito ko ang gumalaw para tumango o ngumiti man lang, na siyang nagpapakaba rin sa ‘kin.

“Puro ba ang pagmamahal mo kay Athena? O baka balak mo lang paglaruan ang damdamin ng kapatid ko?” seryosong tanong ni Kuya Anton habang nilalaro-laro ang hawak na itak.

“Purong-puro ang pagmamahal ko kay Athena. At wala akong balak na saktan siya,” sabay lingon niya sa ‘kin, na siyang nagpahaplos sa ‘king puso.

Mabilis na tinapik ni nanay ang mukha ko nang makita niyang ngumiti ako kay Caleb. Nakagat ko ang pang-ibabang labi ko upang pigilang mapangiti nang malapad saka ako yumuko. Inaamin kong na-e-excite ako sa mga ipapagawa nila tatay kay Caleb sapagkat dito ko malalaman kung talagang mahal niya ako.

“O, siya. ‘Wag na nating pahabain pa ito. Tutal kayo na rin naman ng anak ko,” ani tatay. “Pero sa oras na malaman naming pinaiyak mo at sinaktan mo ang anak ko, asahan mong kami ang makakaharap mo. Wala kaming pakialam kung mayaman ka. Handa kaming sumugod ano mang oras para kay Athena. Dahil ang ayaw na ayaw ko sa lahat ay ‘yong pinapaiyak ang anak ko. Naiintindihan mo ba?”

Lumambot ang puso ko sa mga sinabi ni tatay. Napahinga ako nang malalim sa naramdaman kong pagmamahal nila sa ‘kin.

Agad na tumango si Caleb. “Opo, naiintindihan ko po. Pangako—” naputol ang sinasabi niya nang pigilan siya ni tatay.

“Ayaw naming marinig ang mga pangako mo. Dahil baka mapako lamang ang mga ‘yan,” winika ni tatay. “Gawin mo, ‘wag puro salita. Ang gusto namin ay patunayan mong malinis, puro at tunay nga ang pagmamahal mo kay Athena. Wala nang iba pa.”

Caleb nodded his head again politely. “Opo.”

Matunog na ngumisi si Kuya Anton. “Handa ka na ba sa mga ibibigay na pagsubok sa ‘yo, Caleb? Baka balak mong umatras. Binabalaan kita ngayon pa lang, mahirap ang ipapagawa ni tatay sa ‘yo. Naku, anak mayaman ka pa naman, baka hindi mo kayanin. Kaya ayan bukas na ang pinto para sa ‘yo,” saka niya iminuwestra ang pinto kay Caleb.

Tila kinabahan ako ro’n kaya napapalunok akong napatitig kay Caleb. Malaki ang tiwala ko sa kaniya. Sigurado akong magagawa niya lahat ng iuutos sa kaniya ni tatay... Sigurado ako ro’n.

“Oo. Tama si Anton. Kakayanin mo ba?” tanong ni tatay.

“Kakayanin ko po. Hindi po ako aatras. Gagawin ko po lahat. Handang-handa po ako sa lahat ng pagsubok na ibibigay ninyo,” desididong turan ni Caleb.

Hindi pa man sumisikat ang araw ay agad na binigyan ng mga gawain ni tatay si Caleb. Pinag-igib niya muna ito ng mga balde-baldeng tubig. Ang mahirap ro’n, e, limang bahay ang kailangan niyang igiban ng tubig. May sarili naman kaming gripo, pero dahil pagsubok nga’y kailangan kumuha ng tubig ni Caleb sa balon na nasa tabi lang ng bahay.

You Got Me (Book 2)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon