Chapter 25

159 9 3
                                    

Nagising si Mark sa lakas nang ring ng cellphone. Pagmulat, napatingin siya sandali sa bintana at nalamang madilim pa pala pero may nababanaag na siyang sumisilip-silip na liwanag sa pagitan ng mga ulap.

Sa cellphone, nasa 5:24 na pala ng umaga at sa screen nito ang pangalan ng kapatid niyang si AC na kanina pa siya tinatawagan.

Napaigtad ng bangon si Mark at sinagot ang telepono. "Ba't ngayon ka lang nag-reply? Kagabi pa kita tinatawagan. Huwag mong sabihing na low batt ka. Kagabi pa akong 'di mapakali sa kakatext at katatawag sa'yo!" Mataas ang boses ni Mark na agad niya ring pinagsisihan nang maalalang wala nga pala siya sa sariling bahay.

Sus! Alam mo naman pala sagot ba't mo pa tinatanong?

Ito sana ang gustong sabihin ni AC sa kapatid niya, pero kinagat na lang niya ang labi at hinayaan ang kuya niyang dumaldal nang dumaldal.

Mga sampung minuto rin ang nalagas at sa wakas, natapos na rin si Mark sa kanyang mga bira at pangaral sa kapatid. Sa lahat ng 'yon naging tikom lang ang bibig ni AC.

"So, nasaan na kayo ngayon ni Mama?

"Nandito na kami kina Tito Meng. Eh, pagdating namin dito nakita pa namin siya sa labas, walang malay. May pumukpok yata o nambato sa ulo niya. Daming ngang dugo."

"Palusot lang niya 'yan. Ang sabihin mo naglasing na naman kaya ganyan."

Napabuntong hininga na lang si AC dahil pareho sila ng hinala ni Mark kahit na ikinuwento na sa kanila ni Meng ang totoong nangyari. Ang hirap din kasing maniwala sa isang taong paulit-ulit ka na ring pinagsinungalingan.

"Kuya, kung puwede dumaan ka na muna sa drugstore. Pakibili mo muna si Mama ng pang maintenance niya. Kahapon pa kasi siya hindi nakakainom. Alam mo naman sakit niya," si AC naman ang napahiga sa folding bed sa bakanteng kuwarto. Pero bago 'yon, sinilip niya muna si Aling Esmie sa sala. Nakahiga ito sa sofa at mukha namang mahimbing ang tulog.

"Diyos ko naman AC! Akala ko bumili ka na kanina. Pati ba naman 'yan sa akin niyo pa rin ipapasa? 'Yang mga simpleng bagay na ganyan dapat ikaw na ang gumagawa. Kung alam niyo lang nangyari sa akin kahapon," banas na sabi ni Mark.

"Sabi mo noong huling usap natin ikaw na bahala, di ba? Saka dumaan na ako sa drugstore kagabi, pero wala, sarado na. Alangan naman maglibot-libot pa kami para maghanap lang ng merong bukas. Sa kondisyon ni Mama, madali na siyang mapagod. Hindi ko naman siya puwedeng iwan sa gitna ng kalsada. Saka teka nga, kanina mo pa ako sinisigawan. Kami ba tinanong mo kung anong nangyari sa amin kahapon? Kuya, muntik na nga kaming masunog nang buhay. Ano bang problema mo, ha? B'at parang laging mainit ang dugo mo sa amin?" Napikon na si AC. Humantong na siya sa sukdulan. Hindi na niya kayang tiisin na gawin na lang siyang "punching bag" ng kuya niya palagi.

Nagulat si Mark. Ito yata ang unang pagkakataon na sinagot siya ng kapatid. "Napapagod na ako AC. Hindi naman sa bawat kibot niyo d'yan, eh sa akin niyo pa rin ipapasa. Ang dami ko nang iniisip, ang dami kong inaasikaso tapos hanggang d'yan ba naman ako pa rin? Baka mamaya n'yan pati paghinga niyo sa akin niyo na rin ipagawa!"

"Sus! Tayo nga magka-aminan na kuya. Ano ba talaga isyu mo sa amin ni Mama?"

"Isyu?"

"Oo, isyu! Kung hindi mo kami pinapansin, lagi mo naman kaming pinagagalitan na mas masahol pa sa mga pusang nagnakaw ng ulam!"

"Gusto mo ng totoo? Okay! I'll give you the truth. Kung hindi dahil sa inyo hindi sana namatay si Papa!" Napalakas ang bitaw na iyon ni Mark. Pero wala na siyang pakialam noong mga sandaling iyon. Bahala na kung sino ang makarinig.

"Anong sinasabi mo na kami ang dahilan?"

"Bakit, hindi ba? 'Di ba sumama si Mama sa lalake niya - 'yang tatay mo. Tapos ano? Nagpakasasa siya du'n. Iniwan niya kami ni Papa. Alam niyo ba na sa sobrang sakit nu'n kay Papa, dalawang beses siyang nagtangkang magpakamatay, AC. Ngayon, nung kayo naman ang iniwan ng tatay mo babalik siya sa buhay namin bitbit ka na parang wala lang ang lahat. Na parang galing lang siya sa kung saan para mamasyal? Kasi ano? Tinapon na kayo na parang basahan. Kasi malubha na diabetes ni Mama at ayaw akuin ng tatay mo ang responsibilidad ng pag-aalaga sa kanya kaya ipinasa niya kayo pabalik sa 'min ni Papa. Ito namang si Papa, parang tanga na hindi na natuto. Tinanggap kayo nang walang tanong-tanong man lang. Nagkandakuba na sa pagtatrabaho para lang maipagamot si Mama at matulungan ka sa pag-aaral mo kahit hindi ka naman niya kaano-ano. Hanggang isang araw, ayun! Natumba sa kubeta. Inatake na sa puso. Pa'nong 'di ka magkaka- heart attack, eh halos buhatin na niya ang buong mundo para lang may maipanustos kay Mama. Namatay siyang pagod, AC! Alam mo ba 'yon? Pero hanggang sa huli, pinilit niyang kayanin ang lahat kasi nagmamahal siya eh. Kahit na binalewala lang lahat 'yon. Ngayon, sabihin mo sa 'kin bilang anak, kung ikaw ang nasa sitwasyon ko anong mararamdaman mo? Anong mararamdaman mo kung 'yung minamahal mo nakikita mong pinababayaan at itinatapon ang sarili para sa isang tao wala namang pakialam sa kanya?" Nanginginig ang boses ni Mark. Pinipilit niyang huwag maiyak pero nagsisimula nang mangilid ng kanyang mga luha.

Hindi kaagad nakapagsalita sa kabilang linya si AC, pero dinig ni Mark ang mga hikbi nito. "Tapos ka na? Tinatanong mo kung anong gagawin ko kung ako ang nasa sitwasyon mo? Mamahalin ko lalo ang tatay mo dahil mabuti siyang tao at ipagdarasal ko na sana maging katulad ka niya!"

Sa sandaling ito, basa na ng mga luha at sipon ang kuwelyo ni AC. Pakiramdam niya parang nilalamukos na papel ang kanyang dibdib. "Kung tapos ka nang manermon, pakibili na lang si Mama ng maintenance niya sa botika bago ka umuwi." Iyon lang at ibinaba na ni AC ang telepono.

Natameme si Mark. Hindi siya makapaniwala na nasabi na niya ang mga bagay na matagal na niyang gustong sabihin. Ang bagay na matagal na niyang kinikimkim. Pero sa isang banda, sa isang munting sulok ng kanyang puso, parang may mali. Parang may hindi tama.

Shit! Shit! Shit!

Sa sobrang inis, nasipa ni Mark ang bola ng basketball na pakalat-kalat sa kuwartong kinaroroonan niya. Lumipad iyon papunta sa pader, tumalbog at bumanda ito pabalik sa mukha niya.

Pakshet!





The Scent Of Madness (COMPLETE)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon