Chapter 24
"Humihinga pa siya," ika ni Aling Esmie. Ipinatong nito ang kamay sa ibabaw ng dibdib ng kapatid at nakita ni AC na umangat ito at saka bumaba. Nang inalis ni Aling Esmie ang kamay, nabasa agad iyon ng dugo na dumaloy sa t-shirt ni Meng galing sa sugat niya sa likod ng ulo.
"Isugod natin siya sa ospital. Humingi tayo ng tulong. Dali!" Nataranta ang nanay ni AC. Marahil ngayon lang natanto ang seryosong lagay nito.
"Hu..wag na. A--a--yos lang ako. Wala 'to.. Kaya ko naman.. Aray!" Napangiwi sa sakit si Meng nang hawakan niya ang kanyang balikat. Una kasing tumama iyon sa poste ng ilaw noong natumba siya.
Bagama't naaawa sa itsura ng kanyang Tiyo, hindi rin maiwasan ni AC na sisisihin ito sa nangyari. Baka kasi lango na naman sa alak kaya ganyan ang sinapit. Mula pagkabata niya, ilang aksidente na ang naranasan at nalampasan ng Tito Meng niya dala ng sobrang kalasingan. Pinakamalala ay noong dalawang taon na ang nakalilipas nang maaksidente siya sa highway habang minamaneho ang tricycle.
Nagsimulang malulong sa alak ang Tito Meng niya noong hiniwalayan siya ng dati niyang kinakasama na si Twinkle dala ang tatlo nilang anak. Hanggang ngayon walang nakakaalam kung nasaan na ang mga ito.
"Letsugas ka, Meng! Amoy na amoy ko 'yang hininga mo! 'Wag ka ng mag-deny d'yan. Nag-iinom ka na naman kaya ka natumba. Tumama ulo mo sa semento," hinampas ni Aling Esmie ang nakababatang kapatid sa balikat. Malakas pero puno iyon ng lungkot at pag-aalala.
Hindi naman maiwasan ni Aling Esmie na sisihin ang sarili kung bakit napariwara ang buhay ng kapatid niya. Bilang ate, siya sana ang gumabay sa kanya noong mga oras na nag-iisa ito at walang makasama. Walang makapitan. Nasa malayo rin kasi si Esmie noong mga panahong iyon at may sariling unos din na pinagdadaanan.
"Oo, nakainom ako pero hindi ako lasing, ha!" Depensa ni Meng sa sarili. Binugahan niya ng hangin sa mukha ang nakatatandang kapatid. "O, ayan amuyin mo pa."
Gamit ang kamay, nagpaypay kunwari si Aling Esmie ng kanyang mukha. Nabahuan siya sa amoy ng pinagsamang panis na laway at asim ng alak galing sa bibig ni Meng. "Ano ba itigil mo nga 'yan! Bakit ka nandyan nakasalampak? Anong nangyari sa'yo at ang dami mong dugo?"
Kahit nananakit ang likod at mahapdi ang sugat sa ulo, pinilit ni Meng na iangat ang sarili sa pagkakasandal. "Kanina kasi may mga nagsisigawan sa labas. Hindi .. " muli siyang napangiwi. "Hindi ko alam kung bakit. Naki-usyoso lang naman ako kasi ang ingay-ingay nila. Ang daming tao dito kanina akala mo new year. Eh, ayun paglabas ko 'di ko alam na nagpapatayan na sila dito. Nagbabatuhan ng kung ano-ano. May naghahabulan tapos suntukan. Babalik na sana ako sa loob ng bahay tapos biglang may tumamang matigas na bagay sa ulo ko. Nahilo ako kaya ako natumba. Hindi ko na alam ang nangyari pagkatapos."
Wala na ang mga taong sinasabi ni Tito Meng niya dahil tahimik na uli ang kalye nila. Sa malayo, dinig pa rin niya ang mga maiingay na sirena ng mga bumbero't ambulansya.
Inalalayan ni AC ang Tito at saka sila bumalik sa loob ng bahay nito. Pagkapasok sa loob, patago pang iniligpit ni Meng ang mga basyong bote ng Red Horse sa lamesa at platito ng mani.
"Wag ka ng umarte. Nakita na namin," saad ni Aling Esmie. Napangiting-aso si Meng.
"Tito, pa-charge lang ah. Pahiram na rin charger" Dinukot ni AC ang cellphone sa bulsa at saka nakipag hide and seek siya sa charger ng kanyang Tito. Ilang minuto rin ang lumipas bago niya nakita itong nagkukubli sa ilalim ng mga nakakalat na dahon ng saging na pinambalot sa inihaw na manok na pinulutan ng kanyang Tito.
"Si Mark, nasa Cebu na ba? 'Di ba sabi niya sa 'kin susundan niya ang anak niya du'n." Patuloy sa pagliligpit ng mga kalat si Meng. Mas inuna niya pa ito kaysa magpalit ng damit na basang-basa na ng dugo. Nahihiya kasi siya sa ate at pamangkin na nadatnang ganito kagulo ang bahay at buhay niya.
"Hindi na muna siya natuloy kasi nawalan daw siya ng trabaho kaya kailangan niyang maghanap ng panibago...Meng... Ano kasi..." Naudlot ang sasabihin ni Aling Esmie. Sumingit kasi ng sabat si Meng.
"Ano, nawalan ng trabaho? Bakit? E, di ba isa na siya sa mga may ranking sa kumpanya nila. Sayang naman."
"Sabi sa 'kin ng kasamahan niya, nag-away daw sila ng boss niya...eh Meng, ano kasi.. maiba lang. May hihilingin sana ako.. kami pala.. sa'yo." Tumigil sa paglilinis si Meng dahil nabatid niya ang seryosong tono ng kapatid.
"Ano 'yun?"
"Kung puwede, dito muna kami. Ano kasi, wala na kaming bahay. Nasunog na kanina," sinusubukang maging kaswal ni Aling Esmie pero parang may nakabara sa lalamunan niya at gusto niyang maiyak.
Nabitawan ni Meng ang mga kutsara't tinidor at sabay-sabay iyong nagkalansingan sa sahig. "Ha? Bakit? Anong... Bakit nasunog? Tapos, dito kayo dumiretso imbes na sa bumbero?"
"Eh kasi Tito, mahabang kuwento. Naalala mo 'yung kaaway ni Papa dati pa, si Mang Berto," si AC na ang sumagot at kinuwento na niya mula umpisa ang mga naganap sa kanilang mag-ina noong nakalipas na labindalawang oras.
BINABASA MO ANG
The Scent Of Madness (COMPLETE)
HorrorIsang maaliwalas na umaga, nakasakay si Mark sa isang bus patungo sa bagong kumpanyang kanyang aaplayan. Walang kamuwang-muwang na sa araw na iyon ay susuungin niya ang isang delubyo na sanhi ng isang uri ng bulaklak. Habang si Boyet naman sinusubuk...