Chapter 12

189 8 0
                                    

"Naku, buwisit ka! Bwisit! Bwisit!" Kung kuto lang ang cellphone, matagal na itong natiris ni AC sa sobrang inis.

"Sino na namang kaaway mo d'yan, ha?" Nanghihina pero nakangiting tanong ni Aling Esmie. Nitong mga nakaraang buwan, kahit regular naman siyang nakakainom ng maintenance, patuloy sa pagdausdos ang kalusugan niya. Nakuha na ng diabetes ang kaliwang mata ni Aling Esmie. Halos ga-tuldok na liwanag na lang ang nakikita nito. At itong huli, sinunod naman ang kanyang kidney. Wala pa naman sa puntong dapat na siyang iratay sa ospital, pero sa paunang sabi ng duktor, sa malao't madali parang doon na rin siya papunta.

"E, 'Ma, ito kasing si kuya. Nagsusungit na naman. Binabaan ba naman ako ng telepono bigla. Paka-bastos!" Pinindot-pindot ulit ni AC ang telepono. Kino-kontak ang tiyo niya sa kabilang barangay. Ring lang ito nang ring. Duda ni AC nasa inuman na naman siguro.

"Lumabas ka d'yan! Hoy! Harapin mo 'ko, Erning! Mandarugas ka! Ginag*go mo na lang ako palagi! Erning!" Mag-iisang oras ng hinahamon ni Mang Berto ang stepdad niya na matagal nang sumakabilang buhay.

"E, Ma, labasin ko na kaya? Kanina pa binabato 'tong bahay natin. 'Di ba alam naman niyang patay na si Papa. Nadu'n nga siya sa burol eh," kinuha ni AC ang walis tambo na nakasuksok sa gilid ng pridyider. Ipanghahampas sana niya kung sakaling mauwi sa rambulan ang harapan nila ni Mang Berto.

Pinigilan siya ni Aling Esmie. "Oy.. Oy! Oy! Saan ka pupunta? Ibaba mo nga 'yan. Ano, makikipag-away ka? Anong laban mo sa kanya kaliit-liit mong babae. Isa pa, lasing 'yan at alam mong mahirap kausap mga lasing. Sundin mo na lang kung anuman 'yang sinabi ng kuya mo."

Ibinalik ni AC ang walis sabay pindot na rin ng switch ng ilaw na nasa gilid lang din ng ref. Hindi naman sila one hundred percent nailubog sa kadiliman. Salamat sa poste ng ilaw na nakatanod sa tapat ng kanilang bahay. Kahit papa'no may nakikita pa rin silang mga hugis at anino sa paligid.

"Ma, nasa'n na kaya mga kapitbahay natin? Ba't parang wala man lang sa kanila ang umaawat d'yan kay Mang Berto? Nasa'n na kaya sina Ate Cora d'yan sa tabi natin? Si Kuya Rams, ang alam ko nasa duty pa 'yun. Sina Erika saka Sam, tinext ko na kanina pa pero 'di naman nagrereply."

"Ay, hayaan mo na sila. May mga sariling mga buhay din 'yan sila. Baka ayaw lang madamay sa gulo. 'Yung barangay, tinawagan mo na ba? Sabihin mo may nanggugulo at nambabato ng bahay natin dito."

"Wag ka na magtago, Erning! Alam ko nand'yan ka lang!" Kumalabog muli nang malakas ang pinto. Gustong-gusto na ni AC na basagin ang mukha ni Mang Berto. "Erning, ipagawa mo na 'tong bahay mo! Tumatagalid na!"

"Ano raw? Anong "tumagatagilid" na pinagsasabi niya?" Mahinang sabi ni AC. Lumapit si AC sa ina at inilapat ang kamay sa noo ni Aling Esmie. "Wala ka na yatang lagnat, Ma"

"Wala naman talaga akong lagnat. Ikaw lang 'tong OA d'yan."

"Hay naku, Ma. Sobrang init mo kaya kaninang umaga. Parang nagdedeliryo ka na nga eh. Siguro kasi nga hindi ka pa nakakainom ng maintenance mo." Kinuha ni AC ang maliit na supot saka itinaktak ang laman nito. Nahulog ang mga walang lamang tin foil at banig ng tableta at capsule. Inisa-isa niya ang mga ito. Nagbabakasakaling may natitira pang kahit man lang isa na puwede niyang ipainom sa Mama niya kaso wala talaga.

Naaawa na si AC sa sitwasyon nila. Para kasing wala silang matakbuhan. Wala silang mahingian ng tulong. Pakiramdam niya tinalikuran na sila ng mundo.

"Ano, nag-reply na ba Tito Meng mo?"

"Hindi pa nga eh. Baka nasa inuman na naman... Ay! Ano ba 'yun?" Napakislot ang mag-ina sa gulat.

Kumalabog na naman ang pinto at sa siwang sa ilalim nito, may tila tubig na dahan-dahang umaagos papasok sa sala ng bahay nila. Matapang ang amoy nito. Nakakahilo. Maya-maya pa, nagliyab ang likido. Gaas pala.

"Erning! Sunugin mo na 'yang bahay mo. Tutal wala namang kuwenta nakatira d'yan." Malakas ang halakhak ni Mang Berto sa labas ng bahay nila.

Gumapang ang apoy papunta sa isa nilang sofa at nang dumikit ito, agad itong nagliyab. Nag-panic agad si AC at hindi man lang nito naisip na apulahin muna ang apoy.

"Ma, tara! Dali!!" inakay niya ang ina papuntang kusina kung saan naroon ang backdoor nila. Doon sila tatakas papunta sa bahay ng tiyuhin niya sa kabilang barangay.

Pinihit ni AC ang seradura ng pinto at itinulak. Ayaw umusog ng pinto. Parang may nakabara sa kabilang bahagi. Isa pa. Itinulak niya muli ito, mas malakas, mas todo dahil kumakapal na ang usok sa loob ng bahay at ubo na nang ubo ang kanyang Mama. Ayaw pa rin bumukas. Umatras siya at bumuwelo at saka sinugod ng isang malakas na sipa ang pinto. Ginaya niya ang mga napapanood na action star sa pelikula. Tumalsik ang pinto. Binati sila ng malamig-lamig na hangin sa labas. Tinignan ni AC ang dahilan ng bara. Dustpan pala na naiwan niyang nakatiwangwang kaninang umaga pagkatapos niyang magwalis.

"Erning! Wala ka ng bahay! Wala na!" Asar ni Mang Berto.

Pakiusap ni AC sa diyos na sana makita ng mga kapitbahay nila ang ginawa ni Mang Berto at pagtulungan siyang bugbugin ng mga ito hanggang sa magmistula siyang gulay.

Pinauna na ni AC ang Mama niya na makalabas. May bakod sila doon, mga limang talampakan ang taas. Kailangan nilang akyatin iyon dahil kung sa gate sila dadaan, siguradong makikita sila ni Mang Berto.

"Please Lord, tulungan niyo kami," sambit ni AC.

Pero, malakas ang fighting spirit niya. Kung nakaya niyang makipagsabayan sa mga kapwa niya iskolar sa UP at umangat na una sa klase siguradong kakayanin din niyang iligtas silang mag-ina sa sunog.

Kaya't kahit maliit, buong lakas na iniangat ni AC ang ina sa bakod. Hinawakan niya ang balakang at puwitan nito at saka niya ito itinulak. Napa-ungol ang Mama niya.

"Ma, okay ka lang? Nadapa ka ba?" alala ni AC nang maitawid na ang ina sa kabilang bahagi. Medyo napalakas kasi siya ng puwersa.

"Oo, anak. Okay lang ako. Galos lang ito."

*Ang tanga-tanga mo AC! 'Di ba sabi ng duktor wag na wag hahayaang magkasugat si Mama dahil baka lumala at maging gangrene. 'Yan pa naman dahilan bakit maraming may diabetes ang putol ang paa.*

Panay ang pukpok ni AC sa noo. Sana mas naging maingat siya.

*Saka na ang sugat! Kailangan muna namin makalayo!*

Madali lang naigpawan ni AC ang bakod. Dati yata siyang track and field varsity player noong high school. Sumuot-suot si AC sa mga eskinita sa likod bahay nila para siguraduhing hindi agad sila masusundan ni Mang Berto kung sakali.

May nakasalubong si AC na isa nilang kapitbahay, si John, anak ni Aling Marta. "John, sabihin mo sa Mama mo, sinunog ni Mang Berto 'yung bahay namin. Tumawag kayo ng bumbero."

Pero parang tuod lang si John. Nilingon lang siya nito at saka tinitigan. Ang weird. Nilisan sila ni John. Parang may mali. Nagtaasan ang mga balahibo sa braso ni AC. Teka nga lang, nasaan na ang mga tao? Kanina lang parang ang dami nilang nagtatakbuhan sa labas tapos ngayon, maliban sa mga asong nagkakahulan, biglang nanahimik ang lugar nila.

Imbes na mag-usisa, agad na umalis si AC at ang Mama niya papalayo nang papalayo sa bahay nilang nasusunog. At habang naglalakad, hindi siya tumitigil umasa na sana may sumagot sa kanyang tawag. Hindi na mahalaga kung ito ay kuya niya, tiyo niya, ang barangay o ang pulis. Ang mahalaga may tumulong sa kanila. Ang mahalaga makarating sila sa isang ligtas na lugar.















The Scent Of Madness (COMPLETE)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon