Hindi maiwasang mapangiti ni AC habang binabagtas niya ang daan pauwi sa kanila. Masaya siya't nakatagpo siya ng bagong kaibigan sa katauhan ni Boyet. Lubos ang pagpapasalamat niya rito dahil iniligtas siya nito laban sa taong gusto siyang pagsamantalahan kanina lang. Lalo tuloy tumibay ang paniniwala niyang mas higit na nakararami pa rin ang may mabubuting loob.
"Hay, sana nakauwi siya nang maayos," hiling ni AC para kay Boyet.
Pagsapit ng Makopa Street, imbes na dumiretso at kumaliwa sa Ylang-Ylang street papunta sa kung nasaan ang bahay ng Tito niya, bumalik siya sa dinaanan para tingan kung saan may malapit na botika. Mabuti nang may back-up plan kung sakaling walang maiuwing gamot ang kuya niya.
Isa pang beses na pinuntahan ni AC ang mga naunang botikang binisita nila ni Boyet. Nagbabakasakaling baka bukas na ang mga iyon at pagbilhan siya, pero sarado pa rin ang mga ito.
Nagpasya na lang si AC na umuwi. Medyo mataas na rin kasi ang sikat ng araw at lubhang nakakapaso na sa balat ang init na ibinibigay nito.
Habang papauwi, nakarinig si AC ng isang boses sa may 'di kalayuan. Boses ng lalaki, umiiyak. Sinundan niya ang pinanggagalingan nito hanggang sa dalhin siya ng boses na iyon sa isang eskinita.
Makipot ang eskinitang iyon. Medyo madilim din ito dahil sa nagtataasang mga pader sa magkabilang gilid nito na hindi abot ng sikat ng araw. At sa gitna ng eskinita, may lalaking gumagapang. Gamit ang mga siko bilang pantukod, nagmistula itong mga paang gamit niya upang makalayo sa dalawang lalaking salitang humahambalos sa kanya ng sinturon sa likod.
Ang mga totoong paa niya, nagmukhang sako ng karne na hila-hila ng lalaki na imbes na makatulong, ay lalo pa yatang naging pabigat at sagabal sa kanyang pagtakas sa dalawang demonyo sa kanyang likuran. Sinadya sigurong pinilay nila ang mga binti at paa ng kawawang lalaki upang hindi ito makawala sa kanila.
"'Yan ang dapat sa'yo! Tagilid ka! Tabingi! Tingnan ko lang kung hindi ka tumuwid sa sinturon ko," sigaw ng lalaking may tatoo ng pusa sa dibdib (pusa ba 'yun o tigre? hindi mawari ni AC kung anong hayop iyon mula sa kanyang pinagtataguan).
"Tulong! Saklolo! Aray ko po!" Umaalingawngaw ang boses ng nakadapang lalaki. Halos madurog ang puso ni AC sa sobrang pagkahabag, pero wala siyang magawa dahil kahit siya ay natatakot din.
"Anong tulong-tulong na sinasabi mo d'yan, ha? Walang tutulong sa'yo," hampas naman ng isa pang lalaki na maitim dahil babad sa araw at nangingintab ang kalbong ulo, "dahil tagilid ka! Tabingi! Lahat kayo mga salot!"
Hambalos dito, hampas doon. Parang walang humpay ang halakhakan ng dalawa, tuwang-tuwang nakikitang pinahahihirapan ang lalaking nakadapa. Hindi lang sa likod ang latay ng sinturon, umaabot din ito sa mukha at mga binti.
Nahintakutan si AC.
Ano na bang nangyayari sa mundo? Sa isang iglap tila yata nagsisipaglabasan ang pinakamasasamang bahagi ng puso ng mga tao. Ang pinakamadidilim. Ang pinaka nakaririmarim.
Tumakbo na paalis si AC. Ayaw na niyang masaksihan pa ang paghihirap at ang posibleng trahedyang sasapitin nito sa mga kamay ng dalawang iyon.
Nang makasiguro na malayo na siya sa kanila, gamit ang cellphone, sinubukan niyang tumawag ng pulis upang ihingi ng tulong ang lalaking ginugulpi.
Binati siya ng boses ng babae.
The number you dial is currently busy. Please try again later.
"Syete naman!" Napamura siya nag 'di oras.
Nagparoo't parito pa si AC para humanap ng ibang taong puwedeng makatulong sa lalaking pinahihirapan. Wala siyang natagpuan. Naglaho ang mga tao na parang bula. Baka naman nagkulong na ang mga 'yun sa mga bahay nila dahil umpisa na nang pagpapatupad ng Martial Law. Ibig sabihin, mahigpit ng ipinapatupad ang curfew simula ngayong araw.
"Oo nga pala!"
Lakad-takbo ginawa ni AC pabalik sa kanila. Mahirap na at baka mahuli pa ng mga rumurondang militar at tanod. Pero, imposible siguro dahil sa 'di kalayuan, dinig ni AC ang mga sigaw ng mga raliyistang tutol sa Martial Law. Siguradong abala ang mga pulis at militar sa pag-kontrol ng mga ito.
"AC, kalma. OK? Kalma lang. Walang mangyayari sa'yo. Busy ang mga pulis at militar. Makakauwi ka ng ligtas sa inyo," bulong ni AC. Pinipilit kumbinsihin ang sariling nasa ayos pa ang lahat at 'wag siyang mabahala. Bumagal na ang kanyang paghakbang.
May kaunting lungkot si AC dahil wala siyang maiuuwing gamot para sa kanyang nanay. Isa pa, kawawa 'yung lalaki sa may eskinita. Pero, sa isip niya mas ayos na ang ganoon kaysa naman sa mahuli at ikulong siya ng mga awtoridad sa kung saan at sigurado namang may tutulong din sa lalaki. Sana.
"Ayan, tama 'yan. Think positive lang! Mamaya naman siguradong may dalang gamot si Kuya." Gumaan ang dibdib ni AC habang binibigkas ang mga salitang iyon. Na para bang kahit sa itinatakbo ng mga bagay-bagay sa paligid, sigurado pa siyang makakabalik pa rin nang ligtas at maayos ang kuya Mark niya sa kanila.
Ayos na sana ang lahat para kay AC nang pagliko niya sa Santan Street, nakita niya ang mabagal at palinga-lingang mukha ng isang pamilyar na tao. Pamilyar nga ba? Hindi siya sigurado dahil sa lapnos at nagbabalat nitong mukha. Pero kilala niya ang lakad nito. Kabisado niya ang pagpihit nito ng ulo at ang matatalim niyang mga mata Kilala niya ang tattoo ng isang pusong pinana sa gitna na nakaguhit sa kanyang kanang braso.
Kilala ni AC ang lalaki.
Si Mang Berto.
BINABASA MO ANG
The Scent Of Madness (COMPLETE)
HorrorIsang maaliwalas na umaga, nakasakay si Mark sa isang bus patungo sa bagong kumpanyang kanyang aaplayan. Walang kamuwang-muwang na sa araw na iyon ay susuungin niya ang isang delubyo na sanhi ng isang uri ng bulaklak. Habang si Boyet naman sinusubuk...