Chapter 28
Iniabot ni Boyet ang tumalsik na cellphone ni AC. Basag na ang screen nito pero gumagana pa rin. May text notification galing kay Mark. Kinakamusta sila ng Mama niya.
Ok naman kami kina Tito. Naghahanap lang ng bukas na drugstore para bumili ng gamot para kay Mama.
Reply ni AC. Wala pang limang minuto sinagot agad ni Mark ang text niya.
Kapag walang bukas na drugstore na malapit, umuwi ka na. Ako na bahala sa gamot ni Mama.
Nagtaka si AC. Nahipan ba ng hangin ang kuya niya at hindi siya nito inaway o pinagalitan man lang? Nabulungan ba siya ng duwende o baka naman napaginipan niya ang itsura ng dagat-dagatang apoy kagabi. Napangiti si AC.
"Miss.. I mean, AC. Ba't ka nakangiti d'yan? Muntik ka na ngang ma-rape ng mokong na 'to," nakanguso si Boyet sa lalaking wala pa ring malay sa paanan niya.
"Ah, wala. Wala 'yun. May asungot kasing nag-text sa'kin. Natawa lang ako sa text niya," ani AC. Ibinulsa na niya ang basag na cellphone.
"Miss.. I mean, AC.. AC pala. Alam mo ba kung bakit magkakaroon ng lockdown? Sabi sa'kin nagdeklara daw ng Martial Law. Ano ba talagang meron? Ba't parang ang weird ng paligid? Kahapon ayos naman ang lahat tapos ngayon biglang, BOOM! Martial Law. Lockdown. Wala munang lalabas. Ganu'n!" Nalilito si Boyet. Kita iyon sa nakakunot niyang noo.
"Hindi ko rin alam. Basta ang alam ko magulo. Kahapon, sinunog bahay namin. Hep.. hep.. hep... 'wag mo nang itanong kung bakit. Mahabang kuwento at ako'y nagmamadali dahil may bibilhin pa ako," awat ni AC nang makita niyang tangkang susundan ng tanong ni Boyet ang tinuran niya.
"Iwan mo na d'yan si kuya at deserve niyang matulog d'yan... forever! Tarantadong 'yan," dagdag ni AC na parang diring-diri. Binigyan niya ito ng malakas na sipa sa tagiliran. Napakislot ang lalaki sa sakit. "Kung gusto mo ikaw na lang ang tumawag or mag-abang ng pulis para hulihin 'yan. Pero good luck sa'yo dahil kagabi pa kami tumatawag sa mga 'yun at laging busy linya nila. Pero thank you talaga ulit... kuya... I mean, Boyet. Thank you."
Naramdaman ni Boyet ang sinsero at taos-pusong pasasalamat sa kanya ni AC habang nakatunghay siya sa nahihiyang mga ngiti nito.
"Ah.. eh.. wala 'yun. Tara, hatid na kita. Sa'n ba punta mo? Baka may mga siraulo d'yan sa tabi-tabi. Mahirap na, pinawi niya agad ang tingin kay AC nang magtama ang mga mata nila.
"Naku! 'wag na. Bibili lang naman ako ng gamot sa drugstore para kay Mama. Saka baka ma-lockdown ka. Dapat siguro umuwi ka na sa inyo."
"Hindi, ayos lang. Marami akong alam na short-cut at secret na mga daanan dito kaya alam ko mga pasikot-sikot dito sa Metro Manila. Habal driver kasi ako kaya, alam mo na. Dapat kabisado ko mga daan para mabilis kong mahatid mga pasahero ko. Kaya, tara na! Sa'n ba drugstore na sinasabi mo?" Sinuot ni Boyet ang helmet niya at iniabot naman ang isa pang helmet kay AC na karaniwang ipinapasuot niya sa kanyang mga pasahero.
Nag-alangan pa noong una na sumama si AC. Pero noong makita niyang wala halos katao-tao sa kalsada at manaka-naka ang mga dumadaang sasakyan, nakumbinsi na rin siyang sumakay.
Hmmm... Mukha namang mabait si kuya.
Sinuot niya ang helmet, umangkas siya at humawak nang mahigpit sa bewang ni Boyet nang magsimulang umandar ang motor.
Sarado ang unang drugstore na napuntahan nila. Dumating sila doon sa loob lang ng kinse minutos. Maraming tao sa labas na naghihintay na magbukas ito, pero wala yatang balak gawin iyon ng may-ari dahil ni security guard ay wala ditong nakatao. Inip na ang mga mamimili. Ang iba sa kanila nakapayong dahil tirik na ang araw, pero ang karamihan, nagtatakip ng panyo sa mukha o 'di naman kaya ay naka-mask dahil sa laganap na pollen sa hangin. Pumupusyaw na naman ang paligid.
"Ano ba 'yang mga dilaw-dilaw na yun na parang alikabok na pulbo na 'di ko maintindihan na palutang-lutang?" Naiiritang tanong ni Boyet dahil napupuwing na siya sa mga pollen na pumapasok sa loob ng helmet niya habang binabagtas nila ang daan sa susunod na drugstore.
"Hindi ako sure, pero parang mga pollen ata 'yun galing sa mga green crescent paradise. 'Yung mabangong bulaklak na kulay green. 'Yung usong-uso ngayon. May nakita kasi akong nagbuga nang ganu'n kagabi." Mahigpit ang kapit ni AC kay Boyet dahil sa bilis nitong magpabarurot ng motor. Nahiya nga lang siyang magsabi dahil katuwiran niya ay nakiki-angkas lang naman siya. Ang hindi alam ni AC, gustong-gusto naman iyon ni Boyet.
Bumaba sila sa tapat ng mall kung saan nasa ground floor ang pangalawang drug store na pinuntahan nila. Bukas ito at dagsa ang tao sa loob at abot hanggang labas ang pila. Determinado si AC na mabilhan ng gamot ang ina kaya't sinabihan niya si Boyet na mauna na at baka abutin siya ng pasko kung maghihintay.
"Hindi sige, ayos lang. Hintayin kita dito. Wala na rin naman akong mga pasahero. Hinatid ko na silang lahat!" Pabirong sabi ni Boyet.
Pumasok si AC sa loob ng drugstore na puno ng pag-asa at lumabas siyang bigo dahil ubos na ang gamot na balak niyang bilhin. Out of stock na raw. Nabalewala ang ngalay at inip niya sa mahigit one and a half hour na pagpila.
Napansin naman agad iyon ni Boyet sa matamlay na lakad ni AC nang papalapit ito sa kanya. "Oh, nakasimangot ka naman agad. Ayos lang 'yan. Hanap pa tayong iba."
"Hindi na. Uwi na siguro ako. Baka kasi hinahanap na rin ako ni Mama. Ang tagal ko kasing nawala. Hintayin ko na lang kuya ko. Baka may nabili 'yung gamot. Ito oh," inabot ni AC ang isang supot na may lamang dalawang ice cream drumstick at maliit na botelya ng energy drink.
Bago tuluyang mapasakamay ni Boyet ang supot, kinuha ni AC ang isa sa mga drumstick at saka tinalupan. "Pa-thank you ko 'yan sa'yo dahil hinintay mo ako. 'Yung energy drink naman para 'di ka antukin habang nagmamaneho pauwi sa inyo. Tingnan mo nga sa salamin 'yang mga mata mo. Para ka ng may blackeye sa lala ng eyebag mo. Joke!" Nag-peace sign sa kanya si AC. "Pero seryoso, thank you sa'yo. Sobra."
May kung anong liwanag ang namulaklak sa dibdib ni Boyet at kumalat iyon sa buo niyang katawan.
Ito ba 'yung kilig na tinatawag nila? Kinikilig ba siya?
Bakit parang napapangiti siya nang kusa?*
Pinamulahan siya ng pisngi at bigla, hindi siya makatingin nang diretso kay AC.
Naupo sila sa may bench saglit para ubusin ang ice cream. Nagkakuwentuhan sila ng mga bagay- bagay pero hindi naman seryoso ang usapan. Saan ka nakatira? Ilang taon ka na? Ano ang work mo or saan ang school mo? Ano ang favorite anime mo? Nagbato rin siya ng mga jokes at tumawa naman sa lahat ng iyon si AC kahit na sa tingin ni Boyet korni ang mga iyon. Mga ganu'n lang at pagkatapos, nag-aya na si AC umuwi.
May kudlit na lungkot na naramdaman si Boyet nang ibaba niya si AC sa may kanto malapit sa kanila. Bigla, parang gusto niyang ayain ulit si AC na sumakay sa motor at umikot pa nang isang beses sa buong Ortigas area. Kahit isa lang. Ano kaya kung hingin niya ang FB nito? Masyadong mabilis, masyado naman yatang presko. Pa'no kung magpaalam siya kung pupuwedeng magkita ulit sila sa kantong ito? Ano kaya kung...
"Uy! Natulala ka na d'yan. Sabi ko salamat sa tulong mo. Dito na'ko." Napatid ang mga boses sa kokote ni Boyet.
"Oo naman. Si-sige una na 'ko." Hindi niya maintindihan. Bakit ba siya natutuliro at natatameme bigla.
Sumakay muli si Boyet sa kanyang motor at isunuot muli ang kanyang helmet nang tawagin ulit siya ni AC. "Uy, ano FB mo?
Napalingon si Boyet at bumungad sa kanya ang maaliwalas na mukha ni AC. Nag-aabang sa isasagot niya.
Naaala niyang wala nga pala siyang phone pero ibinigay niya pa rin ang pangalan niya. "Boyet Azarcon Jr. Hanapin mo na lang du'n."
"Okay, sige. Ingat ha." Tumalikod na si AC at pumasok na sa makipot na kalsada papunta sa kanila.
Sa isip-isip ni Boyet, buti na lang at naka-helmet siya kung hindi baka ma-weirdohan bigla si AC sa kanya dahil sa malaking abot tengang ngiti na gumuhit sa kanyang labi na hindi niya mapigilan.
BINABASA MO ANG
The Scent Of Madness (COMPLETE)
HorrorIsang maaliwalas na umaga, nakasakay si Mark sa isang bus patungo sa bagong kumpanyang kanyang aaplayan. Walang kamuwang-muwang na sa araw na iyon ay susuungin niya ang isang delubyo na sanhi ng isang uri ng bulaklak. Habang si Boyet naman sinusubuk...