Sa isang liblib na bahagi ng Makati dinala ng mga paa si Mark. Hindi niya alam kung saan ito eksakto. Basta ang alam niya mapuno ang lugar at layo-layo ang mga bahay dito. Sa isang eskinita, na mayroong tila batis na umaagos sa may gilid, sinundan niya ang magkasintahang sina Kenzo at Shen. Sa dulo ng eskinita may namumukod tanging bahay na nakatayo. Luma na ang disenyo at istilo nito -- parang naiwan sa 60's o 70's pero nagmukha pa rin itong moderno dahil siguro sa bagong pintura ito. Kulay light blue ang mga dingding at ang windowframe naman ay napinturahan ng kulay dilaw na tineternuhan na kulay pulang mga bubong. Kahit madilim pa, pansin na ni Mark ang katingkaran ng mga kulay na ito dala ng liwanag na tumatama sa bahay galing sa poste ng ilaw sa tapat nito.
Ilang beses din kumatok si Shan bago siya pagbuksan ng isang matandang babae na kinukusot-kusot pa ang mga mata at halatang naalimpungatan lang. Ang lola niya.
"Tara, sa loob," aya ni Shan kay Mark. Si Kenzo naman nauna pang pumasok sa loob dahil doon na pala ito nakatira simula noong magbuntis si Shan sa panganay nila. Pero paminsan-minsan uuwi rin ito sa kanila para mangamusta.
Sa sala, sinalubong sila ng isang sanggol na mahimbing na natutulog sa kuna na napapagitnaan ng sofa at ng banig kung saan naman natutulog si ang lola ni Shan.
"La, kumusta na si Amira? May lagnat pa rin ba?" alalang tanong ni Shan. Lumapit ito sa kuna para silipin ang anak pero hindi niya ito hinawakan dahil baka magising.
"May lagnat pa, pero sa tingin ko bumaba na. Kaninang bago maghapunan iyak nga nang iyak. Hindi ko nga tinigilan ng palit ng ... Ano ba 'yang ano.. 'yang dinidikit sa noo na malamig?"
"Bandage Fever po," dugtong agad ni Kenzo.
"Oo, ayan nga. Kada isang oras pinapalitan ko. Pinainom ko na rin ng para sa lagnat. Pero huling kutsarita na lang 'yon kaya kailangan ng bumili sa botika mamaya, 'pag maliwanag na. Sino nga pala ireng kasama niyo?" Lumapit nang bahagya ang matanda para higit na maaninagan ang mukha ni Mark.
"Ah, si Mark," pakilala sa kanya ni Kenzo. "Kasama ko po mag-apply sa company nila Shan kanina. Eh kasi ano po, la.. basta marami kasing nangyari kanina kaya 'di pa siya makauwi agad-agad sa kanila saka madaling araw na. Wala na ring masakyan kaya sinama ko na muna dito para magpalipas ng magdamag."
"Ay, sus! Nabanggit mo 'yang mga nangyayari na 'yan kung ano man 'yan.. Dito rin sa lugar natin may mga nangyayaring kakaiba kanina. Akala ko nga may sunog. Maya't maya sigawan ng mga tao sa labas. May naghahabulan, may nag-iiyakan. Sa takot ko nga't 'di na ako kumain ng hapunan at kinando ko na nang maaga mga pinto," sumbong sa kanila ng matanda.
Tahimik na nagkatinginan na lang sina Mark, Kenzo at Shan. Sa isip ni Mark, siguradong mahaba-habang paliwananagan ang gagawin ng magkasintahan sa lola nila sa mga darating na oras o araw.
Maski nga sina Kenzo at Shan, hindi pa rin talaga lubos na naniniwala sa mga teoryang sinabi ni Mark. Pero sa tingin nila, ito ang pinakamalapit sa katotohanan -- sa ngayon.
Mga 3:35 na ng madaling araw nahimlay si Mark. Doon muna siya pansamantala sa dating kuwarto ng ate ni Shan na tumulak na pa-Taiwan mag-aanim na buwan na ang nakakalipas. Pinahiram siya ni Kenzo ng butas-butas pantulog na sando. Buti na nga lang at malabo mata ng lola ni Kenzo hindi nito napansin ang mga bahid ng dugo sa kanyang katawan.
'Di mapakali si Mark noong una sa silid dahil pakiramdam niya maraming mga mata ang nakasunod sa bawat galaw niya. Tadtad ba naman kasi ng mga artista ng K-Pop at K-Drama posters ang kuwarto kaya kahit siya bumaling, mga mapuputi nilang mga mukha ang nakikita niya.
Kaya bilang pampa-antok, inisa-isa na naman niya ng tingin ang mga larawan ng anak niyang si Angel sa cellphone niya. Nang matapos, ang mga naka-stored videos nito ang sinunod niya. Ano na kayang sitwasyon ng mag-ina niya sa Cebu? May mga kaguluhan rin kaya doon kagaya sa Maynila? Sana okay lang sila.
Sila Mama at AC kaya?
Tinawagan ulit niya ang number ni AC pero gaya ng dati, hindi pa rin ito sinasagot ng kapatid.
Baka kasi wala ng charge cellphone niya. Low batt, ganu'n
Pero 'di pa rin siya mapakali. Nag-text pa siya nang isang beses kay AC kahit sa loob-loob niya alam niyang wala naman siyang makukuhang reply mula dito.
'Yung bahay namin, pa'no 'yun? Wala na kaming bahay? Sunog na ba talaga? Sina Mama kaya at AC, nasa loob ba sila ng bahay nung ...
Napabalikwas siya ng bangon. Pinutol na niya kung ano man ang iniisip bago pa ito mamulaklak sa kung anumang hindi maganda. Kung 'di nga lang nakakahiya kina Kenzo at Shan, malamang nilalakad na niya ngayon ang pauwi sa kanila. Pero batid din niya na kahit makauwi pa siya sa ganitong oras, kung totoong sunog na nga ang bahay nila, wala na rin siyang magagawa. Huli na ang lahat.
Napatitig na lang sa kisame si Mark at napabuntong hininga. Gusto niyang sumabog, gusto niyang magwala. Iyon nga lang, hinang-hina na ang katawan at damdamin niya sa lahat ng mga nasaksihan nito lang nakalipas na mga oras.
Isa pa, alalang-alala siya para sa Mama niya. Noong una, hindi niya iyon maamin sa sarili dahil bago ang pakiramdam na iyon para kay Mark. Nasanay na kasi siya na parang display lang sa bahay ang tingin niya sa ina, isang palamuti. Parte lang siya ng espasyong ginagalawan niya pero hanggang doon na lang ang role nito sa buhay niya.
Pero akala lang pala niya iyon.
Sumasakit na naman ang dibdib ni Mark. Muli na naman kasing nagtatalo ang isip at puso niya. Sa isang banda, sinasabi ng puso niya na, itigil na ang pagmamatigas. Gibain na niya ang mga pader na nakapalibot dito at kalimutan na ang mga nangyari noong nagdaan.
Subalit nagsusumigaw rin ang isip niya na hindi pa ito ang tamang panahon. Na kung hahayaan lang niyang mawala ang mga bakod na kanyang itinayo baka siya rin ang magmukhang kawawa sa huli.
Ganito ang mga bagay ang nagpi-ping pong sa kokote ni Mark hanggang sa makatulog na siya ng bandang alas kuwatro kinse na ng umaga.
BINABASA MO ANG
The Scent Of Madness (COMPLETE)
HorrorIsang maaliwalas na umaga, nakasakay si Mark sa isang bus patungo sa bagong kumpanyang kanyang aaplayan. Walang kamuwang-muwang na sa araw na iyon ay susuungin niya ang isang delubyo na sanhi ng isang uri ng bulaklak. Habang si Boyet naman sinusubuk...