Chapter 10
Habang nagkakagulo sa loob ng sinakyang jeep nila Mark at Kenzo, marahan at paisa-isa na palang namukadkad ang mga green crescent flowers na nakatanim sa mga malalaking paso sa kahabaan ng EDSA. At sa bawat pamumukadkad ng nga ito ay nagsasaboy sila sa hangin ng kanilang mga pollen na mistulang mga kulay dilaw na pulbo.Mekanismo nila ito upang ma-fertilize ang mga kauri nilang halaman at sa paniwala ng iba, ginagamit din nila ito upang maging sandata laban sa mga nilalang o organismo na gusto silang kainin, sirain o wasakin kagaya ng mga tao.
Sa paglipas ng panahon at milyon-milyong taon ng ebolusyon, nagawa naman ng katawan ng mga tao na depensahan din ang sarili laban sa mga kaaway nito katulad ng mga bacteria, viruses at allergens katulad ng pollen na galing sa mga bulaklak.
Pero, hindi sa lahat ng pagkakataon.
May mga bacteria, viruses at allergens na sa sobrang lakas, sa sobrang tindi, hindi magawang maka-agapay ng immune system ng mga tao para ito ay mapuksa. Ang resulta? Permanenteng pinsala sa katawa't kalusugan o kamatayan.
At isa ang pollen galing sa green crescent paradise sa hindi kayang talunin ng katawan ng tao.
Well...
Sabihin na nating sa bawat sampung katao na sadya o aksidenteng nakasinghot ng pollen, anim dito ang kaya nitong igupo.
Sintomas?
Mag-uumpisa sa simpleng pagbahing, na mabilis na lalala sa pagtaas ng presyon ng dugo, paglabo ng paningin, pagtagilid ng mga nasa paligid, hindi literal, syempre. Ang ibig sabihin, mag-iiba ang tingin ng biktima sa kanyang paligid. Makikita niya ang mga bagay at tao na animo'y parang nakalihis o nakatagilid o alinman sa dalawa (pero mas madalas patagilid).Nagiging maiinitin, agresibo at bayolente ang taong apektado. At ang pinakahuli, sa pamamagitan pagdaloy ng dugo, maglalakbay ang pollen at mananahan sa utak ng nakasinghot nito. Doon, kakapit sila nang maigi at dadami nang dadami sa puntong aagawin na nila ang pagkontrol sa kilos at pag-iisip ng taong pinamamahayan nila. Dalawampu't dalawang taon pa ang lilipas bago pa lubos na mapag-aaralan at maipaliliwamag nang mas detalyado ng mga siyentipiko sa buong mundo kung paano ang lahat ng prosesong ito ay nagaganap at kung bakit.
Subalit sa gabing ito, ikatlong linggo ng Nobyembre, magsasaboy at magpapakalat muna ito ng pollen sa hangin. Masisinghot ito ng mga taong nakasakay sa MRT, sa mga bus, sa mga motor at jeep. Malalanghap din ito ng mga naglalakad sa bangketa, maging ng mga naghihintay ng masasakyan pauwi sa kani-kanilang mga bahay. Papasok ito sa mga ilong ng mga kumakain sa loob at labas ng fast food chains at restaurants, ng mga naka-check in sa mga hotel at motel. Kakapit ito sa mga manininda at naglalako.
Tuwing ikatlo o huling linggo ng Nobyembre ng bawat taon nagaganap ang kababalaghang ito. Tuwing sasapit nag ganitong petsa, may kung anong sumpang inihahasik sa hangin ang bulaklak na ito upang gawing demonyo ang pinaka-maaamong tupa.
Nagsimulang maging uso ang pagamit, pagbili at pagpaparami ng bulaklak na ito nang makita ito ng mga viewers na nakatanim sa hardin ng isang sikat na sikat na vlogger. Simula noon, nagsipagayahan na ang mga tao hanggang sa lumagap na ang pagtangkilik nito mula sa mga bahay-bahay hanggang sa mga establisyemento at mga gusali. Nakakalat din ang mga ito sa mga public parks at gardens. Sa mga paaralan at opisina. At sa lahat pa ng mga lugar na puwede mong pagpatungan o paglagyan ng paso.
Paano mo nga naman hindi mamahalin ang green crescent paradise kung bukod sa napakabango na, napakadali rin nitong alagaan. May biruan nga na ilapag mo lang daw ang buto nito sa kahit anong klase ng lupa at saka mo duruan, tutubo na ito nang kusa. Kahit nga diligan mo lang ito nang isang beses kada dalawang linggo, mabubuhay at yayabong na ito.
At sa gabing ito nga nasinghot ni Matring, 38 years old, nakatira sa Sampaloc, Maynila, ang pollen ng green cresecent paradise na nakatanim sa munti niyang paso sa may bintana. Pagkaraan ng tatlong minuto, nakita niyang tabingi ang hugis ng ulo ng kanyang sampung taong gulang na apo na kasalukuyang naglalaro sa sala. Gayun din ang mga larawang nakasabit sa dingding nila. Bigla, may kung anong bagay siyang nararamdaman sa loob niya na hindi niya maipaliwanag. Galit? Inis? Poot? Basta kinuha na lang niya ang kutsilyo sa kusina at saka itinarak iyon sa likod ng walang malay na bata.
Sa Las Piñas naman, sa barangay CAA, nagising si Olan na bahing nang bahing. May sumuot kasing pollen sa ilong niya mula sa tanim na green crescent paradise ng kapitbahay. Bumangon siya at kinuha ang maruming damit sa labahan at saka doon siya suminga. May sipon naman na lumabas at nagluha ang kanyang mga mata pero hindi pa rin nito naibsan ang labis na pangangati ng kanyang ilong. Naalimpungatan tuloy ang kanyang misis at inabutan siya ng isang basong tubig. Pumasok si misis sa loob ng banyo para umihi at paglabas, ginilitan siya sa leeg ng asawa gamit ang bubog sa basag na basong iniabot nito sa kanya kanina.
Sa bandang norte naman, sa may project 8, Quezon City, may lalakeng nagwawala sa kalsada. Si Peter, 41, guro sa isang private school. Sigaw siya nang sigaw at iyak nang iyak sa 'di mawaring dahilan. Animo'y lasing. Pinalilibutan siya ng mga miron pero malayo ang distansya ng mga ito sa kanya. Marami sa mga naroon, kinukuhanan siya ng video at picture gamit ang kani-kanilang cellphone. May isang naglakas loob na lumapit kay Peter pero agad ding umatras nang makita nang malapitan ang hila-hila nitong patay na matandang lalake. Akala niya kasi noong una, isa lang itong sako na naglalaman ng basura. Hindi malinaw kung kaano-ano ni Peter ang karag-karag na bangkay. Basta ang paulit-ulit lang nitong sinasambit ay kaya niya napatay ang matanda ay dahil tabingi raw ang katawan nito. Iyon lang, wala nang iba. Hanggang sa dumating ang mga tanod ng barangay at saka siya puwersahang dinakip. Hindi naging madali ang paghuli kay Peter dahil bago siya maitali at mabusalan, kinagat muna niya ang tenga ng isa sa mga tanod hanggang sa ito ay mapigtal.
Sa Mati, Davao Oriental, pinaghahabol ng taga ng isang lalake ang kapitbahay na nakatambay lang sa labas ng bahay nito at nagsisigarilyo. Nahagip ng matalas na itak ang kanang binti ng kapitbahay noong papa-akyat na ito sa bubong para takasan ang humahabol sa kanya. Mga ilang oras din nanatili ang biktima sa bubungan ng kanilang bahay at nang makababa lagi na itong tulala at nagsasalita mag-isa.
Ilan lang ito sa mga eksenang nagaganap sa iba't ibang bahagi ng Pilipinas habang ikinakalat ng bulaklak ang mga salot na pollen nito sa hangin.
BINABASA MO ANG
The Scent Of Madness (COMPLETE)
HorrorIsang maaliwalas na umaga, nakasakay si Mark sa isang bus patungo sa bagong kumpanyang kanyang aaplayan. Walang kamuwang-muwang na sa araw na iyon ay susuungin niya ang isang delubyo na sanhi ng isang uri ng bulaklak. Habang si Boyet naman sinusubuk...