Chapter 36
Sinubukan ni AC iligaw si Mang Berto. Akala niya noong una nagtagumpay siya dahil sa isang maiksing sandali, bigla itong nawala. Parang hinigop ng manhole. Naglululundag pa si AC sa tuwa hanggang sa nakita niyang matalim itong nakatitig sa kanya sa 'di kalayuan. Hindi niya ito agad napansin dahil sa kapal ng pollen sa hangin at sa dagsa ng mga taong bigla na lang nagsipagsulputan.
Umuusok ang ilong ni Mang Berto sa galit. "Humanda kayo sa 'kin. Papatayin ko kayong lahat ng nakatabingi! Tabi!"
Itunulak ni Mang Berto ang isang matandang babae na dumadaan lang. Napasubasob ito.
Takbo ulit si AC sa kahit saang direksyon na puwedeng daanan. Sinasalubong siya ng iba't ibang mga tao: may nagsasaksakan, may mga nagtatagaan, may mga nagsusuntukan, may isang babae na kinakaladkad habang may mga paslit na umiiyak sa tabi.
Tila nabura na ang batas at kaayusan sa Pilipinas.
Naaawa si AC sa mga batang kanyang nakikita. Ang iba, nasupsop pa sa tsupon habang pinanonood ang mga magulang nilang nagbubuntalan sa kanilang harapan. Pero walang magawa si AC. Makasarili na kung makasarili, pero kailangan niyang mabuhay. Gusto pa niyang makapiling ang ina.
Umihip pa ang hangin at lalo pang dumilaw ang hangin dahil sa mga mumunting pollen. Nagkandapuwing-puwing na si AC dahil sinasalubong niya ang kumpas ng mga ito. Ngunit hindi siya hihinto lalo na't dama niya ang paglapit pa ni Mang Berto.
Kaya lang talagang may lahing aso yata 'to si Mang Berto. Kahit saan siya lumusot at magpaikot-ikot lagi siyang nasusundan nito. Dahil ba sa amoy niya? Baka naman dahil kabisado niya ang lugar na 'to?
Lawit na dila niya kaya naisipan na lang niyang bumalik na sa bahay ng Tito Meng niya at doon magtago. Bahala na.
"Tito, pakibukas! Bilis!" Tinatadyak-tadyakan na ni AC ang pinto at baka abutan pa siya ni Mang Berto sa labas.
Pupungas-pungas naman siyang pinagbuksan ng kanyang Tiyo. "Ano ba't, sisirain mo ba ang pinto ko?"
"Si Mang Berto," lumunok muna ng laway si AC at saka nagpatuloy. "Si Mang Berto nasundan ako. I-lock nang maigi 'tong bahay."
"Paanong nangyari?" Tanong ni Aling Esmie na kahit nanghihina ay bahagyang napabaling sa kanyang tumba-tumba.
"Hindi ko alam, Ma. Hindi ko na alam ang nangyayari. Kanina rin sa labas..." parang may bumara sa lalamunan ni AC at gusto niyang maiyak. "Basta delikado sa labas, Ma. Dito lang tayo sa loob. Hintayin natin umuwi sa kuya at pagkatapos doon tayo gumawa ng desisyon."
"Teka, 'yung Berto ba na sinasabi mo eh 'yung laging kaaway ng Papa mo dati?" Sabat ni Tito Meng. "Eh kung siya nga, tarantado pala talaga siya. Matagal na 'yang salot sa lugar niyo. Ilang beses na nga 'yang nakulong. Nakita ko nga dinampot 'yan ng barangay minsan."
"Sinunog nga niya bahay namin kanina," sumbong ni AC.
Hindi muna nakasagot agad si Tito Meng. Kinuha niya ang muna tasang may 3-in-1 coffee at saka nilagok. "Ayan naman kasi Papa mo, masyadong mabait. Eh, kung ako 'yan matagal ko nang grinipuhan yan. Gawin niya dito 'yang mga pasiga-siga niya at..."
Sumambulat ang jalousie na bintana ni Tito Meng at dahil naka-puwesto si AC malapit rito, siya ang sumalo ng karamihan ng bubog na nagtalsikan. Gumuhit ang isang maliit na hiwa sa kanyang pisngi.
Kagyat na dinungaw ni Tito Meng kung sino man ang tarantadong namato sa bahay niya. Naaktuhan niya si Mang Berto buhat-buhat ang isang silya at akmang ibabato sana ito sa bahay niya. Natunton na sila ng kaaway.
"Oy! Oy! Hoy! Ibaba mo 'yan!" Awat ng tiyuhin ni AC.
"Akala niyo siguro hindi ko malalaman lungga niyo, no? Tatagpasin ko mga katawan niyo para maging diretso kayo." Kaswal lang na sinabi iyon ni Mang Berto at saka niya initsa ang silya sa isa pang bintana. Nagkabasag-basag ulit ang mga jalousie.
"Aba't tarantado talaga 'to ha..." Nanakbo si Tito Meng sa kusina. Binuksan ang isang drawer at kinuha ang kutsilyong nakatago roon. "Ngayon tayo magkasubukan!"
"Tito, 'wag na!" Awat ni AC.
"Meng, 'wag mo na lang patulan. Mapapahamak ka lang," dagdag pa ni Aling Esmie.
Pero nanaig ang init ng ulo ni Tito Meng. Siga rin daw kasi siya sa barangay niya at nakakahiya naman kung papasindak siya sa gurang na botsog gaya ni Mang Berto. Iwinasiwas ni Tito Meng ang kutsilyo na animo'y isa itong bandila sa parada. "Ano ha! Lumapit ka dito! Sige lapit!"
Humakbang naman si Mang Berto at bumato ng isang suntok at sa isang tira, kumunekta ang kamao nito sa ilong ni Tito Meng. Nabali ang buto niya roon at nag-ala fountain ito sa dami ng dugong sumirit. Walang silbi ang hawak niyang patalim.
"Lampa! Hahaha! Tingnan natin kung tumuwid 'yang pagmumukha mo sa mga suntok ko!" Mataginting ang halakhak ni Mang Berto. Dinampot niya sa kuwelyo na parang laruan ang nakabulagtang tiyo ni AC at saka pinaulanan pa ito ng sunod-sunod pang mga suntok sa mukha at leeg.
"Tama na! Bitawan mo siya!" Iyak ni AC sa may bintana. May tangan itong walis tambo. Naihampas na sana niya iyon sa bunbunan ni Mang Berto kung 'di lang siya pinigilan ni Aling Esmie.
"Hindi mo ba narinig ang kapatid ko? Sinabi niyang tama na!" Napalingon si AC, Aling Esmie at Mang Berto sa boses na biglang nagsalita.
Si Mark. May hawak siyang dos por dos. Dinampot niya sa tabi ng daan habang nabiyahe pauwi sa kanila. Magsasalita pa sana si Mang Berto nang hatawin siya ni Mark sa mukha.
Bagsak ang matanda. Itinapon ni Mark ang tangang dos por dos. Wala siyang balak patayin si Mang Berto. Gusto lang niya itong mapahinto. Kaya sa halip, binigyan niya ito ng malakas na sipa sa sikmura. Namilipit sa sakit si Mang Berto.
"AC, dali! Hanapan mo ako ng panali d'yan sa loob," utos ni Mark sa kapatid.
Nagtulungan si AC at Mark na igapos ang nahihilo pero nanlalaban pa rin na si Mang Berto sa kalapit na poso ng kanilang Tito. Sinalpakan din nila ng towel ang bibig nito at saka sinelyuhan ng masking tape para hindi makapambulahaw.
"D'yan ka na lang muna," saad ni Mark sa kalaban at saka naman nila inalalayan ang Tiyuhin pauwi sa kanyang bahay para gamutin.
BINABASA MO ANG
The Scent Of Madness (COMPLETE)
HorrorIsang maaliwalas na umaga, nakasakay si Mark sa isang bus patungo sa bagong kumpanyang kanyang aaplayan. Walang kamuwang-muwang na sa araw na iyon ay susuungin niya ang isang delubyo na sanhi ng isang uri ng bulaklak. Habang si Boyet naman sinusubuk...