Chapter 22

145 7 0
                                    

Kahit kapwa nanginginig pa ang mga kalamnan at malakas ang dagundong ng mga dibdib pagkatapos ng lahat, tinahak pa rin nila Aling Esmie at AC ang daan sa madidilim na mga kalye papunta sa bahay ng kanyang Tito Meng. Kung may pera lang talaga siya matagal na siyang bumili ng kotse. 'Di na sana sila nahihirapan ng Mama niya nang ganito. Pero pare-pareho lang silang umaasa sa biyaya galing sa kuya niya. Si Mark ang sumasagot sa pang-matrikula niya at sumasalo rin sa pambili ng maintenance at pang-ospital ng nanay nila. Hindi niya kasundo ni Mark at walang araw ang 'di dumaraan na hindi rin iyon pinaparamdam sa kanya ng kuya niya. The feeling is mutual, 'ika nga. Sa ngayon, kailangan niya munang magtiis at magtimpi. Sigurado na si AC na bulyaw na naman ang aabutin niya sa kanya mamaya. Siguradong kanina pa tawag nang tawag 'yun.

"Nakausap mo na ba kuya mo?" Tumungga muna si Aling Esmie ng tubig. Nanunuyo na naman kasi ang bibig at lalamunan niya. Pesteng diabetes talaga.

"Eh, Ma, 'di pa nga eh. Low-batt na kasi cellphone ko kaya kailangan makapunta na tayo kina Tito Meng para makapag-re-charge ako."

Sinadya ni AC na umiwas sa matataong kalsada. Mahirap na at baka maipit sila sa gulo lalo na't bukod sa gabing-gabi na, mukhang kaliwa't kanan pa ang sigawan ng mga tao at wangwang ng mga emergency vehicle ang naririnig niya. Hindi niya eksaktong alam kung anong delubyo ang nangyayari sa paligid, subalit ramdam niya na tila ba may isang problema ang nagbabadya.

Pagkatapos ng mahabang pag-iikot, dumating din si AC sa harap ng drugstore sa Merlina Street. Mga kalahating oras lang sana ang layo nito sa bahay nila. Kaso nga lang, dahil sa umiiwas si AC sa mga matataong lugar, inabot sila ng isang oras at kalahati bago marating iyon. Hindi niya alam kung naging tama ba ang desisyon niya dahil sarado na ang botika nang madatnan nila ito at nahapo rin ang kanyang Mama sa mahabang lakaran.

Umupo muna sila sa may bangketa para magpahinga. Tahimik ang paligid maliban na lang sa mga askal na nagkakalkal ng mga basura sa gilid.

"Ma, ba't gano'n si kuya, no? Lagi na lang mainit dugo niya sa atin?" Matagal na niyang gustong itanong iyon kay Aling Esmie. Hindi nga kang niya magawa dahil baka ito naman ang magalit sa kanya.

"Hay, naku! 'Wag mo na lang pansinin 'yang kuya mo. Ganyan lang 'yan kasi stress sa trabaho. Marami ring inaalala lalo na't tatay na rin siya. Tapos, sa kanya lang din tayo naasa. Patong-patong na 'yung iniisip nu'n kaya ganu'n. Pagpasensyahan mo na lang." Hinawi at inayos-ayos ni Aling Esmie ang buhok ni AC.

"Sayang, Ma. Kung na regularized lang ako sa work ko nu'n sa fast food, kahit ako na lang bumili ng pang-maintenance mo." May lungkot sa boses ni AC na bahagyang kumurot sa puso ni Aling Esmie. "Kasi ayoko dumating ang araw na lagi na lang tayong aasa sa kanya."

"Ito naman kung makapagsalita parang 'di kayo magkapatid," saway ni Aling Esmie sa bunso. "Ang magkapatid lagi dapat nagtutulungan."

"Magkapatid nga ba talaga? Magkaiba tatay namin, Ma. Baka kaya dahil doon kaya laging mainit dugo niya sa akin," bumuntong hininga si AC. "Madalas kasi parang 'di naman kapatid turing niya sa 'kin."

Hindi muna kumibo si Aling Esmie. Ingat din siya sa sasabihin dahil ayaw niyang maparatangan na inang may kinikilingan. "Alam mo kahit gano'n kuya mo hindi ibig sabihin nu'n hindi na niya tayo inaalala. Tingnan mo nga siya lahat ang sumasalo sa 'tin. Mula sa gastusin sa bahay, sa pag-aaral mo, gamot ko - siya lahat."

"Sus! Ginagawa lang naman niya 'yun dahil responsibilidad niya, hindi dahil gusto niya," hindi makatingin si AC nang mata sa mata kay Aling Esmie dahil baka bumulwak ang mga luhang matagal na niyang kinikimkim.

Hindi na tumugon doon si Aling Esmie dahil dama rin niya ang hinanakit ng kanyang bunso. Kaya iniba na lang niya ang usapan. "Halika na nga't pumunta na tayo du'n sa Tito mong lasenggo at nang makapagpahinga na rin tayo. Anong oras na."

Inalalayan ni AC ang ina na makatayo. Mas mabagal na ang mga lakad nila ngayon, mas kalmado dahil kaunting lakad pa at nasa bahay na sila ng Tito niya.

"Ang bango ng paligid, Ma. Pansin mo ba? Parang may nag-spray ng pabango sa hangin," suminghot-singhot si AC. Napatid tuloy ang katahimikan sa pagitan nila ni Aling Esmie. "Sa'n kaya galing 'yun? Kanina ko pa kasi napapansin 'yun"

"D'yan yata sa mga bulaklak. Noong dumaan kasi tayo ang lakas ng amoy," nakaturo si Aling Esmie sa hilera ng mga green crescent paradise na nakatanim sa labas ng isang kapilyang dinaanan nila. "Naalala mo nagtitinda ako n'yan dati?"

Lumapit si AC sa mga halaman para usisain ang mga ito. Papunta pa lang, tanaw na niya ang tila kulay dilaw na manipis na usok na ibinubuga ng mga ito. Sa isip ni AC, dito nga marahil nanggagaling ang bango. Alam na ni AC ang tungkol sa green crescent paradise dahil sa pumatok ito sa masa dahil sa kilalang vlogger na nagpauso sa pag-aalaga nito, pero 'di niya alam na mayroon pala itong kakaibang katangian gaya nito bukod sa natural nitong kariktan.

Napawi ang atensyon ni AC ng isa na namang umiiyak na wangwang. Sa pagkakataong ito, mas malakas na ang tunog nito. Nangangahulugang mas malapit ito sa kung nasaan sila. Baka wangwang iyon mula sa trak ng bumbero na papunta sa bahay nila. Sana nga, dasal ni AC. Sana may mailigtas pa sila sa mga gamit nila. Sana hindi pa huli ang lahat.

Hinawakan ni AC ang kamay ni Aling Esmie at muli nilang binaybay ang daan. Isang liko na lang, nasa bahay na sila ng Tito niya. Palatandaan ang poste ng ilaw sa may kanto na may nakasabit na poster ng konsehal mula sa nagdaang eleksyon.

Sa wakas! Nakita na ni AC poste ng ilaw at ang nakangising mukha ng konsehal. Pero, napasigaw at napatakbo si Aling Esmie sa poste nang mapansin nito ang isang lalakeng nakasandal sa paanan nito. Hindi ito gumagalaw at ang noo ay puno ng dugo na pumapatak sa suot nitong puting sando.

"Tito Meng?" Ang tanging nasambit ni AC. Si Aling Esmie naman, halos nakadikit na ang tenga malapit sa bibig ng walang malay niyang kapatid. Pinapakiramdaman kung buhay pa ito at humihinga.








The Scent Of Madness (COMPLETE)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon