Chapter 8

218 10 0
                                    

Nagsimula ng umambon kaya naisipan na ni Boyet na magpa-tila sa loob ng 24 hour tapsihan sa Rivera Street. Doon, umorder siya ng kape at hotsilog. 'Di siya maka-order ng porksilog o ng tapsilog dahil papaubos na ang gas ng kanyang motor at kailangan niyang magtipid. Sa Marso na ang simula ng enrollment at pi-pitong libo pa lang ipon niya.

"Miss, may free wifi ba kayo dito?" Nakangiting tanong ni Mark sa kusinerang nag-abot sa kanya ng inorder na pagkain na siya ring kahera ng tapsihan.

"Ay, kuya wala kaming ganyan dito. 'Di naman kami big time restaurant. Try mo du'n sa iba baka meron." Nakangiti rin si ate nang tumugon.

Sige na nga, turn on ko na data ko.

Habang ngumunguya panay ang scroll niya sa kanyang facebook account. Dati, babad siya sa social media. Panay post niya ng mga mamahaling kinakain niya kasama ang mga ka-office mate niya. Madalas, ang mga photo niya sa Starbucks ang ibinabalandra niya. Parang gusto niyang sabihin sa mundo na "can afford" na siya. Na umaangat na siya sa lusak ng kahirapan. Pero naudlot ang lahat simula noong matanggal siya sa dating call center dahil sa tabachoy niyang TL.

Ni hindi man lang siya pinagtanggol nito noong nagkaroon ng hearing sa pagitan niya, ng management at ng HR. Oo, kasalanan niya dahil hindi kaagad siya nakapagpaalam noon na liliban siya sa trabaho, pero sapat na ba talagang dahilan iyon para masisante siya? Hindi siya nakapag text dahil tina-trangkaso siya noong mga sandaling iyon at wala siyang ginawa maghapon kung 'di ang matulog nang matulog. Epekto ng sakit at ng gamot na ininom niya. Kinabakusan, binulaga na lang siya ng text ng Team Leader niya na nagsasabing kailangan niyang pumunta sa HR para marinig ang panig niya.

Anong panig? Bakit kailangan niyang makipagkita sa HR? Ito ang mga tanong na sumirko-sirko sa isip niya. Nang makarating siya doon bago magsimula ang shift, ipinaliwanag sa kanya ang kanyang "atraso" kuno. Na bawal na bawal umabsent sa araw na iyon dahil iyon ay critical working day. Bumabaha ng calls galing ng US at lahat ng agents ay required pumasok. Lahat ng mga leave ng mga emplayado, kanselado.

"Ma'am pa'no kung magpasa po ako ng medical certificate? Will that be okay po ba?"

"Puwede, pero nasaan? You should have brought it with you and presented it to your Team Leader immediately  before coming here," mahinahon pero diretsong sagot sa kanya ni Miss Abegail Bornales, assistant HR head ng company.

Ang totoo, pinaldahan naman siya ng text reminder ng TL Mark niya na kailangan niyang magbigay ng medical certificate galing sa affiliated hospital or clinic ng company nila na nagsasabing "fit to work" na siya at puwede nang makabalik sa trabaho. Pero hindi rin naman ganoon ka-inosente si Boyet para hindi malaman na ang pagpapasa ng medical certificate ay paraan din ng mga kumpanya para malaman kung sino sa kanilang mga empleyado ang totoong may sakit o nagsasakit-sakitan lang.

Sa kaso ni Boyet, totoong may sakit naman talaga siya. Pero imbes na dumaan sa clinic para makahingi ng med cert, mas pinili na lang niyang matulog. Masama pa rin kasi pakiramdam niya noong umaga.

"Ma'am, hindi po ba puwedeng ma-extend yung pagpasa ng med cert? Kailangan po ba talaga within 24 hours after being notified?" hirit ni Boyet kahit ramdam naman niyang hindi siya mananalo.

"I'm sorry but it was explained to all of you during the first day orientation na ganyan ang proseso dito sa company, 'di ba? It was even included in the company rule book na binigay sa inyo before the orientation ended." Natameme si Boyet. Hindi na niya alam ang isasagot.

Bago siya umuwi pagkatapos ng nakaka-stress na shift dumaan ulit siya ng HR office at doon na naganap ang hearing. Nagdesisyon na ang kumpanya at ang hatol, kailangan na nilang magpaalam sa kanya.

Ang sabi sa kanya ng mga dati niyang workmates na beterano na sa ganitong kalakaran, dapat daw sana kasama niya ang TL nila during the whole process, para man lang daw sana ipagtanggol siya sa management.

Natawa na lang si Boyet sa tinuran ng kasama. Sa loob-loob ni Boyet, ang kaya lang naman depensahan ng ugok na 'yun ay yung mga tropa niya sa team na lagi niyang kasabay mag-yosi tuwing break at 'yung mga pinopormahan niyang newbies. Sila lang kasi ang may halaga sa kanya. The rest, palamuti, mga kasangkapan.

Kaya heto siya ngayon, hanggang scroll-up, scroll down na lang habang dinadaanan sa wall niya ang mga litrato at post ng mga dati niyang ka-trabaho sa call center. Ang iba, na-promote na sa mas mataas na posisyon. Ang iba nalipat na sa ibang department na petiks lang ang ginagawa pero may mas mataas na sahod. Hindi na taga-sagot ng tawag ng mga asungot na customer.

Lumipas pa ang ilang minuto at nagsimula nang mabagot si Boyet sa kaka-tingin sa masasaya at asensadong larawan ng kanyang mga kaibigan. Magla-log out na sana siya nang makita niya ang news clip mula sa news page ng isang sikat na news program.

MALL SHOOT OUT. TATLO ANG PATAY.

Iyan ang nakasaad sa chyron sa pinaka-ibaba ng screen habang ipinapakita sa video ang imahe ng mga nagtatakbuhang tao na umiiyak, nagsisigawan, nagtutulakan palabas ng mall. Habang nag-uulat sa background ang reporter, napalitan naman ang imahe sa video ng mga pulis na may hawak na mahahabang baril. 'Yung isa tila sumesenyas sa mga kasamahang nasa likod niya kung kailan at sino ang unang susugod sa loob.

Takte! Wala pang dalawang oras ang lumilipas laman na ng mga headline ang barilan kanina.

Sa pinakahuling bahagi ng balita, nahagip ng canera si Mark.. Naka-puting long sleeve pa rin gaya ng suot niya kaninang umaga. Gulo-gulo na ang buhok at bahagyang nakalihis pakanan ang suot nitong pantalon.

Speaking of the devil! Anong ginagawa niya sa loob ng mall?

Kumulo ang dugo ni Boyet. Sa lahat ba naman ng puwedeng niyang makita bakit ang pagmumukha pa ng TL niya? Para talagang nananadya ang tadhana.

Oorder pa sana siya ng isa pang tasa ng kape. Pampagising dahil balak pa niyang bumalik ng Makati area para maghanap ng pasahero. Kaso, onse pesos na lang laman ng bulsa niya. Hindi sasapat para sa kinse pesos na presyo ng kada tasa. Gusto na niyang umuwi pero kailangang kumayod lalo't nabulilyaso ang isa pa niyang "raket" kanina.

At sumapit ang alas diyes 'y medya ng gabi. Humayo na si Boyet. Sa tabi ng pintuan ng tapsihan, paglabas, may nakita siyang isang paso na may nakatanim na bulaklak ng Green Crescent Paradise. Pumitas siya ng isa at sininghot ang banayad pero napakabangong halimuyak nito. Agad siyang napakalma.

Napangiti si Boyet. Pakiramdam niya para siyang sasakyan na nakargahan ng gasolina. Sumambit muna siya ng dasal na sana protektahan siya ng Maykapal sa trabaho niya kahit alam niyang hindi naman siya pakikinggan ng Diyos.

Ni hindi nga siya tinulungan nito noong matanggal siya sa trabaho. Pero ayos lang kay Boyet 'yun. Ganu'n talaga. Baka may favoritism din ang Diyos. Namimili lang siya kung sino ang pakikinggan at tutulungan at ang kagaya niyang holdaper, malabo sigurong mapagbigyan.

Pinaharurot ni Boyet ang motor. Iikot-ikot muna siya sa may Buendia, Makati Avenue at Ayala gaya ng dati. Gaya ng ilang buwan na niyang ginagawa.

Pero wala sa hinagap niya na ang araw na iyon ay hindi na gaya ng dati. Malayo ito sa kanyang nakasanayan.


















The Scent Of Madness (COMPLETE)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon