Chapter 17

181 8 0
                                    

"P're, d'yan ka lang. Hintayin mo na lang 'yung reresponde sa kanila. Sasabihan ko rin 'yung guard d'yan sa may opisina na alalayan ka kung sakali," bilin ni Mark sa bantay ng convenience store. Sinulyapan niya sa huling pagkakataon ang dalawang bangkay na nakahandusay at napailing na lang siya. Hinahanap na kaya sila sa kanila? Pareho silang walang ID o kahit anong pagkakakilanlan maliban na lang sa mga cellphone nila na pareho ring naka-lock.

Nagmamadaling tinungo ni Mark ang opisina. Nadatnan niyang wala ang sekyu na nagbabantay sa may entrada nito. Nagtaka siya dahil kanina pa ito pumasok para raw mag-CR at hanggang ngayon ay 'di pa rin ito nalabas.

Pumasok siya sa loob at niyakap siya ng malamig na hangin ng aircon at ng nakakabibinging katahimikan.

Nasa'n na sila?

Lumapit siya sa may front desk. Papunta pa lang, alam na niyang wala ang receptionist dahil bakante ang upuan nito na nasa likod ng lamesa. Pero gusto niya makasiguro.

"Miss? .." at napaatras siya sa gulat. Sa ilalim ng lamesa, nakita niyang nakadapa ang duguang katawan ng receptionist. Ang buhok nito nakatakip sa wala ng buhay niyang mukha.

"A- nong.. Ba- bakit? ..." nauutal siya sa pagsasalita. Nagkarambola na yata sa dibdib niya ang mga gusto niyang sabihin na hindi niya maibigkas.

"Tagilid. Tagilid.. bakit lahat kayo tagilid?" May nagsasalita. Pinakiramdaman niya iyon. Galing sa hallway papuntang CR.

"Tagilid. Tatapyasin ko kayo para tumuwid kayo," marahan nitong sabi.

Lumabas na sa hallway ang nagmamay-ari ng tinig. Sa kanan nitong kamay, may hawak-hawak itong baril.

"Ikaw, bakit ka tagilid? Bakit ka tagilid! Sagutin mo 'ko! Sagot!" sigaw ng lalaki sa kanya. Nanlilisik ang mga mata nito at halos mapigtal na ang mga ugat niya sa leeg. May kidlat ng alaala ang mabilis na gumuhit sa kokote ni Mark. Siya 'yung lalakeng nakabungguan niya sa may entrance kanina.

Mabilis na itinutok ng kapwa niya applicant ang baril.

Teka, sa'n galing 'yung baril?

Nagawa pa niyang magtanong sa isip niya kahit nasa bingit na siya ng kamatayan.

"Sagot! Ba't 'di ka makasagot? Kasi tagilid ka! Tagilid!"

Nanuyo lalamunan ni Mark. Hindi siya makapagsalita dahil kapag nagsalita siya siguradong isusuka lang niya ang mga kinain dala ng labis na nerbyos.

Kinalabit ni applicant ang gatilyo. Saglit na kumislap ang dulo ng baril at pansamantalang natakpan ng amoy ng pulbura ang bango ng paligid. Bango na dulot ng green crescent paradise.

Katapusan ko na yata. Ito na 'yun. Hanggang dito na lang talaga. Sayang, ang dami ko pang gustong gawin. Ang dami ko pang gustong sabihin. Mahal na mahal kita baby Angel ko.. AC, 'kaw na bahala kay Ma..

Hindi alam ni Mark kung aktuwal na sinasabi niya ang mga iyon o sa isip lang niya habang patalikod siyang nahuhulog. Natapakan niya kasi ang umagos na dugo ng receptionist kaya siya nadulas. Paglagapak, narinig niyang may sumabog sa dingding sa likuran niya. Doon tumama ang bala.

"TL!" May bagong boses siyang narinig. Kilala niya kung kanino iyon. Kay Kenzo! Pagmulat, nakita niyang nakatayo ito, tangan-tangan ang tinuping foldable chair. Iyon ang upuan sa may waiting area na nakalaan para sa mga applicants. Sa paanan ni Kenzo, ang wala sa ulirat na gunman.

"Dali! Tara na!" aya ni Kenzo sa kanya. May biglang humila sa braso ni Mark. Babae at nakasuot ito ng kulay violet na jacket. Chinita siya at hanggang balikat ang haba ng buhok.

"Tara na!" Nagmamadaling utos ng chinita sa kanya. Hinakbangan nila ni Mark ang nakaratay pang gunman. Balak sanang damputin ni Mark ang baril sa kamay nito pero hinatak na sila ni Kenzo.

Tinahak nila ang hallway papuntang CR. Nadaanan nila ang vendo machine sa tabi ng banyo ng mga babae. Sa magkabilang gilid nito, pansin ni Mark ang dalawang paso ng green crescent paradise na tuloy-tuloy sa pagbuga ng tila kulay dilaw na pulbo sa hangin.

Kinatok ni Kenzo ang CR ng mga lalake at inayang lumabas ang mga nagkulong doon. Ganoon din ang ginawa ni chinita sa CR ng mga babae. Sa kabuuhan, sampu silang lahat na buhay pa. Si Kenzo, si chinita, ang janitor, ang janitress at ang lima pang kapwa nila applicants.

"Sa elevator tayo!" sigaw ni Kenzo. "Du'n muna tayo sa production floor, sa third floor. Mas maraming tao du'n." Nagmamadaling nagsisunod ang lahat. Ang iba sa kanila'y nagkandapatid-patid pa.

Sarado ang elevator. Tinadyakan ni Kenzo ang pinto nito habang pilit naman itong ibinubuka ng janitor. Tumulong na rin si Mark maya-maya. Pero nanatili itong mahigpit na nakatikom.

"Sa may emergency staircase!" Sigaw ni chinita.

Malapit ito sa CR ng mga babae nakapuwesto. Nagkandarapa ulit sila sa pagtakbo papunta doon. At nang itinulak na ni Kenzo ang pinto papasok, napasigaw ang janitress. Tumambad kasi sa kanila ang duguang katawan ng security guard na nagbabantay sa may entrance. Sa leeg nito, nakatarak ang isang ballpen. Hanggang sa huling sandali nakahawak ito sa leeg na animo'y pinipigilan ang pagdaloy ng dugo sa kanyang sugat.

Kagagawan ba 'to nung gunman?

Napalunok ng laway si Mark. Hindi siya makapaniwala na magagawang patumbahin ng patpating iyon ang isang malaking bulas na katulad ni kuyang sekyu.

"Balig.. tad .. ka.. yo.. la..hat .." napalingon sila sa direksyon ng boses. Nagkakamalay na ulit ang applicant-gunman.

"Ayan na siya! Shhhhh! " paalala sa kanila ng janitor. At tumahimik silang nag-unahan sa pag-akyat sa third floor. Takot na takot makagawa ng kahit katiting na ingay.
.
Hinakbangan na nila ang nakahambalang na patay na sekyu. Wala na silang pakialam kung sinasadya man nilang matapakan ito o hindi, ang mahalaga marating nila ang ikatlong palapag.

"Nasa'n na kayo? Nasa'n? Tatagpasin ko mga ulo niyo para pumantay. Tabingi kayong lahat!" Marahan lang ang pagsasalita ng gunman. Papalapit pa nang papalapit ang boses nito.

Sa wakas at narating nila ang third floor. Doon, sinalubong sila ng isa pang security guard. Mas matanda ito nang kaunti kaysa doon sa nakabantay sa entrance. Ginabayan sila nito papasok sa production floor. Nang masigurong lahat ay nasa loob na, ini-lock na ng security guard ang pinto.

"Teka kuya, pumasok ka na rin dito sa loob. Saka mo isara ang pinto pagkatapos," angil ng isang maputi at may kalaparan na babae. Sa nakasabit niyang ID sa leeg, kita ang pangalan nito: Ivy, Operations Manager. Sa likod niya ang mga nag-aalalang mukha ng iba pang mga ahente na kagaya nila ay nakakulong sa production floor at takot lumabas.

"Sige, Ma'am okay lang po ako. Ako na magbabantay dito," hindi na nakahirit pa si Ivy dahil ipinipinid na ng security guard ang pinto.

Walang kumikibo maliban na lang sa nagsasalitang TV reporter sa nakasabit na 41 inch na flatscreen TV sa dingding. Lahat sila hindi makahinga at ang bigat-bigat ng hangin sa loob. Marami sa kanila, nagpapawis na ang mga palad.

Ilang nakakabaliw na minuto pa ang lumipas at ginising ang diwa nilang lahat ng malakas na sigawan sa labas.

"Hinto! Ibaba mo baril mo! Ibaba mo sabi!" Matigas na utos ng security guard sa sinumang kausap nito.

"Tagilid ka rin! Tagilid kayong lahat!" boses iyon ng gunman. Kasunod nito, isa.. dalawa.. tatlo... apat na malalakas na putok ng baril ang umalingawngaw. Napatakip ng tenga ang lahat ng nasa loob ng production floor. May iba rin na awtomatikong nagtago sa ilalim ng lamesa.

May pumipihit na ng doorknob. Dahan-dahan noong una hanggang sa pabilis nang pabilis. Gusto silang pasukin ng gunman.













The Scent Of Madness (COMPLETE)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon