Naipit sa trapik si Boyet. Palabas na sana siya nu'n sa Redemptorist papuntang boulevard nang salubungin siya ng mga nakahambalang na trak ng bumbero. Umikot siya pabalik at saka sinubukang lumusot sa may daan papuntang Baclaran LRT station. Hindi rin siya doon umubra dahil nabalam ang daan ng mga motor, padyak at tricycle dahil sa tatlong mamang nagsusuntukan sa gitna ng kalsada. May traffic aide naman pero nakasandal ito sa haliging poste ng LRT, duguan at walang malay.
Anong kayang nangyari sa kanya? Bakit parang ang gulo-gulo ng paligid?
Maglalabasan na ang mga mid-shifters sa mga call center sa Makati. Kailangan niyang humabol para may madatnan pa siyang mga pasahero. Siguradong sosolohin na naman ng mga buwakaw na bus drivers at kapwa niya habal ang mga mananakay. 'Pag nangyari 'yun, suwerte nang maka-dalawang biyahe siya.
Kaya balik ulit siya sa pinanggalingan at sa Tambo siya dumaan. Doon siya pinalad dahil maluwag ang kalsada. Pagdating sa intersection, umikot siya pa-kanan papuntang coastal road at pakanan pa ulit papunta na sa boulevard. Tuloy-tuloy na ang biyahe niya pero pansin niyang may mangilan-ngilan siyang nakakasabay na mga ambulansya sa kalsada.
Pagsapit niya sa Redemptorist church, pansamantala muna siyang huminto para pagmasdan ang mga nagkukumahog na tao. Ang iba, mga vendor na abalang inililigtas ang mga paninda. Ang iba naman mga nakatira malapit sa pinangyayarihan ng sunog. Hindi sila magkandaugaga sa pagbuhat ng mga gamit sa bahay habang tangan-tangan ang mga paslit nila sa isa pang kamay. Pero ang karamihan, mga usisero't usisera na tila aliw na aliw sa pagkuha ng mga video at litrato sa natutupok na mga gusali.
Higante ang apoy na nilika ng sunog. Tanaw ni Mark ang taas nito na lampas na sa mga poste ng kuryente. Kung wala ang kalsadang naghahati sa pagitan ng mga commercial buildings at simbahan, malamang nadamay na rin ang huli kanina pa.
Pero sa gitna ng nakasusulasok na amoy ng mga nasusunog na bagay at abo, nangibabaw pa rin sa hangin ang samyo ng green crescent paradise. Galing iyon sa hardin sa loob ng compound ng simbahan kung saan marami sa mga ito ang nakatanim. Para kay Boyet, nakakagaan sa pakiramdam kahit papa'no. Na sa gitna ng trahedya, narito ang bangong ikinakalat ng mga bulaklak sa hangin para sila ay...
Bigla na lang naramdaman ni Boyet na pansamantalang umikot ang paligid. May matigas na bagay kasi ang humampas sa batok at balikat niya kaya siya natumba.
"Kuya, tagilid ka! Tagilid! Lahat kayo tagilid! Bakit kayong lahat tagilid?" Sigaw ng babae habang dinuduro-duro siya nito. Maliit lang ang babae, mga nasa 5'3 o 5'4 ang taas, at sa kamay nito hawak niya ang isang de-tuping payong.
Akma pa sana siyang hahambalusin nito kung hindi lang dumating ang lalaking umawat sa kanya. Pakiwari ni Boyet, baka asawa o anak. Mas malaki ito nang 'di hamak kaya nagawa nitong buhatin ang nagwawalang babae gamit ang isang braso lang. "Ano ka ba? 'Di ba sabi ko sa'yo du'n ka lang sa loob ng bahay. Pa'no ka nakawala?"
Dahil sa kapal ng tao, hindi na niya nasundan ng tingin ang dalawa at agad silang naglaho.
"Ayos ka lang ba, p're?" Ika ng may-ari ng kamay na nakalahad sa harapan niya. Inabot iyon ni Boyet at dahan-dahan siyang hinila nito patayo. "Naku p're, ingat ka dito maraming siraulo. Sino ba mga 'yun?"
Naka-green t-shirt ang mama, maitim at sa pang-ibaba, nakasuot ito ng jersey shorts. "Hindi ko nga po kilala. Bigla na lang akong pinukpok sa likod," tumingkayad na si Boyet at hinabaan ang leeg, nagbabakasakali na baka makita pa niya sa dagat ng mga tao ang dalawa.
"Naku p're. Wala na 'yun. Ganyan talaga dito. 'Pag napagtripan ka ng mga tao, kawawa ka. Lalo na kung bagong mukha ka lang." Inayos ng estranghero ang natumbang motor na kasabay na nabuwal ni Boyet kanina. "Sige p're, una na 'ko. Ingat ka."
"Ah, salamat po, boss. Ikaw rin." Pinisil-pisil ni Boyet ang nananakit na balikat at siya napangiwi.
*Tang inang 'yun, ah! Sino kaya mga 'yun? Putcha! sakit ng batok ko.*
Mula balikat, inakyat ni Boyet ang kamay sa bandang batok. Hinilot niya ito at napansing mamasa-masa ang bahaging iyon. Kinuha niya ang panyo sa likod na bulsa ng pantalon at saka iyon pinunasan.
Ibabalik na sana niya ang panyo sa bulsa nang may mapansin siya. Tinignan niya ito nang malapitan at nakitang punong-puno ito ng dugo. Dugo na akala niya ay pawis lang noong una.
May sugat ako sa batok. Kaya pala ang sakit!
Sumisigaw na ang utak niya sa galit. Agad na naglaro sa isip niya ang hilera ng mga numero, kinukuwenta kung magkano kaya ang gagastusin kung sakaling magpa-ospital siya. Huling silip niya sa kanyang wallet, mayroon na lang itong laman na 600 pesos.
Tang inang 'yan! Kung meron lang sana akong HMO card, libre na ang pagamot ko. Kung 'di lang ako natanggal sa company.
At bigla, parang hangin na dumaan ang mukha ni Mark sa isip niya. Nagsisisi siya kung bakit hindi na lang niya sinapak ito noong magkita sila noong kahapon ng umaga.
"Putang ina mo, TL Mark! May araw ka ring hayop ka!" Pilit man niyang hininaan ang boses, narinig pa rin iyon ng naglalakad na ale sa kanan niya. Pairap itong umiwas ng tingin nang magtama ang mga mata nila ni Boyet.
Gusto niyang ibalibag ang motor, pero naalala niyang hindi pa pala niya iyon tapos hulugan kay Singh. Isa pa, gamit niya iyon sa kanyang hanapbuhay... at pagnanakaw. Napaupo na lamang siya dito at napabuntong hininga.
Hinga nang malalim. Breathe in, breathe out. Breathe in, breathe out. Breathe in, breathe out.
Ito ang technique na tinuro sa kanya ng kanyang ate na nakatira na ngayon sa Batangas kung sakaling pakiramdam niya ay sasabog na siya.
Breathe in, breathe out.
Epektibo naman ang technique. Paunti-unting bumalik sa normal ang tibok ng puso ni Boyet. Bumagal na rin ang kanyang paghinga. Sa motorcycle box ng kanyang motor, kinuha niya ang reserbang malinis na Good Morning towel at t-shirt. Doon na rin siya nagbihis ng damit at ang pinaghubaran ay itinapon niya sa malapit na basurahan. Ang likurang bahagi rin kasi nito ay may mga bakas na ng kanyang dugo.
Okay, business as usual. Diretso na 'ko Makati. Baka may maabutan pa 'kong mga pasahero. Teka, anong oras na ba?
Kinapa niya ang bulsa. Parang magaan. Hinugot niya ang laman nito at iniluwa naman sa kanya ang kanyang wallet. Ganoon din ang ginawa niya sa kanan. Doon, keychain naman ang nadakot niya.
Nasa'n na yung cellphone ko?
Mula sa kinatatayuan, nag-ala flashlight ang kanyang mga mata. Baka kasi nalaglag lang 'yun kanina. Pero hindi niya talaga ito makita. Kinakabahan na siya dahil tatlong buwan pa lang ito sa kanya at tulad ng kanyang motor, hindi niya pa rin ito tapos bayaran.
Tang ina naman, nasa'n ka na?
Napatigil siya. Naalala niya ang lalaking naka-green t-shirt at jersey shorts na inalalayan siyang tumayo. Naalala niyang nakahawak ito sa bewang niya habang inaakay siya nito. Napasalampak siya sa sementadong kalsada habang ang buong paligid niya ay nagkakagulo at walang pakialam sa kanya.
Breathe in, breathe out. Breathe in, breathe out. Breathe in, breathe out.
Hindi na niya mabilang kung ilang beses siyang huminga nang malalim.
"Langya, dinekwat cellphone ko."
BINABASA MO ANG
The Scent Of Madness (COMPLETE)
HorrorIsang maaliwalas na umaga, nakasakay si Mark sa isang bus patungo sa bagong kumpanyang kanyang aaplayan. Walang kamuwang-muwang na sa araw na iyon ay susuungin niya ang isang delubyo na sanhi ng isang uri ng bulaklak. Habang si Boyet naman sinusubuk...