2019. A year after.
"Nasa pangangalaga na ngayon ng DSWD si Meena. Lampas isang taon na ang nakalilipas at sa tuwing tatanungin, hindi pa rin niya malaman ang dahilan kung bakit nagawa niyang paslangin ang sariling ina at kapatid.."
Hindi na tinapos ni Mark ang panonood ng documentary na kasalukuyang pinapalabas sa TV sa loob ng bus. Sa halip, napatangin na lang siya sa labas ng bintana. Gusto niyang huminga saglit. Ayaw na muna niya ng mga bad vibes. Tanda pa kasi niya noong unang pumutok ang balita tungkol kay Meena. Unang kumalat ito last year sa mga social media apps hanggang sa pinick-up na rin ng mga major news organizations.
Pinagpiyestahan ito ng mga tao dahil sa ka-brutalan ng ginawang pagpatay at dahil na rin sa suspek nito. Paano nga naman daw kasi magagawa ng patpating dalagita ang ganoong kalalang krimen? Maraming naniniwala sa mga pulis na si Meena nga ang pumatay, pero kung pagbabasehan ang opinyon ng madla, mas marami ang hindi.
Ah, basta! Iwas muna si Mark sa mga ganyang balita. Umagang-umaga at gusto niya magpakalunod muna sa mga good vibes lalo na ngayon at mag-aaply siya sa isang BPO company sa may Makati. Hindi siya puwedeng tumambay nang matagal. Kailangan niyang magpadala ng sustento sa anak niya na nasa Cebu.
Binuksan ni Mark ang cellphone at tumambad ang wallpaper na may mukha ng natutulog niyang anak. Ang bilis talaga ng panahon, parang kailan lang nasa delivery room siya ng ospital at pinapanood nang live ang pagluwal sa kanya ng Mama niya na ngayon ay ex na niya. Nitong mga huling post ng nanay niya sa FB, panay na ang pag-posing ng baby niya sa harap ng camera. Hindi niya alam kung balak ba nitong maging model o artista.
Napapangiti si Mark sa tuwing naiisip ang panganay at dahil doon, bumabalik na ang kalma sa kanyang puso. Kailan kaya ulit sila magkikita ng baby Angel niya? Sana man lang payagan na siya ni ex na pagbakasyunin ang bata sa kanya nang kahit dalawang linggo lang.
Muling napatingin si Mark sa labas ng bintana ng bus. May umagaw kasi ng atensyon niya. Parang may kakaiba sa kahabaan ng EDSA ngayon. Sa gilid at sa center island ng sikat na kalsada, may malalaking paso kung saan may nakatanim na halaman. Teka, halaman ba 'yun o bulaklak?
May layong tig-tatlong metro ang mga paso sa isa't isa. Naalala ni Mark na ito nga yata yung kontrobersyal na "Metro Manila beautification project" ng MMDA na layong pagandahin at literal na pabanguhin ang polluted na kalsada ng EDSA. Binatikos nang matindi ang programang ito ng maraming netizens dahil sa tingin nila ay malaking pag-aaksaya lang ito ng pera. Depensa naman ng MMDA na panahon na para pagandahin at pabanguhin ang imahe ng EDSA at nang hindi puro trapik at kadugyutan na lang ang nakikita ng tao sa pangunahing kalsada ng Pilipinas.
Isa pa, locally sourced naman daw ang mga materyales. Nakatulong pa raw ang gobyerno sa lokal na mga negosyante. 'Yung mga paso, galing pa sa Ilocos at yung kulay berdeng mga bulaklak na may hugis crescent moon na dilaw sa gitna, sa Mindanao naman daw nagmula. Sa may Mt. Apo pa raw kung tama dinig ni Mark sa balita.
Hindi na namalayan ni Mark na nakarating na ang bus niya sa Ayala Station. Sa katitig kasi niya sa mga nagagandahang mga bulaklak sa labas, kung saan-saan na rin lumipad ang kanyang diwa.
Pababa na siya ng hagdan nang sinalubong siya nang isang papa-akyat na pasahero. Parang nagmamadali itong makaupo at dahil doon hindi sinasadyang natabig nito ang kamay ni Mark na may hawak na bagong bili, pero hindi pa bayad na Samsung Galaxy S8 phone. Tumalsik ang mamahaling smartphone at bumagsak sa semento, isang metro ang layo kay Mark.
"Ay, sorry kuya," nahihiyang sabi ng dalaga at pumasok ito sa loob ng bus, umupo ito at umarte na parang wala lang ang nangyari.
*Shit! 'King ina naman! Hindi pa 'to bayad! Mamamatay ka ba Miss kung 'di ka makaupo?*
Gustong isigaw ni Mark sa babae, pero hindi niya ginawa.
+-+-+-+-+-
Bumagsak ang cellphone malapit sa paanan ni Boyet. Nag-aabang siya ng pasahero nu'n sa habal niya nang biglang may narinig siyang komosyon sa likod niya. Paglingon, nakita na lang niya na ang makintab na screen ng cellphone na akmang dadamputin na ng may-ari, pero kesyo siya nga ang mas malapit dito kaya inunahan na niya ito sa pagkuha.
"Boss, cellphone mo," nakangiting sabi ni Boyet nung ibinalik na niya ang gadget.
Hindi yata siya narining nito. Bagkus, basta na lang kinuha nito ang cellphone sa kamay ni Boyet. Ni hindi man lang ito nagpasalamat sa kanya o tiningnan man lang siya sa mata.
Dinukot ng may katabaang lalaki ang panyo nito sa bulsa at saka paulit-ulit na pinunasan ang cellphone.
"Shit, hindi pa kasi tapos bayaran to eh. Napakagalawgaw kasi." Hindi alam ni Boyet kung siya ba ang pinatatamaan ng kaharap o ibang tao.
Nang mas naaninag ni Boyet nang malapitan ang matabang lalaki, nasurpresa siya sa nadiskubre.
Tingnan mo nga naman, small world!
Ito yung kupal niyang Team Leader du'n sa dating call center na pinapasukan niya sa may Ayala. Ito yung walang alam kung 'di ang i-terrorize at i-pressure na makakuha ng 100% Customer Satisfaction survey result ang mga ahente niya dahil kung hindi pagbabantaan niyang sisisantehin sila. Itong tao 'to ang dahilan kung bakit nine out of twelve sa mga ka-batch niyang trainees ang bigla na lang nag-AWOL at na 'di nagparamdan.
Si Mark Espejo, ang TL niya dati sa Winnieverse Telco account. Ang dahilan kung bakit siya nasipa sa kumpanya.
"Sir, naalala niyo pa ba ako?" tanong ni Boyet. Sandaling tumigil ang lalaki sa pagpupunas nito ng cellphone at saka tiningnan siya nang maigi.
"Ah, hindi eh. Sino ka nga ulit?"
Medyo napahiya du'n si Boyet. Oo nga naman. Sa dinami-dami na siguro ng ahente na dumaan dito malabong maalala pa siya nito. Gayun pa man, nagpakilala pa rin siya.
"Ah, ako sir si Boyet. 'Yung dati niyong ahente sa Winnieverse telco account."
Ako 'yung ahente na 'di mo man lang tinulungang isalba sa pagkakasibak sa trabaho dahil umabsent lang ako ng isang beses at nakalimutan kang i-text dahil inaapoy ako ng lagnat nu'n tapos ti-nag mo na agad na NCNS. as in "No-call, no-show" agent sa kasagsagan ng Black Friday season sa America. Dahil du'n, hinayupak ka, hirap ako ngayon makahanap ng mapapasukan kaya heto nagha-habal na lang muna pansamantala Remember?
Gusto sana idagdag ni Boyet lahat 'yun pero pinigilan niya ang sarili.
"Ah, ok. Ikaw pala. Kumusta na?" Plastic na bati ni Mark. Ang totoo, sa dinami-rami ng naging ahente niya, li-lima lang ang totoong naaalala niya. Lahat babae. Ang tatlo du'n, syinota pa niya.
Nabasa naman ni Boyet ang pekeng ngiti sa kanya ng dating boss. Ang awkward. Kaya sa halip na sagutin pa nito ang tanong at humaba pa ang usapan, hinayaan na niya itong maka-larga sa pupuntahan. Hindi na siya nagpumilit pang ipaalala rito ang ginawa nito sa kanya walong buwan na ang nakalilipas. "Ummm, sige sir. Ingat."
"Ok," maikling sagot ni Mark sa kanya at saka ito tumalikod at lumakad papalayo habang pinupunasang muli ang bagong biling cellphone.
"May araw ka ring gago ka," bulong ni Boyet nung nakaliko na sa kanto ang dati niyang amo.
BINABASA MO ANG
The Scent Of Madness (COMPLETE)
HorrorIsang maaliwalas na umaga, nakasakay si Mark sa isang bus patungo sa bagong kumpanyang kanyang aaplayan. Walang kamuwang-muwang na sa araw na iyon ay susuungin niya ang isang delubyo na sanhi ng isang uri ng bulaklak. Habang si Boyet naman sinusubuk...