Chapter 6

242 9 0
                                    

Naghihintay ng pasahero si Boyet sa labas ng katabing mall kung nasaan si Mark. Nakatambay lang siya sa  mini-park, kunwaring may inaabangan kahit wala naman. Tumitingin-tingin kung may pasahero.

Maya't- maya siyang dinadaanan ng security guard ng mall na nagmamay-ari ng mini park kaya't maya't maya rin siyang nakayuko sa kanyang cellphone para iwasan ang mga mapanuring mata nito at para magmukha siyang may ginagawa. Mahirap nang masita at mapaalis sa kanyang puwesto. Malapit nang mag-alas diyes at maglalabasan na isa-isa ang mga empleyado sa opisina. Kahit sa ganitong oras, kung taga Makati ka, mahirap pa rin ang makahanap agad-agad ng masasakyan. Kailangan mong pumila nang matagal at mag-abang ng bus o jeep hanggang sa abutin ka na ng kinabukasan. Kaya silang mga habal riders ang madalas na takbuhan ng mga nagmamadaling tao.

Pero parang matumal ang gabi. Wala siya masyadong pasahero. Matumal din noong mga nagdaang araw. Hindi niya alam kung ano ang sanhi nito. Hindi naman dumami ang mga bumibiyaheng bus at jeep. Hindi rin naman kumaunti ang tao. Baka namamahalan na ang mga tao sa presyo ng pamasahe ng habal kaya mas tinitiis na lang nilang mag-bus at jeep madalas.

Nagbaba na nga siya ng presyo. Yung dating ninety pesos mula Makati hanggang Robinson's Ortigas ginawa na nga lang niyang seventy pesos pero bihira pa ring kagatin ng mga komyuter. Siguro mas gusto nila yung mga nasa ridesharing apps. Kailangan pa naman niya ng pera dahil magpapasko na. Bukod pa roon, balak niyang bumalik sa kolehiyo at tapusin ang kursong Computer Science.

Kaya two weeks ago, natuto siyang magnakaw. Kapag madaling araw, naglilibot siya sa mga eskinita ng Pasay para mang-hablot. Madalas niyang biktima 'yung mga babaeng mahilig maglakad mag-isa at kagagaling lang sa trabaho. Tatlong beses pa lang niya 'yun ginagawa at sa unang dalawang beses muntik-muntikanan na siyang mahuli. Buti na lang magaling siyang magmani-obra ng motor at inaaral niya muna ang lugar kung saan siya mambibiktima para alam niya kung saan siya lulusot kapag nagkahabulan.

Kung tutuusin, 'di naman mangyayari lahat ng ito kung 'di dahil du'n sa baboy niyang Team Leader noon na si Mark. Napakahigpit. Akala mo naman hindi nagkasakit sa tanang buhay niya. Nakalimutan lang niya mag-send ng text notice na aabsent siya tapos kinabakusan wala na siyang trabaho. Paano nga naman siya makakapag-text kung halos buong araw siyang tulog dahil sa trangkaso niya. Kung 'di dahil sa kupal na tabachoy na 'yun, 'di siya masisisante sa call center na pinapasukan niya.

Pero past is past. Ito na siya ngayon. Isang habal-habal driver at lately, kawatan. Ganu'n talaga. Kailangan dumiskarte kung hindi mapag-iiwanan ka.

Napawi ang pagka-inip ni Boyet dahil binulabog siya ng mga taong nagtatakbuhan papalabas ng katabing mall. Ang iba nagsisigawan. Ang iba nakalabas ang cellphone at tila may artistang inaabangang lumabas ng pinto.

Anong kaguluhan 'yun?

Sumugod si Boyet para mag-usisa. Sa kaliwa niya, nagsipag-sulputan bigla ang mga pulis. Nakasuot lahat ng bullet proof vest at helmets. Sa dibdib, may nakasulat na "SWAT".

"Tabi! Alis kayo d'yan! Doon kayo sa malayo," hawi ng isang pulis sa makapal na tao. Nakalabas na ang rifle nito. Nakapila siya at ang mga kasamahan niya papasok sa mall.

Nalaman ni Boyet sa kanyang napagtanungan na may barilang nagaganap sa loob ng mall. Hindi raw alam kung ano ang hiling ng namamaril dahil wala naman itong sinasabi.

Ito na ang pagkakataon. Nagkakagulo ang mga tao. May mga batang umiiyak. May mga matatandang hysterical. May dalawang van na ng media ang dumating. Ang lahat nakatutok sa nangyayaring drama.

Lumapit si Boyet sa isang babae. Maliit lang, nasa 5'4 o 5'5 ang taas. Hindi siya papalagan nito.

Tinabihan niya ito kunwari at nagtanong. Sa isang mabilisang sulyap natanaw ni Boyet ang nakadungaw na cellphone ng dalaga sa bukas nitong shoulder bag. Malamang hindi na-i-zipper dahil sa taranta. "Miss... miss anong nangyayari? Ba't ang daming tao?"

Nilingon siya ng dalaga. "Di ko po alam, kuya. Sabi may hostage taking daw sa loob. Pero sabi nung isa may barilan daw."

"Ganu'n ba?" Sa isang iglap, nakadikit na ang kaliwang kamay ni Boyet sa bag ng dalagita.

Nakatingkayad na ang babae at pilit na sinisilip kung ano na ang mga nangyayari. Hirap siyang makita ang entrada ng mall dahil sa kapal at matatangkad na lalakeng nasa unahan nila ni Boyet.

Gumapang na ang mga daliri ni Boyet papunta sa zipper ng gray na shoulder bag. 'Yung hinliliit muna hanggang sa nasa loob na ng bag ang kalahati ng kamay ni Boyet. Nakapa niya roon ang madulas na tempered glass at ang makinis na casing ng cellphone.

Konti na lang. Usog pa konti.

May tumulak sa kanya sa likod. Hindi niya alam kung sadya ba iyon o nagkataon lang dahil nga siksikan. Muntik na siyang sumubsob. Ang kaliwang kamay niya, naaktuhan tuloy ni ate na nakasuksok na sa loob ng bag niya. Bigla itong nagsisisigaw.

"Magnanakaw! Tulong, magnanakaw! Hayop ka! Magnanakaw!" Nanginginig pero malakas ang sigaw ng dalaga. Isa-isang naglingunan ang mga tao sa  kanila.

Bago pa siya mahablot ng isang lalaking naka-black t-shirt na nasa harap nila ng katabing dalaga, tumalilis na si Boyet ng takbo. Walang lingon-lingon. Basta takbo lang nang takbo dahil kapag lumingon siya siguradong babagal siya at kapag bumagal siya nang kahit isang segundo, siguradong kuyog ang aabutin niya.

Dumaan si Boyet sa parking area para iligaw at pahirapan ang mga humahabol hanggang sa narating niya ang mini-park ng katabing mall kung saan nakaparada ang kanyang motor.

Nang maisalpak na niya ang susi at magising ang motor, pinabarurot niya agad ito pa-EDSA. Pagkarating ng EDSA, lumiko siya sa may over pass malapit sa sikat na hotel doon papuntang Baclaran area. Nasita siya roon ng traffic enforcer pero hindi niya ito hinintuan at hindi rin naman siya nahabol nito.

Sa may Redemptorist church, sumuot siya sa kalye sa kaliwa nito at doon nagpasikot-sikot sa iba pang mga sanga-sangang kalsada na nakakubli roon. Nang masigurado na wala na ang mga humahabol, ipinirada ni Boyet ang motor sa tabi ng isang gusaling hindi nasisinagan ng ilaw ng streelights.

Bumaba siya ng motor at doon lang uli nakahinga nang maluwag. Uhaw na uhaw siya at kulang na kulang din ang mga nilunok niyang laway para mapawi ito.

Dito muna siya magpapalamig sa lilim ng madalim na gusali habang sa isip niya, pinaliliguan niya ng mura ang dalaga hanggang sa mamatay ito at bumulagta.








The Scent Of Madness (COMPLETE)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon