Parang ibang mundo ang sumalubong kina Mark at Kenzo paglabas nila ng bahay. Tahimik, wala masyadong tao at sasakyan, pero tila may kakaibang tensyon sa paligid. Sa may kanto, ilang metro lang ang layo sa bahay nila Kenzo, may natanaw si Mark na grupo ng mga sundalo. Sa lilim ng isang itinayong temporary tent, may isang sundalong may hawak na radio transciever. May minamando ito sa sino man ang kausap sa kabilang linya habang ang iba naman sa mga kasamahan niya ay may itinatayong mga barbed wire barricades sa gitna ng kalsada.
Malaya pang nakakadadaan sa kalsada ang mga kakarampot na tao sa paligid dahil kasalukuyan pa lang namang itinatayo ang harang pero halatang ilang at ingat sila sa mga kilos nila. Saka lang naalala ng magkaibigang Mark at Kenzo na baka ito na nga ang hudyat ng pagsisimula ng Martial Law.
Sarado ang naunang botika na pinuntahan nila Mark kaya naghanap pa sila ng ibang puwedeng pagbilhan. Pagkatapos ng bente singko minutong paglalakad, may nahanap din sila na bukas o parang "bukas" dahil bagaman hindi ito sarado, hindi rin naman ito nagpapapasok ng mga tao sa loob. Ang bantay nitong guwardya sa labas, panay ang hingi ng paumanhin sa mga taong inip na inip nang makabili ng kung anumang gusto nilang bilhin sa botika.
"Pasensya na po mga ma'am, sir. Hindi pa po kami open dahil may kasalukuyan pa po kaming inaayos sa loob," paliwanag ng guwardya sa mga taong nagsisimula nang uminit ang mga ulo.
"Anong hindi open? Kung hindi kayo bukas, bakit ka andyan? Sarado pala kamo, bakit ka nagbabantay ng saradong tindahan? Bakit may nakita akong mga saleslady na naglabas-masok d'yan kanina? Kami ba'y pinagloloko niyo?" Anang isang lalaki. May edad na at bundat ang tiyan.
Sunod-sunod na ang boses ng pagsang-ayon ng iba pa. Pati sina Mark at Kenzo sumang-ayon na rin.
Maya-maya, umihip ang hangin sa direksyon nila Mark at Kenzo. Tangay nito ang mga pollen na galing sa mga bulaklak ng green crescent paradise na nakatanim sa mga kalapit na establisyemento. Kumalat ang bango sa lahat ng panig at pansamantalang naging kulay mapusyaw na dilaw ang paligid dahil sa dami at kapal nito.
Napa-atsing ang babae sa likuran nila Mark nang masingot ang pollen at naging sunod-sunod ang kanyang pagbahing. Ang iba naman nagluha ang mga mata. Ang iba naman ubo nang ubo, pero marami gaya nila Mark at Kenzo, na normal lang at hindi naapektuhan ng mga ito.
May mga naglabas din ng panyo at bimpo at pansamantalang ginawa iyong mask na pantakip sa ilong.
Hanggang sa may isang lalaki sa may harap na basta na lang lumapit sa guard. Isa siya sa mga parokyanong kanina pa gustong pumasok para makabili ng gamot. May nakatabing siyang bimpo sa kanyang ilong pababa at tanging ang mga nanlilisik na mata lang nito ang nakalitaw.
"Tabingi ka! Tagilid! Kaya siguro ayaw mo kami papasukin! Ano? Magsalita ka!" Sigaw nito sa guwardya. Pinitsarahan ng lalaki ang guard na nagulat sa ginawa niya. May mga nabigla sa inasal ng lalaki pero parang mas marami ang natuwa.
"Sige! Paalisin mo na 'yan d'yan para makapasok na tayo," udyok ng isa.
"Kaya ganyan 'yan kasi tabingi yan!" Dagdag naman ng isa pa sa kaliwa ni Kenzo.
"Guard lang naman 'yan pero akala mo sino kung umasta," maktol naman ng ateng naka-puwesto malapit sa entrada.
Naging sunod-sunod na ang kantyaw at hiyaw mula sa ilang mga taong nakapalibot. Habang minamasdan ni Mark ang mga nangyayari, may kung anong umusbong na kaba sa pinakasentro ni Mark. Parang may hindi magandang mangyayari.
Heto na naman tayo.
"Sir.. sir.. puwedeng bitawan niyo po ako," pakiusap ng guwardya habang hawak-hawak ng lalaking may takip ang mukha ang kanyang kuwelyo at inaalog siya na parang alkansya.
"Hindi! Ang sabihin mo tagilid ka kaya ayaw mo kaming papasukin. Tabingi! Isa ka sa mga salot! Gusto niyo kaming mamatay!" Talsik nang talsik ang laway nito sa mukha ng gwardya habang nagsasalita.
"Hinahon lang po sana tayo! Magbubukas din po ang drugstore!" Sigaw ni Mark sa karamihan pero nalunod lang iyon ng boses ng mga galit na tao sa paligid.
Pilit na kinakalas ng gwardya ang mahigpit na kapit ng lalaking unti-unting inaakyat ang mga kamay mula sa kanyang kuwelyo papunta sa leeg. Unti-unti sumisikip ang mga iyon. Nahihirapan na siyang huminga.
"Sir, bitawan mo ako.. bitaw! Sir! Bitawan mo sabi ako!" May umalingawngaw na putok. Katunog ng isang malaking lobo na biglang sumambulat. Sa isang iglap, nakahawak na ang lalaking may takip sa mukha sa kanyang tiyan. Doon, may dugong tumatagas mula sa nabutas niyang damit at sikmura. Kagagawan ng bala mula sa baril ng guwardya. Napasandal ang lalaki sa pader at saka tumumba.
Umihip muli ang hangin at kakambal nito ang mga dilaw na pollen. Napatakip ng bibig si Mark at ang iba pa.
Dito na lalong gumulo ang sitwasyon. Sinugod ng iba pang mga customer ang guwardya. Lahat sila nagpupuyos sa galit at iisa ang isinisigaw, "Patayin! Patayin niyo 'yang tabingi na 'yan!" Dinaluhong ng mga kamay ang guwardya para hilahin siya kung saan-saan, pero nanlaban ito. Isa-isa niyang pinaputukan ang mga nagtangkang saktan siya. Nagsipagtumbahan ang mga iyon sa semento. Duguan at sabog ang bungo. Pero dahil sa rami, naubusan na siya ng bala at wala na siyang nagawa kundi ang salagin ng kanyang mga braso ang bawat suntok, kalmot, sabunot at hambalos na galing sa mga nanggagalaiting mga customer.
"P're, tulungan natin. Kawawa naman si kuya," alalang sabi ni Mark. Nilingon niya ang kasama at wala na ito sa tabi niya. Nakikipag-usap na lang pala siya sa hangin. Nauna na kasi si Kenzo sa loob ng botika kasama ang ilan pang customer na mas piniling huwag sumawsaw sa rambulan.
Pagpasok sa loob, nagkanya-kanya ng kuha ang mga tao ng kung ano ang mahawakan nila. Para silang mga hayop na nakakulong sa zoo sa mahabang panahon at ngayon lang nakalaya. Noong una, inawat pa sila ng mga nakatanod na salesman at saleslady, pero sa huli wala rin nagawa ang mga ito. Masyadong marami ang mga kawatan. Umiral na ang mob mentality at nagsimula na ang looting.
"P're, kuha ka na. 'Yung mga gamot andun sa counter sa likod. Bilisan mo at baka maubusan ka pa. Tingnan mo nagtatalunan na sila doon." Inabutan siya ni Kenzo ng basket. Natulala si Mark sa mukha Kenzo na nakangiti lang sa kanya. Kinuha ni Mark ang basket.
Anong nangyayari? Is this the same Kenzo na kakilala ko?
"Tara na! Sige, ikaw rin baka wala ka mauwi sa inyo," banta ni Kenzo kay Mark at dumampot ito ng isang buong plastic ng sliced bread sa istante at saka iyon isinilid sa tangang basket.
"Fuck it!" tiim-bagang si Mark. Alam niyang mali, pero wala na siyang magawa. Para siyang batang itinulak sa spotlight para pakantahin ng piyesang hindi niya kabisado.
Nandito na eh. Might as well do it. Kailangan may mauwi akong gamot.
Sa kaliwa niya, may hilera ng mga sardinas sa istante. Kumuha siya ng lima o sampu o bente basta... hindi na niya nabilang at inihulog lahat iyon sa ibinigay na basket ni Kenzo. Mabilis ang pitik ng kanyang pulso.
At nang malunok na ang konsensya, sunod niyang tinungo ang counter sa may bandang likod ng botika kung saan naka-imbak ang mga gamot.
Doon, hinalughog niya ang bawat tukador at istante para hanapin ang gamot sa diabetes ng kanyang Mama.
BINABASA MO ANG
The Scent Of Madness (COMPLETE)
HorrorIsang maaliwalas na umaga, nakasakay si Mark sa isang bus patungo sa bagong kumpanyang kanyang aaplayan. Walang kamuwang-muwang na sa araw na iyon ay susuungin niya ang isang delubyo na sanhi ng isang uri ng bulaklak. Habang si Boyet naman sinusubuk...