Chapter 13

174 7 0
                                    

Tatlong tao lang sa waiting area ang bumungad kay Mark sa lobby. Siya 'yung pang apat. Hindi niya alam kung talagang marami lang ang hindi nakapasa sa hiring process o hindi na itinuloy ang application.

"Aalog-alog tayo dito TL, ha," si Kenzo. Prenteng-prente sa pagkakaupo. Katatapos lang kasi ng interview niya with Operations manager at mukhang kumpyansa siyang naipasa niya ang interview.

"Oo nga. Kaninang umaga lang halos siksikan tayo tapos habang patagal nang patagal pakonti tayo nang pakonti." Nilinga-linga ni Mark ang paligid. "Nasa'n na 'yung receptionist? Wala pa raw ba 'yung mag-iinterview sa akin?"

Sakto namang dumating ang receptionist. Kagagaling lang nito sa CR. Nilapitan agad nito si Mark nang makita. "Are you, Mark? The Operations Manager that will interview you is in a videocall meeting right now with his boss in the US. He told me to ask you if it's okay with you to wait for another hour. He promised that he'll go straight to your interview after the meeting."

Naknamputcha naman! Pagod na pagod na ako. Kung alam niyo lang ang mga nagyari sa akin buong araw!

"Ah yes, of course. I'll just wait here," nakangiting sabi ni Mark kahit gusto na niyang mag walk out.

"Ah by the way, can you smell it?" Napasimangot ang receptionist sabay paypay sa mukha gamit ang kamay. "It smells like someone peed on the floor. Sabi ko naman sa maintenance na linising maigi 'yung CR ng boys, lagyan man lang ng deodorizer. My God! Kuya Emer, may text number ka ba ng mga taga maintenance? I'm just gonna text them kasi na linising maigi ang CR bukas. Nakakahiya sa mga applicants natin." At lumakad na palayo ang receptionist para kunin ang number ng maintenance head sa sekyu na nakapuwesto sa entrance.

Nagkatinginan si Kenzo at Mark, pigil na pigil sa pagbungisngis.

"Is there something funny?" May pagtataray ang boses ni recptionist nang dumaan itong muli sa harap nila nang hindi nila namamalayan.

"Wa- wala naman po. I mean, Kenzo here is trying to tell me a joke po." Nahihiyang sagot ni Mark.

"Okay then. Just stay here so I can call you out once I've got the signal from the higher up. Clear?"

Tumango-tango si Mark.

Thirty five minutes pa bago ang interview. Naiinip na si Mark at si Kenzo naman, parang lamparang malapit nang mamatay ang ilaw sa tabi niya. Isang hikab na lang, siguradong didiretso na 'to sa pagtulog. Hinihintay din kasi nito ang final result kung nakapasa ba siya at ang contract signing kung sakali.

Para patayin ang oras, binuksan ni Mark ang cellphone para pagmasdan ang mga larawan ng baby niya na naka-save roon. Pagkatapos, pinanood naman niya ang mga kuha niyang videos ni Angel. Magkahalong tuwa at lungkot ang naramdaman niya. Tuwa dahil hindi niya alam kung anong ginawa niyang tama sa buhay para magkaroon ng anak na kasing bibo at kasing cute ng baby Angel niya.

Lungkot dahil hindi siya kasa-kasama sa paglaki nito. Pero mabuti na lang, milya-milya na ang inilago ng teknolohiya. May text na at video call na. Kahit papa'no hindi ipinagdamot ng ex niya ang maging parte pa rin si Mark ng buhay ng anak nila.

Speaking of technology...

Tinurn-on niya ang data ng phone niya. Balak niyang manood muna ng anime at magsunog pa ng ilang minuto. Pero, pagkaraan pa lang ng ilang segundo biglang buhos ang ulan ng notifications. Mayroong notifications sa galing sa kung ano-anong app na naka-install sa phone niya. May isang message notification na mabilis na dumungaw, nakita niya ang pangalan ng kapatid niya.

Ano na naman kailangan nito?

Kulang na lang rumolyo ang mga mata ni Mark papuntang kisame. Kung hindi tungkol sa Mama nila, siguradong baka tungkol na naman sa pera ang isyu ng kapatid niya. Binuksan niya ang messenger app at sumikip ang dibdib niya sa mga nabasa.

10:25 pm
Kuya, nambabato pa rin si Mang Berto dito. Lasing yata.

10:37 pm
Tumatawag ako sa barangay kso wla nmang sumasagot

10:40 pm
Si Tito Meng di ngrereply. Tnatwag ko ring lng nang ring

10:51
Pinatay ko na ang ilaw gaya ng sbi mu pro 'tong si Mang Berto 2loy 2loy pa rin. Tmawag n ako ng 117 pro wlang pulis na sumasagot. San ba sila lahat nagpunta kasi.. nattakot na kami dito ni Mama. Pramis.

11:00 pm
Kuya, uwi ka na! Sinunog na ni Mang Berto yung bahay natin! Dali!

11:19 pm
Nkalabas na kami ni Mama ng bahay. Ppunta na kmi kina Tito Meng. Dun k nlng dumiretso mmya

Napatayo si Mark. "P're, call lang ako. 'Pag hinanap na ako, puntahan mo na lang ako sa CR," habilin niya kay Kenzo. "Ay, hindi! D'yan na lang pala ako sa labas. Sa may entrance. Malapit sa guard."

"Oo, sige TL ako bahala," pagsisigutro ni Kenzo. "Basta 'wag ka lang din lalayo masyado. Baka kasi i-announce na rin 'yung result ng application ko. Mahirap na, baka hindi nila ako madatnan dito."

Um-Oo na lang si Mark. Palabas ng lobby, nakabunguan niya ang isa sa mga aplikante na nag-aabang na lang din para sa final interview. Pareho kasi sila nagmamadali.

"Ay sorry boss!" nahihiyang sabi ng isang aplikante. Semi formal ang suot niya. Plaid shirt na tinernuhan ng black dress pants.

"Ako dapat mag-sorry. Emergency kasi. 'Sensya na," nakaturo si Mark sa cellphone na hawak.

Pagkatapos ng awkward na paghingi ng paumanhin sa isa't isa, nagpatuloy na sila sa kani-kanilang pupuntahan. Si Mark sa may entrada ng lobby. Ang aplikante naman sa receptionist para tanungin kung nariyan na ba ang mag-iinterview sa kanya. Sinabihan siya ng receptionist na maghintay pa ng sampung minuto dahil pababa na si OM Kristele, ang future boss niya kung sakaling makapasok siya sa kumpanya. Kinabahan si applicant nang kaunti pero kumpyansa siyang maipapasa ang final interview dahil nasanay na siya sa dami ba naman ng mga kumpanyang pinasukan niya noon. Dati kasi siyang "call center hopper."

Nakaramdam si applicant ng uhaw kaya naman tumungo siya sa may vendo machine na nakalagay malapit sa CR ng mga lalaki. Kukuha siya ng maiinom. Sa magkabilang tabi ng vendo machine ay may tig-isang lamesita kung saan nakapatong ang tig-isang paso ng Green Crescent Paradise flowers. Sadyang ipinuwesto ang mga ito doon para sakaling matakpan ng bango nila ang alingasaw na puwedeng manggaling galing sa banyo. Mayroon ding nakalagay na mga paso ng Green Crescent sa labas ng kubeta ng mga babae.

At habang inihuhulog isa-isa ng aplikante ang mga barya sa coin slot, 'di niya napansin ang dahan - dahan ring pamukadkad ng mga Green Crescent flowers sa lamesita. Dahil sa malakas ang buga ng aircon kung saan naroon ang makina, hindi na nahirapan ang bulaklak na ikalat ang mga pollen nito sa ere. Sumaboy at inilipad sa hangin ang mga tila dilaw na pulbo.

Ang ibang mga pollen napadpad sa sahig. Ang iba sa pasilyo papuntang kubeta. Ang iba sa ibabaw mismo mg slot machine at ang iba nasinghot ng walang kamuwa-muwang na aplikante.













The Scent Of Madness (COMPLETE)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon