Chapter 20

158 7 0
                                    

"Ma, dito ka lang. 'Wag kang mag-iingay. Nakita ko si Mang Berto na dumaan sa labas. Magtago na lang muna tayo dito. Ako du'n sa mga karton. Ikaw, dito." Pinaupo ni AC ang ina sa likod ng mga magkakapatong na tray ng doughnut. Sumunod na lang si Aling Esmie sa utos ng anak. Ramdam din kasi niya ang itinatagong takot at taranta nito.

Lumipas ang ilang sandali. Walang naririnig na kakaiba si Aling Esmie at AC sa loob ng storage area maliban na lang sa nakaririndi at nakaka-hypnotize na ugong ng mga makina ng freezer at aircon. Muntik na nga makatulog si AC kung hindi lang niya naulinigan ang mga boses na nag-uusap sa labas.

"Eh, sir sarado na nga po kami. Bukas na lang po kayo bumalik," boses iyon ng bantay. May halong inis.

"Gago ka! Tagilid ka rin! Sabing titingnan ko lang 'yung nasa loob!" sigaw ni Mang Berto. Ang pag-uusap biglang naging komosyon. Tagos hanggang storage room ang mga impit na ungol ng isa sa mga nag-uusap na boses at pagkalampag ng rolling shutters. Sa isang iglap, nagsisisigaw ang bantay. Umiiyak ang boses nito.

"Tulong! Saklolo! Tinataga ako! Saklolo!" Marami pang mga kalampagan at mga nakangingilong mga tunog na pawang maririnig mo lang sa mga palengke sa tuwing inuundayan ng taga ng tindera ang bahagi ng isang karne na kanyang binebenta.

Tumahimik ang paligid. Rumolyo pataas ang rolling shutters. May hanging pumasok sa loob ng convenience store. Bitbit nito ang lansa ng dugo galing sa kapapatay pa lamang na bantay. Naamoy iyon ni AC at Aling Esmie at lalo silang nangatog sa takot. Inilapat ni AC ang hintuturo sa labi, sinasabi sa ina huwag siyang gagawa ng kahit na anong ingay.

"Nandito kayo! Tatapyasin ko mga katawan niyo para tumuwid kayo!" Mula sa siwang ng pinto ng storage room, tanaw ni AC si Mang Berto na palakad-lakad. Pulang pula ang mukha nito, gawa ng nagtalsikang dugo sa kanya. Ang mga ugat nito sa noo at leeg, naka-alsa na tila malapit nang pumutok. Ang mga mata ay dilat na dilat at nanlilisik.

*Anong demonyo kaya ang sumanib kay Mang Berto?*

Lumapit sa may frozen section si Mang Berto. Sinisilip niya isa-isa ang laman ng bawat refrigerator. Sinisipat maigi kung naroon sa pinakalikod nito sina AC at Aling Esmie.

"Nararamdaman ko na nandito lang kayo. Tatapyasin ko kayo 'pag nahanap ko kayo." Natatakam ito. Parang  nasasabik ang boses. Papalapit na ito sa kung nasaan ang mag-nanay.

Nagpawis ang mga palad ni AC. Kailangan niyang makahanap ng paraan. Hindi puwedeng dito magtapos ang lahat. Napatingin siya sa Mama niya na nakapikit at nakatalungko sa likod ng mga tray. Hindi niya alam kung nakatulog na ito o nagdarasal. Naisip niya na kahit ang nanay na lang niya ang makaligtas kung sakali. Hiling ni AC na makapag-celebrate pa ito ng kanyang ika-80th birthday.

Kakaunting liwanag lang galing sa main area ang pumapasok sa storage room sa pamamagitan ng siwang ng pinto kaya hirap siyang maaninag kung ano-anong mga bagay ang nasa paligid ang puwede niyang gawing sandata. Mga tore ng pinagpatong-patong na kahon, mga push cart at sako-sako ng mga chichirya at abubot. Wala man lang mahabang kahoy o bakal na puwede niya sanang ipanghataw sa ulo ni Mang Berto.

Pa'no to?

Sa saglit na kahinaan, doon niya natagpuan ang tulong na inaasahan. Noon kasing napaatras siya, natabig niya ang poste ng magkakapatong na kahon sa kanyang likuran. Muntik na sana itong gumuho para daganan siya kung hindi niya lang ito naagapan. Napansin ni AC ang nakasulat sa gilid nito. "Beware. Contains harmful chemical. Handle with care" at sa ibaba ng mga katagang ito nakapaskil sa malalaki at itim na letra ang: "MURIATIC ACID".

+-+-+-+-+-

Naglalagablab sa init ang pakiramdam ni Mang Berto noong mga sandaling iyon. Init na pansamantalang napapawi sa tuwing nakakapanakit o nakapapatay siya ng isang tao. Alam niya ang ginagawa niya pero hindi niya kontrolado ang dikta ng kanyang katawan. Para bang may ibang kumu-kontrol sa pinaka sentro nito kaya't ang tingin niya sa mga bagay- bagay ay nakatagilid o nakalihis at kinakati siyang putulin, sibakin, sirain at tapyasin ang mga ito.

Gaya na lamang ng bahay nila AC na sinunog niya o ang bantay ng convenience store kani-kanina lang.

Ang pinakahuling alaala niya ng mundo kung saan maayos at tahimik pa ang lahat ay kahapon pa, mga bandang alas singko ng hapon habang dinidiligan niya ang mga alagang green crescent paradise.

Nakita niyang nagpakawala pa ito ng manipis na tila usok ng pulbo na kulay dilaw, bago niya ito nasinghot at bumaliktad ang lahat pagkatapos.

At heto na siya ngayon. Naigagalaw ang katawan pero hindi niya kontrolado. Nakapag iisip pero walang malay. Nakakakita pero tagilid o nakalihis ang tingin sa paligid.

Hinahanap niya ngayon si AC at ang nanay nito. Kanina, habang minamasdan niyang maging abo ang bahay ng mga ito, nag-aabang siya, nagbabakasakali, na baka lumabas si Erning, ang ama ng tahanan, dati niyang kaibigan na naging mortal na kaaway, pero nabigo siya at saka lang niya naalala na matagal na pala itong patay. Kaya ang mag-inang AC ang kanyang pinagbalingan. Para bang ang lahat ng himutok at galit nito sa ama ay naisalin sa mag-ina kaya't gusto niya itong pagtatagpasin kahit lumalaban ang kanyang puso dahil sa kaibuturan nito, alam niyang hindi niya magagawang pumatay ng tao. Subalit matindi na ang kapit ng mga pollen sa kanyang sistema. Naikalat na nito ang kemikal sa buong katawan ni Mang Berto at hawak na nito ang kanyang pag-iisip.

Nasuyod na ni Mang Berto ang bawat sulok ng convenience store at palabas na sana siya dito nang mapansin niya ang bilog na convex mirror na nakasabit sa gilid na kisame. Salamin na kayang makita ang kabuuhan ng tindahan para madaling ma-monitor ng mga bantay nito ang sinumang nagtatangkang mangupit ng kanilang paninda.

Sa bandang gitnang itaas ng convex mirror, napansin ni Mang Berto na  bahagyang nakabukas ang pinto ng storage room. Nagtaasan ang mga balahibo niya sa braso pero hindi dahil sa kilabot kung hindi dahil sa kilig. Pananabik. Sinasabi kasi ng katawan niya na, Dito! Dito! Nagtatago ang mga hinahanap mo!

Tinungo niya ang storage room at sa bawat hakbang niya, nag-iiwan siya ng patak ng mga dugo galing sa dulo ng dala-dala niyang. itak. Lalo niyang hinigpitan ang paghawak dito.

Marahan niyang itinulak ang pinto ng storage room at pumasok ang liwanag dito galing sa main area. Tahimik at mukhang walang tao. Pero hindi maaring magkamali ang katawan niya. Nandito sila.

"Lumabas na kayo. Wala na kayong matatakbuhan," mahinahong ika ni Mang Berto. Isa-isa niyang hinahawi at tinutusok-tusok sa pamamagitan ng itak, ang mga kahon, bagay o sakong magkakapatong. Nagbabakasakali na sa likod ng mga ito nakakubli ang mag ina pero wala sila.

"Hoy! Nandito kami!" boses iyon ni AC. Agad napalingon si Mang Berto sa nakapamewang na dalaga. "Dali! Halika rito panot! May sasabihin ako sa'yo!"

Wala ng patumpik-tumpik pa, sinugod ni Mang Berto si AC. Sumisigaw ito habang iwinawagayway ang itak sa ere na parang bandila. Hindi naman natinag ang dalaga. Nanatili itong nakapako kung saan siya nakatayo.

Kailangang sakto! Please.. please.. sige lumapit ka pa.

Pagsusumamo ni AC at nang dalawang metro na lang ang layo sa kanya ni Mang Berto, saka niya isinaboy sa pagmumukha nito ang muriatic acid na kanina pa niya itinatago sa kanyang likuran.

Unang dumampi ang kemikal sa mga mata ni Mang Berto bago ito kumalat pa sa kanyang mukha at dibdib. Nagsisisigaw siya sa hapdi. Nabitawan niya ang tangang itak at napaluhod siya habang pinupunasan ng mga kamay ang kanyang mukha sa pag-aakalang maaalis nito ang asido. Sa halip, lalo lang itong kumalat papunta sa kanyang leeg at anit. Nangibabaw ang amoy ng nalalapnos na balat sa hangin. "Mga hayop kayo! Tatagpasin ko kayo! Ahhhhh!"

Agad naman tinungo ni AC ang ina. "Ma, alis na tayo. Bilis!" Kulang na lang pasanin ni AC si Aling Esmie sa sobrang pagmamadali. Iniwan nilang umiiyak at naghuhumiyaw si Mang Berto sa sahig.
















The Scent Of Madness (COMPLETE)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon