Chapter 4

247 11 0
                                    

Nilakad na lang ni Mark papuntang mall kaysa naman ma-tengga na naman sa trapik ng ilang oras. Tutal 'di rin naman ito gano'n kalayo. Kahit gabi na, nakapasok siya ng mall na tagaktak sa pawis at hingal na hingal. Naisip ni Mark na kailangan na nga yata niya talaga magbawas ng timbang o mas maige, sana dinala na lang niya ang motor niya na muntik na niyang ibenta dahil sa kakapusan ng pera.

Sa KFC niya napiling maghapunan kasi libre ang one to sawa na gravy doon. Pagkakain, naglibot-libot siya saglit para magpatunaw at mag-window shopping dahil sa ngayon, hanggang du'n lang kaya niya. Pumasok siya sa Shoe Island para maglaway na mga bagong labas na sapatos. Trip na trip niya 'yung mga Jordan vintage models saka 'yung Yeezy shoes na tig-bente mil na yata ang pinakamura. Nagpunta rin siya sa video games arcade para sana mag-aliw sa mga naglalaro ng video  at redemption games doon pero nawalan din siya ng gana. Hindi na siya naaaliw sa mga larong pambata. Nagsimulang tangayin ng alon ang kabataan niya noong bumalik sa kanila ang Mama niya. Siya at ang Papa niya na kasi ang umako sa pag-aalaga rito. Maaga siyang natutunan kung ano ang responsibilidad. At ngayon na siya mismo ay tatay na, mas kailangan niya pang higpitan lalo ang sinturon.

Napadighay na lang na may kasamang buntong hininga si Mark. Tama nga 'yung sermon ng pari sa misang dinaluhan niya noong nakaraang linggo. Ang sabi ay: "Kailangang magsakripisyo kapag nagmamahal". Napahinto siya saglit sa salitang "nagmamahal". Mahal niya ang anak niya, pero bakit nga ulit siya nagsasakripisyo sa mama niyang iniwan sila noon?

Ayaw nang sagutin ni Mark 'yun. Sa isip niya dahil natatakot siya sa kung ano ang puwedeng sabihin ng puso niya. Kaya sa halip mag-drama, bumili na lang siya ng cookies and cream pearl shake.

Naglibot-libot pa siya hanggang sa bumalik siya sa kung saan siya nagsimula - sa front entrance ng mall kung saan naroon din ang main exit.

Sa tabi ng exit door, tinutulungan  ng guard magbuhat ng mga halamang nasa paso ang tindera ng flower shop. Mag-aalas nuwebe na rin kasi at magsasara na rin yata ang shop. Pero bukas pa 'yung mga katabi at katapat na tindahan. At isa sa mga tindahan na 'yon ay ang Comix World. Pumasok si Mark sa loob at nagmasid-masid.

Avid collector ng comics si Mark noon -- mapa-Pinoy man o foreign. Kaya lang binenta niya rin. Panustos sa panganganak ng ex niya.

Habang minamasdan ni Mark ang ilan sa mga mamahaling comics sa iskaparate, natuklasan niyang wala na siyang maramdamang kilig o excitement. 'Di tulad dati na kahit iwan mo siya sa loob ng comic store ng sampus oras, ayos lang sa kanya. Hindi siya mababagot. Happy place niya kasi ang mga ganu'n.

Ngayon, parang wala na lang. Isang ordinaryong tindahan na lang ito sa kanya. Tumanda na nga talaga siya.

Lumabas na lang ng tindahan si Mark bago pa siya kainin ng panghihinayang at lungkot. Nadatnan niya na nagliligpit pa rin sila ateng tindera at si manong guard. Buhat-buhat ni manong guard ang paso na may tanim na Green Crescent Paradise na bulaklak.

Inilapit ni manong guard ang mukha nito sa bulaklak. Siguro hindi rin niya natiis na 'di amuyin ang napakabango nitong halimuyak. Nang walang ano-ano'y nagbuga ang bulaklak ng tila manipis na kulay dilaw na pulbo sa mukha ng guard. Marami itong ibinuga. Sa sobrang dami halos sakupin na nito ang buong ulo ng mama.

Magugulantang si Mark sa mga susunod na pangyayari. Sa kauna-unahang pagkakataon kasi makikita ni Mark nang malapitan kung paano pumatay at mamatay ng isang tao.

Noong mga sandaling iyon, pagkatapos mabugahan ng bulaklak ng tila dilaw na pulbo nito ang mukha ni manong guard, bumahing muna ito nang isang beses at bigla na lang 'tong hindi gumalaw sa kanyang kinatatayuan. Nakatingin sa lang ito sa malayo, bahagyang nakabuka ang bibig nang hindi man lang kumukurap. Natural, nagtaka 'yung tinderang babae na kasa-kasama niya.

"Manong, okay ka lang?" Mahinang tapik ng tindera.

Nabitawan o sadyang binitawan ng guard (hindi rin sigurado si Mark) ang tangan nitong paso. Bumagsak ito sa marmol na sahig ng mall at gumawa ng ingay ang pagbagsak nito. Sabay-sabay na naglingunan sa direksyon nila ate at manong guard ang mga tao na nasa malapit.

"Kuya, okay ka la..?" dinig ni Mark ang mga huling salitang nasambit ni ate bago siya barilin sa ulo ng sekyu. Sobrang bilis ng pangyayari.

Parang mabigat na sako ng bigas na bumagsak sa sahig ang katawan ni ate. Kumalabog ito. Mga limang segundo pagkatapos ng pagbagsak ng tindera, sumunod na sumambulat din sa sahig ang cookies and cream pearlshake ni Mark. Nabitawan niya iyon sa sobrang sindak at pagkabigla. Kitang-kita niya ang lahat dahil halos apat na metro lang ang layo niya sa kanila.

Doon na nagpulasan ang mga tao sa kung saan-saang direksyon. Sigawan at tulakan. May ibang nadapa at natapakan habang si Mark tila istatwa lang sa kinatatayuan.

Lumingon sa direksyon niya ang guard. Pulang pula at nanlilisik ang mga mata nito.

"Bakit ka tagilid? Bakit!?" malakas na tahol nito sa kanya.

Nanlamig ang mga palad ni Mark. Hindi niya alam ang gagawin. Parang sumisikip ang kanyang paghinga.

"Bakit?! Sagot! Bakit ka tagilid?"  tanong ulit ni manong sekyu. Itinaas na nito ang kamay at itinutok ang baril na hawak sa sentro ng dibdib ni Mark.

May sumigaw sa kaliwa niya, "Romy, 'wag!"

Kabaro ni manong sekyu. Hindi pa nakalabas ang baril pero nakaumang na ang kanang kamay sa holster nito.

"Maawa ka sa kanila. Maawa ka sa mga anak mo," pagsusumamo nito sa kabaro.

Nang malihis ang atensyon ni manong sekyu, doon na kumuha ng pagkakataon si Mark para makatakas. Dali-daling siyang tumalikod at tumakbo papalayo. Nadapa siya at gumulong ng dalawang beses at tumakbo muli kahit na pakiramdam niya sasabog na ang dibdib niya sa hingal.

Malayo-layo na siya nang marinig niya ang sigaw ng guard, "Bakit ka tagilid!!". Sinundan iyon ng tatlong putok ng baril.

Huminto si Mark sandali at nilingon ang kanyang pinanggalingan. Nakita niyang nakahandusay na rin ang umawat na sekyu at nakakababad sa sariling dugo.






The Scent Of Madness (COMPLETE)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon