Chapter 34

150 8 1
                                    

Nakipagtunggalian si Mark kay Boyet. Gumewang-gewang ang motor. Kahit anong mangyari hinding-hindi niya ibibigay ang telepono niya. Ni hindi pa nga niya iyon tapos hulugan at lubos na napapakinabangan tapos dedekwatin nang ganu'n-ganu'n lang?

Magkamatayan na pero hindi 'to mapapa-sa'yo!

At iyon na nga ang muntik na mangyari nang lumundag at dumausdos ang kanilang sinasakyan pagkatapos nitong daanan ang malaking tipak ng bato na nasa gitna ng kalsada.

Lumipad silang dalawa sa ere. Bumagsak si Mark na una ang kanang balikat at si Boyet naman nabali ang buto sa paa noong tangkain niyang gawing pang-preno ang mga ito bago sila magpagulong-gulong sa semento. Pasalamat na lang talaga at may suot silang helmet. Kung hindi, siguradong mahihirapan ang mga maglilinis sa pagpulot ng mga nagtalsikan nilang utak sa lupa.

Nasa langit na ba ako? Nasa'n si San Pedro? Ang mga anghel? Baka naman purgatoryo pa lang 'to.

Ang daming tanong ni Mark habang nakatihaya siya at pinagmamasdan ang araw. Ang tindi ng sikat nito, tumatagos sa kanyang face shield visor. Ang sakit sa mata, pero walang-wala ang sakit na iyon kumpara sa sakit na nararamdaman niya sa may balikat.

Fuck! Pusang gala! Shit! Shit! Shit!

Kinapa ni Mark ang sarili at saka pumikit. Huminga siya nang malalim. Inhale. Exhale. At muli siyang dumilat. Sinalubong ulit ng sikat ng araw ang mga mata niya. Masakit pa rin. Doon niya natanto na hindi pa pala siya patay. Para makasiguro, ipinatong niya ang kanang kamay sa dibdib at pinakiramdaman kung siya ay humihinga pa. Nagtaas-baba ito. Ibig sabihin buhay pa nga siya.

Pero para na rin siyang mamamatay sa tindi ng kirot na kanyang naramdaman nang subukan niyang bumangon. Sa kaliwa niya, nakita niyang nakaupo si Boyet sa may bangketa habang tinatanggal ang suot na helmet.

Nag-ring ang cellphone ni Mark na nakalapag ilang dipa lang ang layo kay Boyet.

Pakshet!

Gusto niya sanang damputin ang telepono pero naunahan na siya ni Boyet. Sinagot nito ang tumatawag.

"Hello? Sino 'to?"

"Hello? Sino ka? Ba't na sa'yo ang cellphone ng kuya ko?" Medyo mataray ang boses ng nasa kabilang linya. Pamilyar kay Boyet ang boses na iyon. Inilayo niya ang telepono sa tenga para tingnan ang nakalagay na pangalan ng tumatawag.

"AC?" Tanong niya na may kasamang gulat at pagtataka. "Bakit..."

Tumumba si Boyet bigla. Naiwang nakabitin sa hangin ang dapat sana'y tanong niya sa kausap. Hindi niya namalayan na tahimik na pala siyang minamanmanan ni Mark at nang makakuha ng tyempo, hinampas siya nito ng bato sa ulo. Ang parehong bato na dahilan ng kanilang aksidente.

Agad na kinuha ni Mark ang kanyang telepono. May mala-sapot na basag ang screen nito sa gitna.

Shit ka talaga! Fuck! Bagong bili ko pa naman 'to!

Hinubad na rin ni Mark ang helmet. "Hello, AC? Nasa'n na kayo ni Mama? Dito ako sa may bandang Pasay. Hindi ko alam eksakto kung saan pero malapit kami sa MOA. Dito ako dinala ng holdaper."

Umatungal si AC sa telepono. Sunod-sunod ang mga tanong nito. Saan? Sino? Bakit? Anong nangyari? Pinakalma muna siya ni Mark bago siya nagkuwento.

"Oo, okay ako. Medyo hilo lang. Hintayin niyo ako ni Mama d'yan kina Tito," pagsisiguro ni Mark sa nag-aalalang kapatid pagkatapos ng mahabang paliwanagan. "Sige na. Ibababa ko na 'tong phone."

Isinuksok ni Mark ang phone sa bulsa at isa-isa ring pinagdadampot ang mga gamot at grocery items na nakakalat. Isinilid niya ang mga iyon pabalik sa plastic bag. Himala at walang nabasag na vial.

Lumapit si Mark sa nakahigang si Boyet. Mukhang buhay pa naman dahil dilat ang mga mata nito at humihinga pa. Hindi nga lang gumagalaw.

"Gets ko na. Naaalala ko na lahat ngayon. Kanina, habang nakahiga ako d'yan at pinagmamasdan 'yung sikat ng araw, ewan, 'di ko rin alam kung bakit pero biglang nag-flashback ang buhay ko sa harap ko at isa ang mukha mo sa nakita ko du'n. Galit ka pa rin siguro sa 'kin at oo, karapatan mo rin namang magalit talaga dahil inaamin ko na hindi ako naging pinaka-dabest na TL sa'yo. Inaamin ko na wala akong pakialam noon kung mawalan kayo ng trabaho o kesehodang magutom kayo. Basta ako ginawa ko 'yung part ko bilang Team Leader niyo - well, hindi nga lang buo. Kasi hindi ako perpekto. Hindi ko kayo naipagtanggol sa management. Dami kong pagkakamali at pagkukulang. Pero lately, sa hindi ko maintindihang nangyayari nitong mga nakalipas na oras sa paligid natin, na-realize ko na ang dami na palang ibinibigay na pagkakataon ang buhay para itama ang mga pagkakamali natin. Hindi nga lang natin 'yun nabibigyan ng pansin kasi busy tayo sa mga kanya-kanyang nating sakit na dinadala hanggang sa bawiin na sa atin ang chance. Kaya heto ako ngayon, I'm taking my chance. Humihingi ako ng tawad sa'yo. I'm sorry for the pain I have caused you, Boyet. I'm sorry for all the hardships you went through because of my inability to be a decent human being."

Napaupo si Mark sa kalsada sabay buntong hininga. Gumaan ang pakiramdam niya nang bahagya. Para bang may mabigat na maleta siyang dinadala na bigla na lang nawala. Oras na para humingi na rin siya ng tawad sa kanyang ina. Uuwi na siya.

"Ummmm.. Boyet, sorry ulit pero gagawa pa ako ng isang kasalanan sa'yo. Pero promise, last na 'to. Hihiramin ko lang sana motor mo para makauwi ako sa 'min. Ibabalik ko rin naman. Hahanapin kita sa facebook or sa tiktok or kung saan na puwede ka pang hanapin. Kailangan ko lang talaga makauwi. Kailangan ako ng Mama ko para maibigay ko 'tong mga gamot niya." Kumuha si Mark ng isang libo sa wallet niya at inilagay iyon sa bulsa ni Boyet. "Pasensya ka na. 'Yan lang kaya ko for now. Dagdagan ko pa 'yan 'pag naibalik ko na 'yung motor mo."

Humayo si Mark at sinuot ulit ang helmet. Lumapit siya sa nakatumbang motor at saka ito tinesting kung naandar pa. Tadtad ng gasgas ang katawan nito.

Okay. Ayos pa! Thank you, Lord!

Umupo siya sa motor at saka binuhay ang makina. Sinulyapan niya si Boyet na hilo pa rin at walang kibo. May kaunting tagas ng dugo ang kaliwang bahagi ng ulo nito. Kagagawan niya. Pero, ipinagpa sa diyos na lang ni Mark na sana maayos itong makabalik sa kanila.

Pinabarurot na niya ang motor at iniwan niya si Boyet, ang dati niyang ahente, na mag isa sa kalsada.






















The Scent Of Madness (COMPLETE)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon