Chapter 37

168 9 5
                                    

"Kuya! Nakauwi ka," napayakap siya sa kapatid. Kahit si AC, nagulat sa ginawa niya. Hindi naman kasi sila close.

Pero ang mas nakakabigla, ginantihan din siya ng yakap ni Mark. "Kumusta kayo ni Mama?"

Kumalas si AC sa pagkakayapos at nagpunas ng nangingilid niyang luha. "Okay naman kami, kuya. 'Yung gamot nga pala niya. Kailangan na niyang mainom 'yon."

Iniabot ni Mark ang supot ng mga gamot at pagkatapos dumiretso na siya sa Tito Meng niya para asikasuhin ang namamaga nitong ilong.

"Ayan kasi. Siga pa more," asar ni Mark sa tiyuhing kikislot-kislot habang nililinis ang natuyong dugo sa palibot nito.

Nang matapos sa kanyang Tito Meng, sinilip naman ni Mark sa Mang Berto sa basag na bintana. Humihinga pa naman ito kahit may busal ang bibig. Ang katawan, nililingkisan ng matibay na pisi. Mas kalmado na rin ito kaysa kanina. Ngayon lang din niya napansin ang lapnos na mukha nito.

"Anong nangyari sa mukha niya?"

"Binuhusan ko ng muriatic," anang AC habang inaasiste ang ina sa pag-inom ng gamot.

Ayaw na malaman ni Mark ang kuwento sa likod nito. Saka na. Marami pa namang araw para roon.

"Hindi kaya hinahanap na rin si Mang Berto sa kanila?" Tanong niya ulit. Sa kabila ng mga nangyari, nakuha pa rin niyang mag-alala sa kalagayan ng kanilang kaaway. Alam naman kasi ni Mark na hindi si Mang Berto ang may gawa ng lahat ng kasamaang iyon. Dulot iyon ng mga pollen, ng "dilaw na pulbo".

Hindi inaasahan ni Mark na ang Mama niya ang sasagot. "Mag-isa na lang siya sa buhay. 'Di ba nga namatay na asawa niya tapos iniwan pa siya ng mga anak niya. Ang Papa mo na lang ang meron siya. Siya na lang kasi ang kaibigan niya. Pero sa huli, 'di rin sila nagkasundo. Kung ano man ang pinag-awayan nila, hindi ko rin alam."

Lumapit si Mark sa Mama niya. Lumuhod siya sa harap ng tumba-tumba kung saan ito nakaupo at binigyan niya ito ng mahigpit na yakap.

"Ma, Sorry. Sorry sa lahat-lahat ng ginawa ko. Sorry kung nasaktan ko kayo. Babawi ako," iyak ni Mark sa ina. Nagmistula itong paslit habang hinahaplos-haplos ng nanay ang kanyang ulo.

"Kalimutan mo na 'yon. Naintindihan ko naman kung bakit. Ang mahalaga sama-sama at ligtas tayo ng kapatid mo dito." Binigyan ng marahang halik sa noo ni Aling Esmie ang kanyang panganay.

Natatawang-naiiyak na pinagmasdan ni AC at Tito Meng ang eksena ng mag-nanay.

"Huy! Mag-sorry ka rin dito kay panget at palagi mo na lang inaaway," udyok ni Tito Meng kay Mark. Pabirong pinalo naman ni AC ang Tiyo sa braso.

"Oo, na. Sorry na panget!" Galit-galitan siya kunwari.

At dito ay tuluyan nang napaluha si AC. "Panget ka rin!"

Napuno ng tawanan ang buong bahay.

+-+-+-+-+-+-

Binuksan ni Mark ang TV para manood ng balita. Napagalaman niyang tuloy-tuloy pa rin at mas pina-igting pa ng gobyerno ang pagpapatupad ng Martial Law pero mukhang wala rin itong epekto dahil ang mga pulis, sundalo at mga barangay tanod - karamihan sa kanila, sila-sila mismo, nagkakagulo at nagpapatayan.

Hindi Martial Law ang solusyon. Ang dapat, wasakin ang mga bulaklak ngayon din para mapigilan ang pagkalat ng mga pollen.

Ikinuwento ni Mark sa pamilya ang teorya niya tungkol sa green crescent paradise flowers. Sinabi niya na base sa mga nakita't naranasan niya, ang mga bulaklak na iyon ang dahilan ng mga kaguluhan.

Noong una, hindi sila makapaniwala. Akala pa nga ng Tito Meng niya, ginu-good time lang sila ng pamangkin niya. Pero noong pakitaan na sila ni Mark ng ebidensya sa mga social media posts ng mga kakilala, kaibigan at mga pinagpasa-pasahang video clips at testimonials na may kapareho niya ring karanasan, unti-unti ay sumang-ayon na rin sila.

The Scent Of Madness (COMPLETE)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon