2018.
Liblib na Barangay Hinugutan, sa paanan ng Mt. Apo
Paspasan na ang pananahi na ginagawa ni Letty dahil malapit ng mag alas onse ng umaga. Kailangan niya pang magluto ng tanghalian nilang mag-iina. Pasalamat na nga lang siya at bakasyon sa eskwela at hindi na rin niya kailangang magkumahog pa sa paghatid-sundo sa mga anak niyang si Meena, nasa ikalimang baitang at si Roy na nasa ikatlong baitang. Ang una, pang-umaga ang pasok at ang isa naman ay pang-hapon.
Sakto namang patapos na siya sa pagliligpit ng mga ginamit sa pananahi nang biglang dumating si Esmie, buyer niya galing Maynila.
"Good morning, byutipul," bungad ni Esmie kay Letty pagkabukas na pagkabukas nito ng pinto.
"Good morning, sexy." Ganting bati naman ni Letty. "Ayan na ba 'yung jeep na hahakot sa mga halaman?"
"Oo. Tinawaran ko pa nga yan ng 3k na lang. 4k nga singil sa 'kin n'yan noong una. Dudugasin pa ako samantalang 'yung dati kong nakausap 2k lang." Hininaan ni Esmie ang boses para hindi marinig ng driver ng jeep ang sinsasabi niya.
"Naku at hayaan mo na. Tutal bawing-bawi ka naman sa paninda mo kung sakali. Malakas ang bentahan pala n'yan. Nakita ko sa facebook." Pabirong tinapik ni Letty si Esmie sa balikat.
"Uy, huwag mo muna akong aagawan ng mga suki 'pag nagtinda ka na n'yan sa Maynila. Payamanin mo muna ako." Kinuha ni Esmie ang pitaka at doo'y pumitas siya ng pitong libo at iniabot iyon kay Letty pambayad sa mga kukunin niya.
Kinuha agad iyon ni Letty at saka isinilid ito sa kanyang pitaka na nakatago sa kanyang bra. Pagkatapos, tinawag na ni Esmie ang driver at sabay-sabay na nilang tatlo na tinungo ang likuran ng bahay ni Letty kung saan nakalagak ang isang daang paso ng mga Green Crescent Paradise.
"Ito na ba 'yun? Kagaganda naman pala talaga nila sa personal, ano? At ang bango pati." Manghang-mangha si Esmie sa rikit ng mga bulaklak na nakatanim sa mga kulay pulang plastik na paso habang sinisinghot-singhot ang isinaboy nitong bango sa hangin. Luntian ang mahahaba nitong tangkay kung saan may nakakakabit na malalapad na luntiang mga dahon. Ang bulaklak naman nito ay mayroon ding luntiang mga talulot. Sa pinakasentro ng bulaklak - ang anthers - makikita naman ang isang napakatingkad na kulay dilaw na kahugis ng isang gasuklay na buwan. Kaya isinama sa pangalan nito ang "crescent".
"Mabango talaga mga 'yan. Madali pa alagaan. Buti nga sa 'kin ka na umorder dahil kung sa iba, siguradong tatagain ka." Pagmamayabang ni Letty. At sinenyasan na niya ang driver na tulungan siyang kunin na ang mga halaman isa-isa para maisakay na sa jeep.
Nang matapos ang pagsasalansang ng mga paso, nagpaalam na rin si Esmie.
"Una na kami byutipul at baka kami gabihin. Mahirap na. Madilim pa naman mga kalsada niyo rito."
"O, sige sexy. Ingat kayo. Message mo na lang ako pagkarating mo sa Maynila. Kung may kakilala ka pa na buyer, reto mo na sa 'kin at bigyan kitang porsyento." Masaya ang puso ni Letty dahil may panghanda na siya sa kaarawan ng panganay niya sa linggo.
Naalala niya bigla si Meena.
"Nasa'n na nga ba 'yun?" Nilingon niya ang orasan na nakasabit sa itaas ng pintuan. Menos singko bago mag alas dose. Hindi na siya nakapagluto ng tanghalian dahil nga dumating si Esmie para kunin ang mga inorder nitong mga bulaklak. 'Di bale. Bibili na lang siya ng ulam nila sa karinderya.
Tinawag niya ang bunso na si Roy, pero walang sumasagot. Malamang kasama ng ate niya sa kung saan. Para kasing anino 'yun na laging nakasunod sa ate niyang gala nang gala.
"Malilintikan talaga sa 'kin tong dalawang 'to. Ang taas-taas ng sikat ng araw pero nasa labas pa rin. Makikita nila." Banta ni Letty.
Kinuha niya ang payong at kaagad na sinugod ang bahay ni Rosie na dalawang kanto lang ang layo sa kaniya. Madalas kasi doon na naglalagi ang mga anak niya para makipaglaro sa anak ni Rosie na si Yen-Yen.
BINABASA MO ANG
The Scent Of Madness (COMPLETE)
HorrorIsang maaliwalas na umaga, nakasakay si Mark sa isang bus patungo sa bagong kumpanyang kanyang aaplayan. Walang kamuwang-muwang na sa araw na iyon ay susuungin niya ang isang delubyo na sanhi ng isang uri ng bulaklak. Habang si Boyet naman sinusubuk...