Chapter 18

181 11 2
                                    

Maigi na lamang at maliwanag ang tanglaw na binibigay ng buwan kaya nakikita kahit papaano nila AC at ni Aling Esmie ang kalye na nilalakaran nila. May mga bahagi kasi ng kalye na kung hindi patay, kukurap-kurap ang ilaw sa mga poste na animo'y para silang nasa loob ng isang night bar.

"Bakit parang sobrang tahimik naman yata ng paligid?," ani AC sa ina. Tama lang ang lakad nila. Hindi masyadong mabilis at hindi rin mabagal. Sapat para makalayo kay Mang Berto at para hindi rin hingalin ang ina.

Hindi siya sinagot ni Aling Esmie dahil pilit nitong itinatago ang kanyang pag-iyak. Inaalala kasi niya ang nasusunog nilang bahay at ang mga alaalang kasamang natupok sa apoy. Alam naman ni AC iyon kaya nga't pilit din niyang inililihis ang isip nito sa nangyari.

Pero sa oras na maihatid niya ang ina sa kanyang Tito Meng, agad din siyang didiretso sa pulis para isuplong ang si Mang Berto. Maigi na lamang at na-i-record niya sa cellphone ang mga pangyayari simula noong sugurin sila nito sa kanilang bahay hanggang sa sunugin niya ito.

Lintik lang ang walang ganti!

"Ma, bilisan pa natin nang kaunti ang lakad, para mapa-charge ko na rin 'tong phone ko kina Tito Meng at makontak ko si kuya," may kasamang pag-aalala na ang boses ni AC. Paano ba naman kasi may naririnig siyang mga boses ng mga kalalakihan na nagsisigawan sa 'di kalayuan. Parang naghahamunan. Parang nag-aaway.

Sa may kaliwa niya naman, sa may Velasco street, itinuro ni Aling Esmie ang tila isang bola ng liwanag. Sa mas malilinaw ang mata katulad ni AC, bahay pala iyon na kasalukuyan ring nasusunog. Sa labas nito, may mag-asawa na panay ang palahaw habang hinaharangan ng dalawang bumbero na bumalik at pumasok muli sa loob. Sa paligid nila, nagkandarapa ang mga tao sa paglilikas ng kani-kanilang mga ari-arian.

Habang minamasdan ni AC ang lahat ng iyon, may kung anong hindi maipaliwanag na kilabot ang unti-unting gumapang sa kanyang katawan. Una sa kanyang mga binti, umakyat sa kanyang hita, naglakbay ito sa kanyang likod at nanahan sa kanyang batok. May kakaiba sa ihip ng hangin. Mabango ito pero tila may lagim na kasamang nakadikit.

"Ma, kaya mo pa ba? Dito tayo dumaan sa wala masyadong mga tao." Kabisado ni AC ang pasikot-sikot sa kanilang lugar.

"Oo, ayos lang ako. May tubig ka ba d'yan? Nauuhaw na kasi ako," hinagod-hagod ni Aling Esmie ang lalamunan.

Napapikit si AC at halos matampal na niya ang sarili sa inis. Sa sobrang taranta nila kanina, nakalimutan niyang magbaon ng kahit isang bote man lang ng mineral water. May diabetes ang nanay niya at dahil doon madalas din itong mauhaw at umihi.

"Ah, sige Ma. Bili na lang tayo d'yan sa convenience store. May singkwenta pa ako dito sa bulsa."

Pagdating doon, naabutan nilang hinihila na pababa ng bantay ang rolling shutters ng tindahan. Tanda na magsasara na ito. Nagtaka si AC kung bakit dahil sa tanang buhay niya, lumindol man o bumagyo, ni minsan, hindi niya nakitang nagsara ito.

"Kuya, sandali! Sandali lang po!" Napatakbo na si AC para awatin ang bantay. Muntik pa siyang matapilok.

Tumigil ang bantay. Suot na lang nito ang puting t-shirt na pang-ilalim at ang asul na slack pants na bahagi ng kanyang uniporme. Halata ang pagod sa kanyang mukha.

"Ah, miss magsasara na kasi kami."

"Bakit? Kailan pa kayo nagsara?" Nagising ang bahagi ni AC na may pagka-tsismosa.

"'Di ko rin alam eh. Nag-text na lang bigla 'yung manager ko. Sabi isara ko raw 'tong store at umuwi na lang muna sa 'min. Mag-lock daw ako ng pinto ko pagdating sa bahay. Weird nga, eh." Nakangising sabi ng bantay.

Hindi kumbinsido si AC sa sagot pero pinalagpas na lang niya. Kailangan na nilang mag-ina makarating sa kanilang pupuntahan. "Ah, ganu'n ba? Pero, kuya wait lang. Kung puwede sana bago ka magsara, pabili muna ako ng kahit isang bote ng mineral water para sa Mama ko. Uhaw na uhaw na kasi siya. Eh, may diabetes kasi kaya madaling mauhaw. Please, kuya. Keep the change!" Hinugot ni AC ang singkwenta pesos sa bulsa at saka iyon na isinuksok sa nakatikom na palad ng bantay.

Bakas ang pag-aalinlangan sa mukha ng bantay. Nagpalipat-lipat muna siya ng tingin mula kay AC at sa ina nito. Hindi sigurado kung pagbibilhan ba ang mga ito lalo't nagmamadali na rin siya. Pero nahabag siya sa itsura ni Aling Esmie dahil mukhang isang alikabok na lang yata ang kailangang dumapo dito at siguradong tutumba na ito.

"Sige na nga. Pero bilisan niyo, ha. Baka kasi mahirapan na akong makahanap ng masasakyan." Bahagyang itinaas ng bantay ang rolling shutters at pinapasok niya ang mag-nanay sa loob.

+-+-+-+-+-

Dumiretso na agad si AC sa may freezer area. Pero pinaupo niya muna ang ina sa sulok dahil mukhang nanghihina na talaga ito. Pumitas din siya ng isang supot ng candy sa istante at kumuha siya ng isa sa loob ng pakete. Kailangan nitong kumain ng matamis. Bumababa na kasi siguro ang sugar level ng nanay niya.

"Ma, candy. Kainin mo muna," tinanggal ni AC ang plastic na nakabalot dito at saka isinubo iyon sa ina. Pagkatapos, sinunod niyang painumin ito ng tubig.

"Teka. May candy pa ako sa bibig. Isa-isa lang muna. Baka mabilaukan ako n'yan," awat ni Aling Esmie sa anak nang paiinumin na sana siya nito ng mineral water.

"Eh, Ma, kailangan na natin magmadali. Madaling araw na kasi. Pareho pa naman tayong babae. Sana kung kasama lang natin sa kuya."

"Ay, sus! 'Wag kang mag-alala kasama mo ako. Hindi tayo aanuhin ng mga 'yan. Baka pitpitin ko mga itlog nila." May halong yabang ang tinuran ni Aling Esmie dahil kilala siya sa lugar. Dati kasing naging barangay captain ang ama niya doon kaya halos kilala niya rin ang mga tao sa area nila. Ang kasalukuyan namang barangay captain ay matalik din na kaibigan ng yumao niyang ama na lolo ni AC at Mark.

"Matagal pa ba kayo d'yan?" Naiinip na tanong ng bantay. "Baka kasi wala na 'ko masakyan mamaya."

Inalalayan na ni AC na tumayo ang ina. "Halika na, Ma. Magsasara na si kuya."

Sakto namang napatingin siya sa kanan niya. Hindi niya alam kung anong magnet ang humila sa kanya para bumaling sa direksyon na iyon, pero kung ano man iyon, malaki ang pasasalamat niya rito.

Sa kabilang bahagi kasi ng salaming dingding ng convenience store, nakita ni AC ang paparating na si Mang Berto.

Pa'no niya kami nasundan?

Napakunot ang noo ni AC at kasabay nu'n ang malakas na pagtambol ng kanyang dibdib. Binulungan niya si Aling Esmie. "Ma, doon muna tayo sa likod, sa may storage area. Nasa labas si Mang Berto. May dala-dalang itak."






The Scent Of Madness (COMPLETE)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon