Chapter 26

160 9 1
                                    

"Hey, 'musta? Mukhang aga-aga may kaaway agad ah," nakangiting bati ni Kenzo kay Mark pagkababa nito.

"Sus, wala 'yun. Asungot lang," pakli ni Mark. Nakailang pahid na siya ng muta sa mata pero parang lalo lang itong sumisiksik sa pinakasulok.

Napansin naman iyon ni Kenzo. Inalok niyang maligo na muna ang bagong kaibigan habang inihahanda ni Shan ang kanilang almusal. "Shower ka muna, pre. May fresh towel ako dyan nakapatong sa kabinet. Kung gusto mo hiramin mo na rin mga t-shirt at shorts ko kaso..." Sinipat-sipat muna ni Kenzo ang katawan ni Mark. "No offense, ha. Parang masikip siya sa'yo. Again, no offense."

Natawa na lang si Mark, "None taken."

Matagal na rin kasi niyang tanggap ang timbang niya kaya hindi na ito isyu sa kanya. Mas naiilang pa nga siya minsan kapag 'yung mismong mga tao sa paligid niya ang tila ingat na ingat sa mga sasabihin nila tungkol sa katawan niya. Para kasi kay Mark, hindi naman talaga sukatan ang itsura ng tao. Cliche, oo, pero totoo.

Mga trenta minutos ang din naligo si Mark. Buhos siya nang buhos, kuskos nang kuskos para masigurong tanggal lahat ang mga bakas ng nangyari sa kanila lalong-lalo na ang mantsa ng mga dugo.

"Kuha ka lang po. May sinangag d'yan at longganisa. Meron ding pandesal at mantikilya" Hindi alam ni Mark kung malambing lang ang boses ni Shan o antok na antok pa ito. "'Yang kape hindi ko na nilagyan ng asukal. Ikaw na bahala maglagay. Hindi ko kasi alam kung ano timpla mo."

Pagkatapos, umakyat na uli si Shan sa kuwarto nila ni Kenzo para humalili sa lola niya sa paghele ng baby nila. "Guys, pasara na lang ng pinto pag-alis niyo." Bilin sa kanila ni Shan na kanina pa hikab nang hikab.

"Aalis ka? Baling ni Mark kay Kenzo. "Saan?

"Bibili lang ako gamot para sa baby namin d'yan lang sa drugstore. Para kung sakaling bumalik lagnat niya mamayang hapon o gabi may maiinom siya. Bili lang rin ako ng diapers at mga supplies. Mukhang nagsisimula na kasing ipatupad ang Martial Law."

Nagising si Mark sa tinuran ni Kenzo. Noon lang niya naalala na may batas nga palang ganito na idineklara ang gobyerno. Siguradong magiging pahirapan na ang pagkilos ng mga tao sa mga susunod na oras o araw o puwede ring buwan at taon. Kailangan na talaga niyang umuwi sa kanila.

"P're, sabay na 'ko sa'yo. Bibilhan ko rin kasi si Mama ng pang-maintenance niya."

Pumayag naman si Kenzo kaya pinaspasan na lang ni Mark ang pagkain. Habang ngumunguya, iniiskrol din ni Mark ang laman ng kanyang mga social media accounts.  Kung hindi tungkol sa Martial Law, tungkol ito sa marami at iba't ibang mga kaguluhan at krimeng naganap sa loob lang ng nakalipas na bente kuwatro oras.

Sample ng mga headline galing sa iba't-ibang news websites at portals:

Violence and crime erupts all over the Philippines

It's a red bloody day for the Filipinos

Limang libo, patay sa loob lamang ng 24 oras

Kabi-kabilang kaguluhan sa bansa, isinisi ng Pangulo sa mga terorista

Labing isa patay, walong sugatan sa karambola ng sasakyan dahil sa bulaklak

Nag-iskrol down pa siya ulit. May nahagip siya sa kanyang news feed. Isang viral video. May 1.5 Million views, 33,000 shares at 200 thousands likes. Sa video na nakunan ng CCTV, makikita ang isang matanda. Paika-ika itong humahangos at panay ang lingon sa kanyang likuran. Duguan ang kanyang  t-shirt na kulay puti at ang itim niyang pantalon ay gula-gulanit. Hindi kita sa screen, pero may mga boses na palakas nang palakas habang papapalit nang papalapit.

"Hulihin n'yo yan! Sunugin niyo! Bilis! Tagilid siya! Tabingi!" Sigaw ng isang boses ng lalaki. Hindi siya mahagip ng  camera dahil madilim sa kinaroroonan nito at mapusyaw  rin kasi ang kalidad ng video dahil sa naglulutangang mga pollen sa hangin.

Nagkukumahog ang matanda at umiiyak ito. Napadpad siya sa katapat na bahay. Natatarantang kinatok nito ang pinto, nagmamakaawang papasukin siya ng kung sino man ang nasa loob.

May lumitaw na apat pang lalaki sa screen. Dalawa sa kanila walang saplot na pang-itaas at ang natitirang dalawa, naka sando. Agad na sinunggaban ng isa ang matanda. Hinawakan ito sa kuwelyo at saka isinalya sa malamig na semento. Humampas ang mukha ng matanda doon, pero patuloy pa rin ito sa pagmamakaawa sa pamamagitan ng pagkapit sa hita ng isa sa mga salarin.

Isang lalaking naka-itim na sando ang lumapit sa nakahandusay na matanda. May dala itong isang litrong bote ng softdrink. Laman nito ang isang malinaw na likido - gaas.

Ibinuhos ng naka itim na sando ang gaas sa matanda. Mabagal namang gumapang ang lolo papalayo sa apat na demonyo kahit hirap na hirap na ito.

Dito na lumapit ang isa pang lalaki, 'yung naka t-shirt na black naman. May dinukot siya sa bulsa - isang lighter at agad na ikiniskis iyon sa kanyang hinlalaki. May munting ningas ng apoy ang lumabas dito at panandaliang inilawan nito ang mukha ng lalaking naka-puting sando. Blangko ang eskpresyon nito maliban na lamang sa mga nanlilisik niyang mga mata.

Inihagis ng lalaki ang nakasinding lighter sa matanda. Pagdapong-pagdapo ng munting ningas ng apoy sa paa ng lolo, nagliyab agad ang buong katawan nito. Nagsisisigaw ang matanda, nagpagulong-gulong ito sa kalsada. Pinipilit na patayin ang apoy na tila lalo lang lumalakas.

Naglakad palayo ang apat na lalaki pagkatapos na parang wala lang ang nangyari.

Natigilan si Mark sa napanood. Lubha siyang nabahala. Ayaw niya sanang tapusin ang video, pero para itong gravity na hinila siya pababa. Hindi niya mapigilan ang sarili na hindi iyon makita. Nabitawan niya ang kutsarang hawak at nawalan siya ng ganang kumain. Bumulwak ang sikmura niya at napatakbo siya sa kubeta. Sa tapat ng bowl ng inidoro, doon siya tumungo at isinuka ang asidong kumulo sa kanyang tiyan pagkatapos masaksihan ang kagimbal-gimbal na krimen.

"P're, okay ka lang?" Kinatok siya ni Kenzo.

"Oo, okay lang. Okay lang ako, p're," sabay punas sa bibig na may naglalapot na laway, kape at maliliit na piraso ng burger na kinain niya kagabi.

Napahilamos si Mark nang 'di oras sa bathroom sink. Una para linisin ang mukha at pangalawa para pakalmahin ang sarili. Para sa kanyan, may kung anong ginhawang hatid ang malamig na daloy ng tubig.

Napatitig si Mark sa salaming naka-puwesto sa ibabaw ng lababo. Hindi niya lubos maisip na muntik-muntikanan nang mangyari ang ganoon sa kapatid at ina niya.

Kinuha niya ang cellphone sa bulsa para kumustahin sina AC.

*Kumusta na kayo nila Mama jan? Hindi ba pwedeng si Tito Meng na lang ang utusan mo na bumili na muna ng gamot?

Limang minuto ang pinalipas ni Mark bago niya isunuksok pabalik ang phone. Wala siyang reply na natanggap mula kay AC. Malamang busy.

Nag-on naman siya ng mobile data at agad na nag-*ping!* ang Messenger niya maya-maya. May message na pumasok galing sa kanyang ex.

*Ok naman kami ni Angel. Nandito kami sa resort nila Papa. Dito muna kami mag-stay. Mas safe dito. Naka-lockdown kami dito temporarily sa resort. Ingat kayo d'yan*.

Kalakip ng message ang isang larawan ni ng baby Angel nila na nakangiting nagbabasa ng children's book. Bahagyang guminhawa ang pakiramdam ni Mark.

"P're, punta na tayo ng drugstore para makauwi na rin ako sa'min," ika ni Mark paglabas ng kasilyas. Sandaling nanuyo lalamunan niya pero lumunok na lang siya ng laway dahil sumama ang kanyang sikmura sa napanood.

Tumango si Kenzo. "Ikaw na nga lang hinihintay ko eh."

Nilinis na nito ang lamesa at nahugasan na rin ang mga platong kanilang pinagkainan. Ganoon kabilis!

"Labs, Lola, alis na kami. Naka-lock na 'tong pinto paglabas namin." Sigaw ni Kenzo sa kuwarto sa taas. Hindi siya sinagot ng mag-lola.

Wala silang kaalam-alam na iyon na ang huling beses na maririnig nila ang boses ni Kenzo.









The Scent Of Madness (COMPLETE)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon