Ring lang nang ring ang kabilang linya. Hindi sinasagot ni AC ang mga tawag niya. Ganoon rin ang Tito Meng nila. Sa kalsada, tila halinhinan ang pagdaan at pagbusina ng iba't ibang ambulansya at trak ng bumbero. Limang minuto lang ang nakararaan halos mabingi sila ni manong sekyu na nakatayo sa entrada sa lakas ng mga wangwang nito.
Sa gilid ng ilang nagdaang trak, naka-paskil ang, "Makati City Fire Department". Ngayon naman, sa kabilang linya, ang trak naman ng "Manila City Fire Department" ang humahagibis. Nakabuntot dito ang dalawang ambulansya.
"'Nong, sa'n daw may sunog?" tanong ni Mark kay manong sekyu. At dahil hindi sinasagot ng kapatid at tiyo ang mga tawag niya, ibinulsa na lang muna niya ang cellphone. Nagbilin na lang siya sa na tawagan siya as soon as possible.
"Hindi ko nga alam eh. Kanina pa 'yang mga 'yan. Paikot-ikot dito. Siguro may sunog sa Taguig kasi parang may nadaanan akong balita dito sa app ko," inginuso ng guard ang cellphone na nakapatong sa lamesa sa harap niya. Pagkatapos, pumasok ito saglit sa loob para umihi.
Naiwan si Mark na nakatayo sa entrance. Tinignan niya ang magkabilang dulo ng kalsada. Sa kaliwa niya, may dalawang babae na parang nagmamadali. Panay ang tingin sa likuran nila kahit wala naman nakikita si Mark na nakasunod sa kanila. Hindi mo rin naman sila masisisi dahil hating gabi na at uso ang holdapan lalo na sa mga nagtatrabaho sa mga call center companies kung saan sila ay napapalibutan ng mga ito ngayon.
Nilingon naman ni Mark ang kanan at sa 'di kalayuan may natanaw siyang dalawang lalake, magkadikit. Tila nagbubulungan o baka naghahalikan? Kung ano't ano man wala naman kay Mark iyon dahil para sa kanya love is love, 'ika nga. Maya-maya, humiwalay ang isa at iniwan ang kasama. Lumakad ito papalayo na kalmadong-kalmado.
Sa sobrang kalmado, hindi na siguro nito namalayan na nasa gitna na pala siya ng kalsada at sa isang iglap, may kulay pulang kotse ang biglang lumitaw sa kanan niya. Napakabilis nang takbo nito. Marahil sa isip ng nagmamaneho, wala naman sigurong tanga ang tatayo sa gitna ng kalsada sa dis-oras ng gabi. Pero nagkamali siya. Huli na para umiwas o prumeno. Nahagip ng kotse niya ang lalake. Ang nakapagtataka lang, habang nakikita ni Mark ang mga pangyayari, bakit parang wala lang sa kanya ang masagasaan? Ni hindi man lang ito umiwas, tumakbo o umilag.
Mistulang ibinalibag na laruan ang katawan ng lalake noong mabunggo. Lumipad ito at bumagsak ang ulo sa aspaltong kalsada. Mula sa kinatatayuan ni Mark, dinig niya ang pagkabiyak ng bungo ng nasagasaan.
"Hooooooy! Sandali! Sandali!Teka lang!" Sinubukan pang habulin ni Mark ang kotse. Pilit niya ring tinandaan ang plate number nito pero masyadong mabilis ang andar nito at may grado na rin ang kanyang mga mata kaya hindi niya ito nakita.
Hingal-kabayo si Mark. Napasalampak siya sa bangketa. Sa harap niya, mga sampung hakbang ang layo, ang bangkay ng lalakeng nasagasaan. Kita ni Mark ang utak nitong bahagyang nakaluwa. Ang ilong at bibig nito, nagsa-batis ang pag-agos ng dugo. Humilab ang kanyang sikmura at siya ay naduwal.
"Kailangang tumawag ng pulis. Ano bang number ng pulis sa Makati?" Nanginginig ang kamay ni Mark nang buksan niya ang telepono at pinindot ang "Turn-On Data" button nito. Kinonsulta niya si pareng Google. Tinipa niya sa screen ang "Makati City Police Hotline". May mangilan-ngilan ring resulta ang lumabas. Sinbukan niyang tawagan ang text hotline. Walang sumasagot. Busy siguro dahil sa dami ng mga tumatawag. Mga sampung minuto pa ang lumipas at ibababa na sana niya ang cellphone nang biglang may tinig siyang narinig. Boses babae.
"Good evening... I mean, Good morning! Makati City Police Hotline. Ano pong maipaglilingkod namin sa inyo?" halata sa boses ng kausap ni Mark na antok na rin ito.
"Hello, miss. My name is Mark. Nandito ako ngayon sa may Ayala Avenue, corner Gil Puyat. May nakita akong lalakeng na-hit ang run dito. Nakahiga siya ngayon at 'di siya gumagalaw. Kung puwedeng magpadala po kayo ng ambulansya, now na po. Baka sakaling maisalba pa."
BINABASA MO ANG
The Scent Of Madness (COMPLETE)
HorrorIsang maaliwalas na umaga, nakasakay si Mark sa isang bus patungo sa bagong kumpanyang kanyang aaplayan. Walang kamuwang-muwang na sa araw na iyon ay susuungin niya ang isang delubyo na sanhi ng isang uri ng bulaklak. Habang si Boyet naman sinusubuk...