Chapter 27

155 9 3
                                    

Imbes sana na tumuloy papuntang Makati, mas minabuti na lang ni Boyet ang magpahinga sandali. Tutal naman, kahit paisa-isa may mga pasahero pa rin naman siyang nakukuha kahit tapos na ang uwian ng mga taga call center.

Mabigat ang loob ni Boyet. Importante sa kanya ang cellphone na ninakaw. Naroon kasi ang mga phone number ng mga regular niyang kliyente na hatid-sundo niya. Mga lampas kinse rin iyon at ang mas masakit, hindi niya masyadong tanda ang ilan sa kanila at kung saan ang mga ito nakatira. Masyado na siyang maraming iniisip para kilalanin pa isa-isa ang mga customer niya. Ang mahalaga kilala niya sila sa mukha, pero hanggang doon na lang iyon. Isa pa, hindi naman siya nakikipagkaibigan. Ang trabaho ay trabaho at kapag hinaluan mo na ng emosyon na nagiging relasyon kinalaunan, doon nagsisimulang magkanda-letse-letse ang lahat. Iyan ang marubdob na paniwala ni Boyet.

Pumasok si Boyet sa Redemptorist Church. Umupo si pinakalikod na pew. Sumandal siya sa matigas na sandalan nito at sandaling ipinikit ang pagod niyang mga mata. Sa karimlan, kita niya ang mukha ng taong dumukot ng kanyang cellphone. Pinagtatawanan siya at pinagbubulungan. Sinasabi na kailangan nilang paghati-hatian ang kita sa pinagbentahan ng ninakaw. Sumunod ang mukha ng dati niyang boss na si Mark. Nakaupo ito sa kanyang desk, kunwari may binabasa sa kanyang computer monitor. Kunwari hindi siya nito pansin o nakikita mula sa katapat na silid habang kinakausap siya ng taga HR tungkol sa termination niya.

Nanikip ang dibdib ni Boyet, nagpuyos ito sa galit. Bakit hindi man lang siya ipinagtanggol ng TL niya. Nagpaalam naman siya sa kanya na hindi makakapasok. Iyon nga lang nahuli siya ng pasabi dahil nakatulog siya sa sobrang taas ng lagnat niya. Dahil mahinang-mahina ang katawan niya. Dapat kasi two hours bago magsimula ang shift, naabisuhan na niya si Mark na liliban siya noong araw na iyon. Pero nagising na lang siya kinabukasan ng tanghali. Pagkabukas ng cellphone, tadtad ito ng text at missed call galing kay Mark. Hinahanap siya.

Sa pakiwari ni Boyet, nasibak siya dahil ni hindi man lang siya nagawang ipagtanggol ni Mark sa harap ng mga mas nakatataas sa kanya. Hindi tulad ng ibang mga Team Leader sa ibang team na kahit gago, pala-absent at worse performer pa ang mga hawak nilang ahente, todo suporta pa rin ito sa kanila huwag lang silang malagas. Kasi nakikita ng mga ito ang halaga at potensyal ng mga ahente nila kahit na sa sumasablay ito sa umpisa. Hindi tulad ng gago niyang TL na si Mark.

Minsan lang siya nagkulang tapos heto na agad ang kapalit?

Nagising si Boyet sa isang mahinang tapik. Pagdilat, natanaw niya ang tatlong matatandang babae na nakaluhod malapit sa altar, nagrorosaryo at may ga-panyong mga belong nakapatong sa ulo. Sa gilid niya, may dumaang mama na naglalakad nang paluhod papunta rin sa altar. Umiiyak ito at dinig ni Boyet ang panalangin nito na sana pagalingin nawa ng Ina ng Laging Saklolo ang anak niyang may lupus.

"Boss, bawal po matulog dito," paalala ng tumapik sa kanya. Napalingon si Boyet at nakita ang isang lalaki na may nakasabit na ID sa leeg. Junior ang nakasaad sa ID at isa siya sa  caretaker at maintenance crew ng simbahan.

"Sorry, boss. Nakatulog lang sa sobrang pagod." Agad na tumayo si Boyet, nagpagpag, at nagtungo sa CR sa para umihi.

Lumiliwanag na sa labas pero hindi pa lubos na sumisikat ang araw. Pupungas-pungas siyang sumakay ng kanyang motor.

Mamamasada siya sa Makati. Sakto, dahil uwian na ng mga pang graveyard shift na call center agents. Hindi na niya muna susunduin ang mga regular customers niya.

Sa daan, nakita niya ang tindi ng pinsala na iniwan ng sunog sa mga establisyemento at tindahan sa tapat ng simbahan. Iisa na lang ang naiwang trak ng bumbero sa site na kasalukuyang binobomba ng tubig ang naglalagablab pa ring mga istante ng mantika at de-lata sa loob ng natupok na grocery. Ang may-ari nito, naglulupasay sa isang tabi, marahil hindi makapaniwala sa trahedyang dumalaw sa kanyang negosyo. Sa kanyang likuran, ang asawang lalaki na hinahaplos-haplos ang kanyang likuran at pilit siyang inaalo.

The Scent Of Madness (COMPLETE)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon