Halos nakadapa na si Mark sa ilalim ng lamesa ng pearl shake stand. Pigil rin ang kanyang paghinga dahil baka marinig ito ni manong security guard. Mula sa kanyang kinaroroonan, mga apat na metro ang layo sa kaniya, tanaw na niya ang makintab na itim na sapatos nito.
"Tagilid kayong lahat! Bakit kayo tagilid! Bakit?" Naghuhumiyaw ito sabay pinagbabaril ang mga nasa paligid. Dama ni Mark ang pagtulak ng hangin at ang pagsayaw ng mga maliliit na ilaw galing sa nguso ng baril. Hindi alam ni Mark kung may inaasinta si manong security guard o gusto lang talaga niyang magpaulan ng bala. Basta napatakip na lang siya ng tenga sa sabay-sabay na pagsambulat ng mga basag na salamin sa marmol na sahig mula sa iba't ibang tindahan at restaurant doon.
Tahimik na muli ang paligid nang biglang nag-vibrate at nag-ring ang cellphone ni Mark. Ang ingay nito nagmistulang party music sa loob ng abandonadong mall. Nagmamadali niyang kinuha cellphone mula sa bag para ito patayin.
Tinignan saglit ni Mark kung sino ang tumawag - ang receptionist sa inaaplayan niyang BPO company. Hinahanap na siya para sa final interview.
Shit! Shit! Shit! Wrong timing! Bakit ngayon ka pa tumawag?
Pinagagalitan niya ang hawak na cellphone. Nang mapatay na ang cellphone, dali-dali niya itong isinuksok pabalik sa loob ng bag.
"Sinong nar'yan? Lumabas ka!".
Kahit hindi nakikita ni Mark ang ulo ni manong security guard, alam niyang nakatingin ito ngayon sa direksyon niya. Hanggang sa pumihit ang dulo ng sapatos ni manong papunta sa kanya at saka ito maglakad nang marahan.
"Alam ko nar'yan ka. Lumabas ka d'yan! Gusto kong makita kung tagilid ka ring katulad nila. Labas!"
May basa at mainit na likido ang gumapang mula sa hita papuntang tuhod ni Mark. Naihi na pala siya nang hindi namamalayan dala ng sobrang kaba.
Lord, iligtas niyo po ako. Gusto kong makita pang lumaki ang baby ko.
Nagsimula na siyang makipag tawaran sa langit. Napatakip siya ng bibig, pilit niyang pinipigilan ang sariling sumigaw at humingi ng saklolo. Kung puwede nga lang din, patitigilin niya pati pagtibok ng puso dahil nabibingi na siya sa lakas ng pagkabog nito.
"Romy, bitawan mo yan!" Matigas na utos ng isang boses. "Taas mo mga kamay mo!"
Dumating na rin sa wakas ang mga pulis. Marami sila. Sampu, bente, trenta. Basta marami, base sa mga mabibigat na combat shoes na nakikita ngayon ni Mark mula sa ilalim na siwang ng lamesang pinagtataguan niya.
Lord, thank you! Thank you! Thank you talaga!
"Sino kayo? Bakit kayo nakatagi--"
May biglang pumutok galing sa malayo. Pansamantalang umangat ang buhok ni Mark na para bang may isang humahagibis na bubuyog ang dumaan sa kanyang harapan. Napapikit si Mark at pagdilat niya'y nakahiga na rin sa semento si Romy habang hawak-hawak ng kaliwang kamay nito ang butas na leeg. Binutas ng bala galing sa sniper na nakapuwesto malapit sa toy store sa likod nila.
Bumulwak ang napakaraming dugo. Bahagyang nakapaling ang ulo ni Romy nito kung nasaan si Mark. Ang mga mata nito ay dilat na dilat, hinahabol ang mga huling sulyap ng liwanag bago tuluyang magdilim ang lahat.
"Ba.. ba.. bakit ka.." umubo ng dugo si Romy. "..yo ta.. gi...lid?"
Iyon ang mga huling salitang sinambit ni manong security guard na si Romy Gomez, 42 taong gulang, nakatira sa Mandaluyong, hiwalay sa asawa at may dalawang anak, bago siya tuluyang malagutan ng hininga.
"Ok, move! Disarm the suspect and search the area kung may kasama ba 'to and for the others na na-trap dito." Sapantaha ni Mark, boses marahil ng squad leader police respondent.
Tagaktak ang pawis ni Mark nang lumabas siya sa kanyang pinagtataguan. Napataas siya bigla ng kamay nang tutukan siya ng baril ng mga naka-posteng pulis.
"Mga sir, sandali lang po! Na-trap po ako kanina dito. Huwag niyo po akong papuputukan. Please po. Please!" Mariin ang pagkakapikit ng kanyang mga mata habang nagmamakaawa.
Nilapitan siya ng isa sa mga pulis saka siya kinapkapan mula ulo hanggang paa. Hinalughog din ang laman ng kanyang bag. "Okay na. Baba mo na mga kamay mo. Almerez, pakikuha nga 'tong isang 'to at dalhin sa ambulance sa likod for check up"
Lumapit ang isa pang pulis at saka siya hinawakan sa braso para igiya sa kung nasaan ang ambulansya.
Habang naglalakad papunta roon, animo'y gelatin ang mga paa, hita at tuhod ni Mark. Nanlalambot ang bawat buto niya. Dahilan niya, siguro unti-unti ng bumababa ang sipa ng adrenalin sa kanyang sistema kaya sa bawat ilang metrong hakbang nila, kailangang niyang makiusap sa pulis na huminto muna sila para makahinga siya nang malalim, para makabuwelo.
Naalala niya, kailangan pa niyang bumalik sa call center. Pinindot niya muli ang power button ng telepono. Nang magising ito, binati siya ng labing pitong text messages mula sa receptionist. Dadalawa lang ang tanong na paulit-ulit na sinasabi ng text : kung nasaan na siya at kung gusto niya pa bang ituloy ang application process.
Kinausap niya ang pulis na maghahatid sana sa kanya sa ambulansya. Sinabi niya na galos lang naman sa siko ang inabot niya at malayo 'yun sa bituka. Mas kailangan niya ngayon ng trabaho kaysa sa benda. Hinayaan naman siyang makaalis.
Nagmamadaling bumaba ng escalator si Mark at pagliko sa kaliwang kanto palabas ng mall, nagkabunguan sila ni Kenzo.
BINABASA MO ANG
The Scent Of Madness (COMPLETE)
HorrorIsang maaliwalas na umaga, nakasakay si Mark sa isang bus patungo sa bagong kumpanyang kanyang aaplayan. Walang kamuwang-muwang na sa araw na iyon ay susuungin niya ang isang delubyo na sanhi ng isang uri ng bulaklak. Habang si Boyet naman sinusubuk...