Parang panaginip lang ang lahat.
Nagsisigawan ang mga tao sa loob ng botika. Magulong-magulo. Hindi mawari ni Mark kung bakit. Basta ang alam niya kailangan niyang kumuha ng supplies, item, gamot o ng kahit ano pang puwedeng maiuwi sa kanila dahil kung hindi, baka siya maubusan. Hinagilap niya si Kenzo at natanaw niya ang nakalitaw nitong ulo sa pagitan ng mga istante kung nasaan naka-display ang mga diapers.
Panay din ang sulyap ni Mark sa dalawang CCTV camera na nakasabit sa magkabilang dulo ng botika, umaasa na hindi ito gumagana habang ang mga saleslady at salesman, tulala lang sa isang tabi. Wala na silang magawa kundi tingnan ang unti-unting pagkasimot ng kanilang mga paninda.
Habang tumatagal, napapansin din ni Mark na lalo ring nagiging marahas ang mga kapwa niya looter. May nakita siyang dalawang babae na nagsasabunutan sa may soap and detergent section. May dalawang lalaki naman na nagbubuntalan sa may bandang cashier. At ang guard na nakabantay sa labas, patuloy pa ring inuundayan ng mga tadyak at pinauulanan ng mga mura kahit wala na itong malay na nakahandusay sa sementadong sahig. Ang kulay puti nitong uniporme naging pula na dahil sa dugo. Iisa halos ang isinisigaw ng mga taong gumagawa nito: Tagilid ka! Tabingi ka! Kailangan kang mawala! Salot! Salot!
Hindi na maganda ang kutob ni Mark. Kailangan na nilang umalis ni Kenzo sa lugar na iyon. Kaya nang mahanap niya ang counter kung saan nakaimbak ang mga gamot, agad niya itong hinalughog. Nakita niya ang mga vials ng insulin na gamot sa type 1 diabetes ng kanyang ina. Kumuha rin siya nang mangilan-ngilang sealed and unused injections. Umaapaw na sa mga de-lata at iba pang mga grocery items ang basket niya, kaya isinilid na lang niya ang ibang mga insulin vials sa kanyang magkabilang bulsa. Ang mga injections, isiniksik na lang niya sa basket kahalo ang mga nakulimbat.
Naalala ni Mark na kailangan rin pala ng gamot para sa nilalagnat na anak ni Kenzo. Hinalughog niya ulit ang mga istante at tukador sa counter hanggang sa mahanap niya ang paracetamol syrup for babies. Pumitas siya ng limang kahong botelya at nagmadali na siyang umalis doon.
"Kenzo! P're, sibat na tayo dito!" Sigaw ni Mark. Nagkandaduling-duling na siya kalilibot ng tingin sa paligid para hanapin si Kenzo. Lalo yatang dumami ang tao sa loob at lalo ring umingay. "Kenzo, tara na! Asan ka? Dali!"
May narinig siyang tumawag sa kanyang bandang likuran. Mahina pero malinaw nitong nasambit ang kanyang pangalan. "TL, dito. Dito sa likod mo."
Napalingon si Mark sa pinanggalingan ng boses. Alam niyang kay Kenzo iyon, pero hindi niya inaasahan ang tumambad sa kanyang itsura nito.
Nakaupo si Kenzo sa isang sulok. Nakasandal siya sa pader habang sapo ang leeg na may nakatarak na dalawang lapis at sumisirit na dugo. Sa kanan niya ang dalawang basket na umaapaw sa dami ng diaper at mga lata ng infant milk formula. Sa kaliwa naman, ang nakadapang saleslady. Hindi gumagalaw at tila hindi na rin huminhinga. Ang mukha nito natabunan ng nagdikit-dikit niyang buhok dahil sa dugo. Dugo na galing naman sa nabasag nitong bungo nang hambalusin ni Kenzo ng matigas na bagay ang ulo nito.
"The fuck! P're anong nangyari?" Tarantang tanong ni Mark. Nilapitan niya ang kaibigan pero hindi niya alam kung paano ito tutulungan.
"Siya kasi p're, bi.. bigla akong sinugod. Hin..di ko na... naman siya inaano. Ang sa...sabi tagilid daw ako. Kundi..kundi ba na...man gago." Matamlay na nakangisi ni Kenzo. "Tapos gusto pang a.. agawin 'tong grocery ko. S-syem.. syempre di.. di ko binigay. Para sa baby ko 'to eh."
Nakatingin lang si Mark sa dalawang lapis na nakabaon sa leeg ni Kenzo habang nagsasalita ito. Hindi niya alam kung huhugutin niya ba ang mga iyon o hahayaan na lang. Tuloy-tuloy lang din ang pag-agos ng dugo mula sa nilikha nitong mga sugat. "Kenzo, p're, 'wag ka munang magsasalita. Relax ka lang. Tatawag ako ng duktor." Hinugot ni Mark ang telepono sa bulsa at nagsimulang i-dial ang 911.
"TL, 'wag na," awat ni Kenzo. Huminga ito nang malalim at nagsisimula nang pumikit-pikit ang kanyang mga mata. "Par.. parang di .. na.. rin... a.. ako aabot. Pakisabi na lang kay Sha.. Shan na mahal... na... mahal ko si..sila ng baby namin. Paki...bigay na rin 'tong mga grocery sa ...sa.. ka..nila ha." Umubo si Kenzo nang dalawang beses at kasabay nu'n ang pagbulwak pa ng maraming dugo nito mula sa kanyang bibig. At pagkatapos, pumikit na ito at hindi na dumilat pa kahit anong tapik o tampal ang gawin sa kanya ni Mark.
Shit! Shit! Shit! Tang ina, shit!
Nagpalinga-linga siya. Naghahanap ng kung sino ang pupuwedeng makatulong sa kanyang kaibigan. Wala siyang natagpuan. Abala ang lahat sa pagnanakaw at pagpatay ng kung sino-sino. Nanikip ang kanyang dibdib dala ng pinaghalong galit at kawalan ng pag-asa.
Gumaralgal ang kanyang tiyan. Parang hindi na kinakaya ng kanyang sistema ang mga bagay na kanyang nasaksihan. Pinipilit ni Mark na huwag maduwal kaya pikit-mata niyang nilulunok pabalik ang anumang likidong nagbabantang umalsa palabas ng kanyang sikmura.
Huminga nang malalim si Mark at nag-alay ng isang dasal. "Sige p're. Ako na bahala. Makakarating 'to sa mag-ina mo. Dito ka lang muna."
Nakakita siya ng push cart sa malapit at doon isinilid ang basket ng mga groceries nila ni Kenzo. Lumingon siya sandali sa wala ng buhay na kaibigan para magpaalam sa huling pagkakataon. "Salamat ulit," sabi niya.
Minani-obra niya ang push cart palabas ng botika. Hindi na niya maalala kung paano niya naiwasan ang mga nagkakagulong tao. Basta ang alam niya kailangan niyang balikan si Shan at ang lola nito para sabihin sa kanila ang sinapit ni Kenzo. Iniisip pa lang ni Mark kung paano sisimulan parang mas gugustuhin na lang niyang tumakas at umuwi na lang sa kanila. Pero nangako siya sa kaibigan na ihahatid ang mga grocery items pati na rin ang paracetamol na gamot sa nilalagnat nilang anak.
Kaya nagpatuloy siya sa pagtutulak ng push cart. Iniwasan niya ang mga barikadang nakaharang at umiba siya ng daan hanggang sa makarating siya sa pintuan ng bahay nila Shan.
BINABASA MO ANG
The Scent Of Madness (COMPLETE)
HorrorIsang maaliwalas na umaga, nakasakay si Mark sa isang bus patungo sa bagong kumpanyang kanyang aaplayan. Walang kamuwang-muwang na sa araw na iyon ay susuungin niya ang isang delubyo na sanhi ng isang uri ng bulaklak. Habang si Boyet naman sinusubuk...