Chapter 5

234 9 0
                                    

Hingal kabayo si Mark kaya napahawak siya sa pader sandali. Sasabog na ang baga niya sa pinaghalong kaba at pagod. Nangangatog pa ang kanyang mga kalamnan sa nangyari.

Shit! Muntikan na ako do'n!

Sa malayo dinig pa niya ang mga sigawan at yabag ng mga paa.

"Kuya.. kuya, sandali. Anong nangyayari? Nasa'n na yung namamaril?" Tanong ni Mark sa lalaking tumatakbo mula sa direksyong kanyang pinagmulan. Nakatukod siya sa sariling mga tuhod sa tindi ng hingal.

Luminga-linga ang lalaki. Tinuro ang direksyon ng food court area. "Andun, p're. Naglalakad. Binabaril 'yung mga tao du'n. May pulis --"

Hindi pa natatapos ng kausap ni Mark ang sasabihin at napayuko sila bigla sa isa pang putok ng baril. Tumakbo muli ang lalaki at iniwan si Mark. Naisin man niyang sumama, hindi niya magawa. Hindi pa kaya ng mga paa niya. Kailangan niyang maghanap ng matataguan pansamantala. Iniligid niya ang ang mga mata at nakita ang pinagbilhan niya ng pearl shake kanina. Wala na 'yung dalawang tindera. Nag-evacuate na rin siguro.

Dahan-dahan niyang tinungo ang pearl shake stand at saka siya sumuot sa ilalim ng counter table. Huminga siya nang malalim at pilit na pinakalma ang mabilis na pagtibok ng puso. Kinuha niya ang cellphone sa bag, balak niyang kontakin ang kapatid at sabihing naipit siya sa loob ng mall kung saan may nagaganap na shoot out.

No Network

"Shit! Bakit biglang nawalan ng signal? Bakit ngayon pa?" Bulong ni Mark sa sarili.

Habang panay ang pindot at scroll ni Mark sa telepono, napansin na lang niyang tumahimik bigla ang paligid. Naglaho ang mga sigaw at mga kalabog. Sa sobrang tahimik dinig niya ang muling pagdagundong ng kanyang dibdib. Pumikit siya at nakiramdam.

Maya-maya may narinig siyang boses na parang nagwawala, naghahanap yata ng away. Galing ang boses sa may food court, papalapit ito nang papalapit sa kung saan siya naroon.

"Bakit kayo naka-tagilid? Bakit!" Sigaw nito. Umaalingawngaw ang boses niya sa buong mall. Hindi maunawaan ni Mark kung anong bang ibig nitong sabihin.

Ha? Paanong nakatagilid? Anong nakatagilid?

Muli itong nagpapaputok ng baril. Limang putok. Muntik nang mabitawan ni Mark ang cellphone sa gulat. Nakita niya na sumambulat ang ulo ng manikin sa may kalapit na boutique. Pilit pang pinaliit ni Mark ang sarili sa puntong naghahalikan na ang kanyang mga tuhod at labi.

Umusal siya ng mahinang-mahina na dasal. "Please Lord, gusto ko pa pong makauwi sa amin. Gusto ko pang makita ang anak ko."

Tila may isang pista ng banda ang walang humpay na nagtatambol sa dibdib ni Mark. Kahit tahimik ang paligid, nabibingi siya sa lakas ng dagundong nito. Ang kanyang puso, iginapos ng banderitas ng nerbyos. Lahat na yata ng dugo niya sa katawan, umakyat na sa ulo.

Napa-praning na yata siya.

Think of a happy moment
Think of a happy moment
Think of a happy moment
Think of a happy moment
Think of a happy moment

Dasal na paulit-ulit niyang inuusal. Hinayaan ni Mark na lumipad pansamantala ang kanyang diwa palayo sa nakakatakot na sitwasyon niya upang hindi maramdaman ang takot na unti-unti siyang nilalamon.

Think of a happy moment

Ibinalik siya ng kanyang alaala sa panahong nagdaan. Mga dalawang taon, to be exact. Nasa labas siya ng emergency room ng isang private hospital sa Makati. Alalang-alala sa dati niyang kasintahan na ngayon ay ex na niya.

Ipinagbubuntis pa nito ang baby nila noon kaya lang napasugod sila sa opsital nang wala sa oras dahil biglang bumulwak ang panubigan ng kanyang ex. Nangyari iyon habang namimili sila ng mga damit at kagamitan para sa paparating nilang sanggol.

Katulong ng dalawang guard, tarantang inalalayan nila mula third floor ang ex niya papuntang ground floor para maisakay agad sa taxi. Keber na kung masilipan si ex habang nakabukaka itong binubuhat. Basta ang mahalaga umabot sila sa pagamutan.

Pagdating sa baba, inabot din sila ng halos walong minuto bago may nagmagandang loob na isakay sila sa tricyle. 'Yung dalawang taxi na una nilang pinara, hindi sila pinasakay. Baka raw kasi tumagas 'yung dugo o inunan sa loob at mahirapan silang maglinis pagkatapos. Nagkahamunan pa nga ng suntukan si Mark at 'yung isang taxi driver.

Pagdating sa ospital, inabot pa ng dalawang oras ang operasyon. Hirap si ex na iluwal ang bata sa natural na paraan, kailangan daw ay caesarean section. Nag-alangan si Mark. Caesarean? 'Di ba ibig sabihin nu'n bibiyakin ang tiyan ng ex niya? 'Di ba delikado 'yun?

Mas delikado kung 'di raw siya magdedesisyon agad, sabi ng duktor. Pumayag na siya, no choice. Alangan namang hayaang mabulok ang baby niya sa loob ng sinapupunan. Kaya pagkatapos niyang pumirma ng mga waver, nailuwal na si baby Angel.

Kaya lang, tahimik pa sa sementeryo ang sanggol nang mailabas. Walang uha silang narinig at hindi rin ito gumagalaw.

Nagkaroon ng komosyon. Nagsimula nang maglabas-masok ang maraming nurse at duktor sa loob ng operating room. Si Mark naman, nagkandahaba na ang leeg sa pagsilip sa operating room kung saan tila nag-aagaw buhay ang panganay niya. Ayaw siyang papasukin sa loob kahit hysterical na siya.

Makalipas ang ilang saglit, pinunit ng isang iyak ang tensyon sa paligid. Nagpalakpakan ang mga nurse at duktor sa operating room. Tapos may isang nurse ang lumabas mula roon para ayain si Mark sa loob na kargahin ang anak niya.

Naluha si Mark nang una niyang mahawakan si baby Angel. Ang pula-pula ng balat nito at kahawig na kahawig ng kanyang Papa. Nagpasalamat siya sa mga duktor at nurse dahil hindi nila siya pinabayaan.

Marahan niya itong hinalikan sa noo at sa kamay.

Ito ba ang ibig sabihin ng tunay na kaligayahan?

Nakangiti si Mark sa ilalim ng lamesa habang sinasariwa ang pagdating ng kanyang anghel sa lupa.

Pero, parang isdang biglang hinila ng pamingwit sa pangpang, naibalik siya sa kasalukuyan ng isang galit na galit na sigaw.

"Kayong lahat! Uubusin ko kayo! Tabingi kayong lahat!"








The Scent Of Madness (COMPLETE)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon