Napatigil si Mark sa paglalakad dahil hindi niya maiwasang amuyin ang paligid. Sobrang bango. Parang may nagsaboy ng air-freshener sa hangin, pero mas mahalimuyak ang isang 'to. Sinundan niya ang amoy at nasorpresa siyang malaman na galing pala ito sa mga kulay berdeng bulaklak na nakalagay sa malalaking paso na kanina lang ay tinatanaw niya sa loob ng bus.
Bakit parang ngayon lang nauso 'tong bulaklak na 'to at bakit ngayon lang nalaman na may ganito palang bulaklak sa Pilipinas? Or sa Pilipinas nga ba nag-originate ang bulaklak na 'to?
Oo nga pala! Naaalala na niya. Una niyang nalaman ang mga bulaklak noong mapanood niya ang isang video ng sikat na vlogger na taga-Mindanao. May pinakita siyang tanim na Green Crescent Paradise sa garden niya noong nagpa-house tour siya at simula nu'n, nagsigayahan na ang mga tao. Hanggang sa kumalat na sa buong Mindanao ang kasikatan ng bulaklak hanggang sa umabot na rin sa Visayas tapos heto nga, sa kalakhang Maynila.
Hindi nakapagtataka ang bilis ng pagsikat ng Green Crescent Paradise. Bukod sa napakabango na nga, sobrang dali pang alagaan. Kahit minsan mo lang diligan sa isang linggo kayang-kaya nitong mabuhay. Inilista ni Mark sa kanyang notes app ang Green Crescent Paradise bilang isa sa mga unang bagay na bibilhin niya sa unang suweldo niya kapag natanggap siya sa bagong kumpanyang kanyang papasukan.
Habang naghihintay ng masasakyang jeep, sa kabilang bahagi ng kalsada, naulinigan ni Mark na may batang umiiyak. Nakita niyang isang batang paslit na may kulay pink na headband at naka-jumper. Pinapatahan siya ng nanay niya. May kumirot sa puso ni Mark. Naalala na naman niya ang anak niya sa Cebu. Siguro magkasing edad lang sila nitong nene na 'to. Napansin ni Mark na may Green Crescent flower itong nakasukbit sa kaliwang tenga. Ang cute!
Naputol kanyang pangmumuni-muni nang biglang nag-vibrate cellphone niya. Dali-daling sinilip ni Mark ang telepono at baka hinanahanap na siya ng recruiter sa aaplayan niyang BPO company. Baka late na siya.
Pero hindi. Si AC lang pala, kapatid niya. Half sister to be exact. Kapatid niya sa ina.
Kuya, wala ng gamot si Mama. Baka puwedeng dumaan ka sa Mercury pag uwi.
"Puro na lang kayo pera. Ako ba tinanong niyo kung nakakain man lang ba ako kanina bago umalis ng bahay?" Maktol ni Mark habang tinitipa ang reply.
Oo mamaya. Daan ako ng drugstore
Send!
Sa isip ni Mark kung masama lang siyang anak, pinabayaan na lang sana niya sila. Pero nangako siya sa tatay niya na aalagaan niya si AC at ang Mama nila. Hindi gaya ng pagpapabayang ginawa ng Mama nila nang sumama ito sa ibang lalake noong musmos pa siya. Saka lang siya bumalik sa piling nilang mag-tatay noong halos magupo na siya ng diabetes at iwan sila ng kalaguyo. Parang mga laruang pinagsawaan.
Ito namang tatay niya, agad-agad tinanggap Mama niya pati na rin yung half sister niyang si AC. Hindi niya raw matiis, mahal niya raw kasi.
Minsan talaga napakatanga rin ng tatay niya. Inuputan na nga siya't lahat sa bumbunan tapos, heto, gusto niya pang alagaan. Kung kailan mistula na itong lobo na wala ng laman na hangin.
Kinamatayan na lang ng Papa niya ang pag-aalaga sa Mama niya. Mantakin mo, ang lakas-lakas pa ng Papa niya noong wala pa yung Mama niya sa kanila tapos pagkamukat-mukat biglang nauna pang mawala Papa niya. Pakiramdam ni Mark naubos na parang baterya ang ama niya dahil sa pag-aalaga sa taksil niyang ina.
Kaya ganoon na lang ang hinanakit niya rito. Kaya hindi niya ito kinakausap masyado. Hindi niya kinikibo. Basta sa kanya, nag-aabot siya ng pera, tapos! Hanggang doon na lang ang kaya niyang ibigay. Tinutupad niya lang ang habilin ng ama.
Ang anumang sosobra pa roon, hindi na niya kaya at magagawa pang ibigay.
Sorry, Pa. Ganu'n talaga.
"Ayala! Ayala! Ayala!" tahol ng barker ng jeep. Isa-isang nang nagsipasok ang mga mananakay sa loob, huli si Mark. Pumuwesto siya sa pinakadulo.
Nagsimulang maghalukay ng barya sa loob ng bag niya si Mark para sana sa pamasahe at unti-unti nang umaandar ang jeep papaliko sa kalapit na kanto.
Sakto namang biglang may tumili sa direksyon ng batang may pink na headband. Maiksi at impit ang tili. May dalawang lalakeng nagtakbuhan galing sa kung saan at nagsihabaan ang mga leeg ng mga kapwa niya pasahero para sundan ng tingin ang mga ito.
"Uy, ano yun! Yung bata! Dali!" Sigaw ng isa sa mga lalakeng tumakbo. Hindi na nila nakita Ang susunod na nangyari dahil tuluyan ng nakaliko sa kanto ang sinasakyan nilang jeep. Pero bago lumiko, ang huling eksenang nakita ni Mark ay ang pagtilamsik ng dugo sa pader.
Hindi nga lang siya sigurado kung saan o kung kanino ito galing.
"Tumawag kayo ng pulis! Bilisan niyo! Naku po! 'Yung ale, pakitulungan!"
"'Yung bata ilayo ninyo! Diyos ko pong mahabagin!"
Napa-sign of the cross na lang ang matandang babaeng katabi ni Mark sa sasakyan.
BINABASA MO ANG
The Scent Of Madness (COMPLETE)
TerrorIsang maaliwalas na umaga, nakasakay si Mark sa isang bus patungo sa bagong kumpanyang kanyang aaplayan. Walang kamuwang-muwang na sa araw na iyon ay susuungin niya ang isang delubyo na sanhi ng isang uri ng bulaklak. Habang si Boyet naman sinusubuk...