Ika-labing apat na kabanata
"SAKTONG oras ang pagdating natin, kamahalan." Hindi ko alam ang ibig sabihin sa sinabi ni Magnus. Base sa kanilang reaction ay may nagaganap sa loob ng palasyo.
Sa bawat hakbang ko'y sumasalubong ang malamig na hangin sa aking balat. May malaking pathway sa pinakagitna na dumudugtong para marating ang entrada ng palasyo. Sa ilalim nang dinaraanan namin ay tubig na kahit sa dilim ay nakikita ko ang mga nakalutang na halaman dito.
Bumagal ang hakbang ng dalawang nasa unahan ko, kaya ganon rin ako. Kumalansing ang pagbukas ng malaking gate ng palasyo matapos itong buksan ng taong nasa loob na sigurado akong isa sa tagabantay ng lagusan.
Balot na balot ang kawal mula sa kasuotan nito, may nakatakip na helmet sa ulo nito na talagang hindi mo masisilayan ang mukha, halos ganon lahat ang mga kawal dito sa Megard.
Yumuko ang naturang kawal nang mapadaan kami sa tapat nito, saka ko muling narinig ang kalansing ng gate bilang senyales na muli itong isinara.
Patuloy kami sa paglalakad, pareho kaming nahuhuli ni Magnus, at sa unahan namin ay si Caspian na may mautoridad na tindig habang naglalakad. Isa nga talaga syang superior prince, nakakatakot kung makasalubong mo ang tulad nya sa daan. Sa bawat nadadaanan namin ay may mga nakatalagang mga kawal na utomatikong napapayuko, pare-pareho ang kanilang mga kasuotan (itim) sa mga tagiliran nito'y may mga nakasuksok na espada.
Matapos naming madaanan ang mga helerang kawal ay lalong lumalakas sa pandinig ko ang tugtugan, tumambad sa'kin ang napakataas na tore ng palasyo. Kumukutitap ito dala ng liwanag sa paligid, at mga taong nagkakasiyahan sa labas. Halos sumayad ang mga kasuotan ng mga babae sa lupa, hindi naman nagpahuli ang mga kasuotan ng mga lalaki na agad mong makikilala na isa silang mga maharlika sa kahariang ito.
Napatigil ako sa paghakbang at sa balak na pagsunod kay Caspian nang pigilan ako ni Magnus. Mabilis syang umiling sa'kin at iginaya ako sa ibang direksyon.
Muli kong nilingon si Caspian bago pa man kami tuluyang makaliko, nakita kong magalang syang sinalubong ng mga maharlika.
Napagtanto ko ang ginawang pagpigil ni Magnus, hindi nga pala maaaring makihalobilo ang mga tulad naming walang mataas na antas, sa madaling salita dukha para sa paningin nila.
"Hintayin mo na lang ako rito, ibabalik ko lang ang mga kabayo sa kwadra." Hindi na nya ako nilingon para sana hingiin ang opinyon ko, diretso syang naglakad habang akay ang mga kabayo nila ni Caspian. Napabuntong hinga ako, hinigpitan ang pagkakapulupot ng kapa sa'king katawan dala ng lamig na nararamdaman. Kanina basa ang damit ko ngunit ngayon natuyo na.
Iginala ko ang paningin sa paligid para maiwasan ang pagkayamot. Madilim sa pwesto ko na tanging liwanag ng buwan lang ang nagsisilbing liwanag. Mula rito ay rinig na rinig ko parin ang nagkakaingayan na tugtugan sa palasyo. Nakakapagtaka kung anong meron. Sa pagkakatanda ko walang pagdiriwang sa palasyo ng Megard akong isinulat, dahil ang kwentong Pahimakas ay nakasentro ang scenario sa Kahariang Edenia at Atlas. Hindi ko na rin nababatid kung saang parte na ako ng kwento, dahil sa maraming nabagong scenario. Hindi ko na alam kung saan na patungo ang kwentong isinulat ko.
Nawala ang pagtitig ko sa buwan nang pumalakpak sa harap ko ang kung sino.
"Tara na, nais ko nang makapagpalit ng damit at makapaghanda para maabutan ang anunsiyo ng hari mamaya." Tumango ako kay Magnus bilang sang-ayon. Mukhang naipasok na nya ang mga kabayo sa kwadra.
Tinatahak na namin ngayon ang isang pasilyo na patungong likod ng palasyo. Kung sa harapan ay halos magkalat ang mga kawal, ngunit rito ay wala na. Nakatitiyak akong patungo na ito sa tahanan ng mga mabababang tao, ang mga taong servidora / servidor.
BINABASA MO ANG
Saving the Antagonist Prince (COMPLETED!)
FantasyEnchanted Book Series NO.1 Historical fiction/Fantasy/Romance By Señora Starla "What if, ang inaakala mong reyalidad ay isa pa lang ilusiyon?" Isang manunulat. Isang kontrabida. What if, sa mundong walang kasiguraduhan ay mahulog sila sa bitag ng pa...