Chapter 15

182 7 0
                                    

"Ano kaya sinasabi nu'n ni Manong?" Huminto muna siya sandali sa paglalakad at saka iniskrol ang kanyang social media accounts. Sa paligid, nangingibabaw ang halimuyak ng mga green crescent paradise na nakatanim sa mga malalaking paso sa sidewalk sa kahabaan ng Ayala Avenue.

May nadaanan siyang video sa screen ng kanyang cellphone. Mayroon itong 110 thousand likes at ninety three thousand shares. Ang caption: SINASANIBAN O KINUKULAM? Makikita sa video ang isang babae, nasa pagitan ng 25 hanggang 30 taong gulang. Naka-shorts ito na kulay pink at V-neck na t-shirt na kulay puti. Naka-sabog ang dating nakataling buhok nito. Palatandaan ang nakalambiting ponytail holder sa kanyang balikat. Naka-dipa ito sa isang papag at nakatali ang mga kamay at paa nito sa apat na sulok ng higaan. Matatalim ang mga titig nito sa mga taong nakapaligid sa kanya at ang bibig at leeg niya, basang-basa ng nangingintab na likido. Hindi mawari ni Mark kung tubig ba iyon o laway.

Nagkikikislot at naglililiyad ito sa papag na para bang gusto nitong kumawala sa pagkakagapos. "Tagilid! Tagilid kayong lahat! Bakit kayo tagilid!" sigaw nito. "Ma, 'yung itak, akin na. Tatapyasin ko ang balikat niyo para pumantay kayo!"

"Aba ginoong Maria. Napupuno ka ng grasya. Ang panginoong Diyos ay sumasaiyo. Bukod kang pinagpala sa babaeng lahat at pinagpala rin naman ang iyong anak na si Hesus ..." sabay-sabay na dasal ng mga tinig na walang mukha sa background habang patuloy sa pagpiglas ang babaeng nakatali sa papag. Nakalaylay na ang t-shirt nito sa balikat at naka-dungaw na ang suot nitong bra pero patuloy pa rin ito sa paglikot.

Binasa ni Mark ang kabuuhan ng post.

Siya po ang pinsan kong si Joanna Marie Sandoval. Maayos naman po siya kaninang umaga hanggang tanghali. Masaya pa namin siyang nakakausap. Exited pa nga siya dahil manonood kami ng Kathniel bukas sa SM. Tapos noong naglalaba po siya sa tapat ng bahay namin nung after lunch, bigla po siyang atsing nang atsing saka kamot siya nang kamot ng ilong. Akala po namin nila Mama sinisipon lang kaya hindi namin pinansin. Maya maya po nagulat na lang kami sa loob kasi biglang umiyak yung aso namin sa labas. Pagkakita po namin nagdudugo na yung kaliwang tenga ng aso namin kasi tinaga po niya. Hinabol niya pa po yung aso namin ng taga tapos nung aawatin na siya ni Mama, siya naman ang pinagbalingan. Buti na lang dumating 'yung tito ko at si Papa at napigilan siya. Tinali muna nila si Ate Jo sa katre tapos tumawag na po kami ng albularyo. Pero ganun pa rin po ang sutwasyon niya kahit tinawas na siya ng dalawang albularyo. Sana po may makatulong sa pinsan ko. Humihingi rin po kami ng panalagin para agad niyang pagaling. Salamat po sa inyong oras.

Kinilabutan si Mark.

Tagilid. Anong ... Bakit pare-pareho sila ng sinasabi?

Wala pa ring reply sa text o messenger ang kapatid niya. Sinubukan niya ulit itong tawagan. Ang nakakatuliling na busy tone lang ang naririnig niya sa kabilang linya.  May kung anong kaba tuloy ang umusbong sa kanyang dibdib. Isa-isang nagsipagtayuan ang mga balahibo niya sa braso papunta sa kanyang batok.

Shit! Ano na kayang nangyari kina Mama?

Nagpasya na si Mark na hindi na muna ituloy ang final interview. Kahit siya nagtataka na sa sarili kung bakit sa gitna ng napakaraming kababalaghang nangyari sa kanya at sa paligid niya buong maghapon, may gana pa rin siyang tapusin ang application sa kumpanya kung puwede namang ipagpaliban iyon sa ibang araw.

Hindi puwede, ito ang sinabi niya kanina lang. Kailangan niya talaga ng pera panustos kay Angel at sa Mama niya. Maraming desperado  na magkatrabaho ngayon at mahirap nang maunahan ng iba. Ngunit anong kapalit? Kaligtasan niya? Ng pamilya niya?  Mapalad nga siya't hindi siya napahamak sa mga gulong nasuong niya. At isa pa, ngayon lang lumubog sa gunita niya na wala na nga pala siyang uuwiang bahay dahil sinunog na ito ni Mang Berto.

Shit! Tang ina! Shit! Shit! Shit!

Lumalampas lang ang mga bagay-bagay na nangyayari sa kanya dahil sa dami at bilis ng mga ito sa puntong hindi na niya ito halos maiproseso.

Una, magpapaalam muna siya sa receptionist. Makikiusap kung puwedeng i-set na lang ang final interview sa ibang araw. Kung hindi puwede, bahala na. Mag-aaply na lang ulit siya sa iba. Ang mahalaga, makauwi muna siya sa kanila sa lalong madaling panahon. Pangalawa, kakausapin niya ang isang 'to.

"Boss, 'yung kaibigan mo. Ano kasi.. tumawag na ulit ako sa emergency hotline ng Makati. Ang sabi paparating na 'yung ambulansya nila dito para kunin siya. Kung puwede ikaw na ang bahala kasi kailangan ko nang umalis," 'ika ni Mark sa kasama ng lalakeng nabangga. Kanina pa ito nakatayo at bahagya itong nakatalikod sa kanya.

Hindi ito kumibo o kumislot man lang. "Boss.. ano puwedeng.. ikaw na muna..."

Hinawakan ni Mark ang balikat nito at marahang ipinaling paharap sa kanya. Nanlaki ang mga mata niya sa nakita. Sa dibdib ng lalaki, nakatarak ang isang kutsilyo. Kumikinang ito na animo'y alahas dahil sa tumatamang ilaw galing sa kalapit na convenience store.

"Ang sabi niya ..." umubo ang lalakeng may nakatarak na kutsilyo sa didib. Imbes na plema, laway at sangkaterbang dugo ang tumalsik mula sa bibig nito papunta sa damit ni Mark. "Sabi.. tagilid daw ako ka..ka..ya niya.. ako ..saksak."

Nabuwal ang lalaki pagkatapos at nasalo naman siya ni Mark. Lalong pumahid at namantsahan ng dugo nito ang pagka-puti puti niyang long sleeve shirt.

"Tulong! Anong nangyayari? Tulong!!" Pinagsanib na taranta, pagkalito at takot na ang nararamdaman niya. "Boss, gising! Teka lang.. boss!"

Marahan niyang inilapag ang katawan ng lalake sa malamig na sidewalk. Tinapik-tapik ni Mark ang pisngi nito pero ni hindi man lang ito dumilat.

Nilibot niya ng tingin ang paligid. "Tulong!" sigaw niya. Pero ni walang ligaw na anino siyang nakita. Saan nagpunta ang mga tao? Bakit bigla silang nawala?

May nakita siyang gumalaw sa loob ng convenience store. Pumasok siya sa loob at nakita niya ang bantay nito na naglalampaso ng sahig. "Tulungan mo ako, please! Please!"

Nahintakuyan ang bantay sa itsura ni Mark. "Lumayo ka sa 'kin! Tatawag ako ng pulis!" Naka-umang na ang hawakan ng mop sa direksyon niya at handa na ang bantay na ihambalos ito sa kanya.

"Kalma, p're!" awat ni Mark "Sandali!". Tinignan niya ang sariwang pang dugo na nakadikit sa suot niya. "Wa-wala akong gagawing masama sa'yo. Mali ka nang iniisip. May dalawang patay na lalaki sa labas nitong store mo. Ilang metro lang layo nila dito. 'Yung isa, nasagasaan at 'yung isa sinaksak nung nabundol... yata. Hindi ako sigurado. Hihingi sana ako ng tulong.."

"Anong klaseng tulong?" Dahan-dahan nang ibinababa ng bantay ang tangang mop.

"Kung puwede bantayan mo muna sila hanggang dumating 'yung ambulansya na tinawagan ko. 'Wag kang mag-alala, hihingi rin ako ng tulong dun sa sekyu ng company na inaplayan ko. D'yan lang sa call center. Kailangan ko na talaga kasing umalis. Kasalukayan kasing nasusunog ang bahay namin at hindi ko alam kung ano nang nangyayari sa kapatid at nanay ko." Mahinahon si Mark para maintindihang maigi ng kausap ang sitwasyon niya.

"Pa'no ako makakasiguro na hindi mo 'ko niloloko? Pa'no kung sini set up mo lang ako? Baka ako pa mapagbintangan na pumatay sa mga 'yun?" Muling iniangat ng bantay ang hawakan ng mop, pero hindi na sing-higpit ang hawak niya rito kagaya noong una.

Inilabas ni Mark ang wallet at sabay sabay na dinukot lahat ng ID na mayroon siya. Iprinisinta niya lahat iyon sa kausap na parang nag-aalok siya ng regalo. "Ito, p're. Lahat ng ID na meron ako. May SSS, PAG IBIG, PHILHEALTH, TIN, UMID. Kung gusto mo, humingi ka rin ng kopya ng pinasa kong resume d'yan sa may BPO. Nandu'n lahat ng detalye about me. Saka sabi ng kausap ko sa Makati response hotline kanina, maraming nagkalat na CCTV along Ayala kaya du'n makukumpirma mo later kung nagsasabi ba ako ng totoo o hindi."

Nahimasmasan ang bantay at hindi na nito kinuha sa kamay ni Mark ang mga iniaabot nitong mga ID. "Sige. Oo, sige na naniniwala na ako. Nasa'n ba sila?"

The Scent Of Madness (COMPLETE)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon