Chapter 3

275 13 0
                                    

Inabot ng halos isang oras ang biyahe papuntang Ayala Avenue. Isang oras! Hindi makapaniwala si Mark sa lala ng trapik. Buti na lang napa-aga pa rin siya ng limang minuto sa itinakdang schedule. Kasalukuyang kinukuha ng receptionist ang mga CV's ng iba pang aplikante nang dumating siya sa lobby ng company. Pagka-abot ng sa kanya, umupo siya sa waiting area at nagpunas ng pawis. Sobrang init din kasi sa labas.

Alam na ni Mark ang proseso. Initial interview muna. Pagkatapos mga dalawa o tatlong magkakaibang rounds ng exam to test kung gaano ka katalino or what tapos 'pag nakapasa sa exam isang final interview. Kung hindi sa kapwa niya Team Leader, sa Operations manager. May mangilan-ngilan na rin kasi siyang inaplayan at napasukang BPO company noon kaya kabisado na niya ang sistema. Doon sa pinakahuling company lang siya nagtagal. Mga anim na taon din ang inabot. Magpi-pitong taon na sana siya doon kung 'di lang niya nakaaway yung isang boss. Nagsuntukan sila sa production floor dahil ayon kay Mark, wala ng ginawa ang boss niyang iyon kung hindi ang pagalitan at utusan siya. Nagkataon namang mainit ang ulo niya n'ung mga oras na 'yon dahil isinama ng ex niya ang anak nila sa Cebu nang hindi man lang nagpapaalam sa kanya.

Kaya n'ung nagpang-abot ang init ng ulo ni Mark at ng amo niya, nagmurahan sila sa workstation ng ahente hanggang sa may nadamay at nasaktan sila na hindi naman kasama sa away nila.

Kung may pa-konswelo de bobo man ang company nila, at least hindi lang siya ang na-terminate. Sabay sila ng OM niya.

Pero dito sa bagong company na aaplayan niya, magpapakatino na siya. Kailangan. May anak na kasi siyang sinusuportahan.

"Ah, boss, ano bang ilalagay dito?" nakaturo ang kapwa niya applicant sa blangkong linya.

"Patingin," inilapit ni Mark ang sarili. "Ah, d'yan ba? Lagay mo 'yung mga responsibilities, 'yung mga linya ng trabaho mo sa dati mong company."

"E, first job ko kasi 'to. Nagtitinda lang ako sa puwesto namin sa Pasay. Wala pa ako experience magtrabaho sa kahit anong company. Bale, sinundan ko lang dito girlfriend ko kasi dumping.. jumping.. ano ba 'yun?..."

""Ramping" p're. Ibig sabihin, mass hiring," pagtatama ni Mark.

"Yun! Nadale mo boss!" sang-ayon ng kanyang kausap. Nasa pagitan siya ng twenty to twenty one years old. Naka-collared blue shirt, kuntodo gel ang buhok na parang dinilaan ng baka at halatang may pinaghalong excitement at kaba ang boses. 

"Ramping daw sila kaya sigurado madali raw ako makakapasok kahit na college undergrad lang ako."

*Ah, newbie. Good luck*

"Kenzo nga pala, boss." Iniunat nito ang kamay. "Applicant ka rin ba?"

Kinamayan din naman siya ni Mark. "Oo, eh. Mark nga pala p're"

"Ayos! Baka 'pag nagkataon maging magka-batch tayo sa training. Sabi ng girlfriend ko tatlong linggo daw training."

"Depende 'yan sa account na paglalagyan sa'yo. Kung madali lang 'yung account, mga two weeks na training ang tagal. Pero 'pag mahirap mga three or one month na training. Saka, mas higher na position kasi inaaplayan ko. Team Leader kasi ako du'n sa dati ko kaya same position din inaaplayan ko dito."

"Team Leader?" May halong mangha ang boses ni Kenzo. "E, 'di magiging boss pala talaga kita kung sakali."

Tumawa na lang si Mark. "Well, tingnan natin. But first, kailangan muna nating ipasa 'yung interviews at exams."

Sakto, biglang tumayo ang receptionist mula sa desk niya at isa-isa na silang tinawag para sa initial interview.

Ilang minuto pa ang lumipas at napansing pareho ni Mark at Kenzo na numinipis na ang mga tao sa waiting area. Hindi nila alam kung dahil ba sa hindi nakapasa ang ilan kaya umuwi na o baka nasa next stage na ng hiring process.

The Scent Of Madness (COMPLETE)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon