Kabanata 34

2K 104 9
                                    

Ika-tatlumpo't apat na kabanata

"CASPIAN!" Abot langit ang takot at pag-aalala ko nang kamuntikan na syang masaksak ng kawal ng Moggolia dahil sa pagtitig nya sa 'kin. Mabilis syang nakabawi at walang hirap na winawasiwas ang espada sa bawat kawal na nagtatangkang sugatan sya. Hindi rin maikalma ang pusong nagwawala dahil sa kasalukuyang nagaganap.

Nagkalat ang mga bulagtang kawal sa loob ng bulwagan, karamihan ay pugot ang ulo. Halos mapuno ng dugo ang paligid na nagdudulot sa 'kin ng matinding kilabot at takot. Hindi ko rin mapigilan ang sariling mapatili sa oras na may magtangkang lumapit sa 'kin, ngunit hindi iyon natutuloy dahil isang hakbang palang nagagawa nila ay nakatarak na ang espada ni Caspian sa kanilang lalamunan, sikmura, o dibdib.

Ang isang nagkunwaring kawal na kasama ni Caspian kanina sa tabi ng ministro ay si Silvestre. Hindi ko akalain na ang dating mortal na magkaaway ay nagsanib pwersa. Kasalukuyang nakikipaglaban si Silvestre sa tatlong kawal na walang hirap nyang napatumba gamit lang ang kamao dahil lumipad ang espada nya sa ibang direksyon nang mabitawan.

"Azra! Hindi ka ba nasaktan?" Mabilis na nakalapit sya sa 'kin nang lumuwag ang kalaban, lumuhod sya at unusisa nya ang kabuuan ko. Agad kong hinawakan nang mahigpit ang kamay nya na nakahawak sa pisngi ko bago sya gawaran ng tipid na ngiti. "Salamat at dumating ka."

"Hindi mo alam kung gaano ako nag-alala sa inyo ni Yusebo nang bigla kayong naglaho, mabuti na lamang at nakita ko si Casper at ang sulat." Ginilid nya ang ilang hibla ng buhok ko sa tainga habang nangungusap ang mga mata nya at mariin nakatitig sa 'kin. Parang tinutunaw ang puso ko nang malamang lubos syang nag-alala.

"Hoy! Kayong dalawa!" Sa kabila nang pagsigaw ni Silvestre ay 'di ko maintindihan kung bakit pareho namin hindi inalis ang titig sa isa't isa. Sa kabila nang nangyayari sa paligid ay tila walang pakialam ang puso naming naghuhumiyaw sa pagkabog, kahit walang lumabas sa bibig alam namin sa pamamagitan ng mga matang parehong nangungusap....na ang mga puso namin ay tuluyan nang nahulog sa bitag ng pag-ibig.

Sa sandaling ito, naisin ko mang bumitaw na o iiwas ang tingin ay 'di ko magawa. Para bang may sariling galaw ang kilos namin, parang kontrolado ang momentong ito, tinadhana na hindi maaaring masira.

"Mamaya nyo na ituloy ito, pakiusap." Nanlaki ang mata ko na parang biglang natauhan at nagising sa isang ilusyon nang sumingit si Silvestre at kusa nya kaming pinaghiwalay.

Nag-aalab ang pisngi ko sa hiya at kaba. Napagtantong nasa kaguluhan parin pala kami para maisingit ang nakakahibang na romantic scene.

Matapos nyang gawin iyon ay humalo si Silvestre sa mga gulo at muling nakipaglaban. Sa sobrang kalutangan ng isip ay namalayan ko na lang ang pagkabig ni Caspian sa 'kin para yakapin ako't mapasubsob sa dibdib nito, kasabay non ang pagkalansing ng espada at tunog ng isang bagay na tila bumulwak na dugo.

Nag-angat ako ng tingin sa seryosong mukha ni Caspian habang yakap parin nya ako sa kabilang kamay habang ang isang kamay ay abala sa pagwasiwas sa mga kalaban na lumalapit sa 'min.

"Pakiusap Azra ipikit mo lang ang iyong mga mata." Hindi ko magawang sundin ang sinabi nya, nakatitig lang ako sa kanya, natatakot na sa oras na ipikit ang mata ay may mangyaring masama sa kanya. Ipinilig ko ang ulo, hinigpitan ko ang kapit sa kasuotan nya. Pinagpapawisan sya ng sobra at hinihingal na. Alam kong gaano sya ka galing pero alam kong napapagod rin sya.

Sa isang iglap namalayan ko na lang na may nakapiring ng tela sa mga mata ko na mabilis nyang naitali dahilan para hindi ko na makita pa ang karumaldumal na nangyayari sa paligid. Naramdaman ko ang mahigpit nyang paghawak sa mga kamay kong 'di ko napansing patuloy ang panginginig, ka sabay no'n ang pagsunod ko sa agos ng lakad nya habang hawak ako nang mariin.

Tanging tunog lang ng mga espada, mga hakbang, sigawan, at mga pagbagsak ng mga bagay sa sahig. Patuloy ang pagkabog ng puso ko, ngunit nagtitiwala ako sa taong kasama ko na hinding-hindi nya hahayaang may dumapong sandata sa akin.

Naramdaman kong tuluyan na kaming nakalabas ng bulwagan dahil unti-onti nang humihina sa pandinig ko ang hiyawan. Matunog na sapatos ang ginagawa naming paghakbang. Tingin ko'y nasa pasilyo na kami ng palasyo papalabas.

"Caspian, wala na ba?" Pagtukoy ko sa mga kalaban, akmang aalisin ko na ang piring ngunit agad nya itong pinigilan. "Huwag mong aalisin kahit anong mangyari, ayukong makita mo kung paano ko paslangin ang mga puñales na hay*p na to!" Sunod-sunod na hakbang ang naririnig ko papalapit at ang muling pagkalansing ng mga espada. "Caspian! Pakiusap!" Muli akong napasigaw sa takot nang marinig ko ang malakas nyang pagdaing. Sinubukan kong bumitaw sa hawak nya pero muli nyang hinigpitan.

"Pakiusap rin, huwag kang bibitaw sa mga kamay ko! Huwag ka nang magpasaway, aking Cara." Bigla akong natigilan dahil sa sinaad nya, lumukso ang puso dahil sa kilig at saya.

Wala na akong pakialam kahit magalit sya, agad kong inalis ang nakatakip sa mata ko. Bumungad sa 'kin ang likod ni Caspian na pilit akong tinatago sa likuran nya habang abala sya sa pagpaslang. Nang mapatumba nya ang anim na kawal ay agad nya akong hinarap, nagulat sya nang makita akong nakangiti ng hibang sa kanya.

"B-bakit mo inalis!—"

"Aking Cara pala, huh!" Pang-aasar ko na agad ikinakunot ng noo nya, inosente! Kahit nasa suplado mood sya ngayon ay kitang-kita parin ang pamumula ng buong mukha nya. Sinundot ko ang magkabilaang tagiliran nya na pilit nyang iniiwasan habang salubong parin ang kilay. "Acting na acting ka d'yan ah, pinag-isipan mo ba 'yang tawagan natin? Dapat ba tawagin narin kitang aking Caro?" Nakakakilabot man pakinggan pero natawa na lang ako, basta para kay Caspian aprobado. Salitang cara na ang ibig sabihin ay Mahal!

"Bakit mo tinatawanan?" Masungit na tanong nito kaya muli akong tumawa. "Hindi mo ba gusto? P-panget?" Nagpigil na akong tumwa kaso may kumakawala paring ngiti sa labi. Pero nagulat ako nang bigla nya akong tinalikuran. "Huwag mo kong kausapin!"

Mabilis ko syang hinabol at hinatak ang dulo ng damit para matigilan sya. "Oy joke lang! Syempre gusto ko—gusto ko Ikaw!" Nilaparan ko ang ngiti para mahawa sya. Unti-onti namang umaliwalas ang mukha nya pero hindi parin sya ngumingiti. Sus! Nahihiya lang!

Hindi na nya ako kinibo pero muli nyang hinawakan ang kamay ko nang hindi tumitingin sa 'kin bago kami nagpatuloy sa paglalakad. Tahimik ang pasilyo at walang lumulusob pang kalaban. 'Di tulad kanina na halos atakehin ang puso ko sa mabilis na pagkabog, ngayon ay panatag na ang loob ko dahil kasama ko naman sya.

"Tampo ka n'yan, Caspi ko? Oy Caspi ko galit ka sa 'kin?" Pag-usisa ko sa kanya gamit ang paawang boses, nagawa ko pang sundot-sundutin ang tigiliran nya para pansinin nya ako. Kumukunot lang ang noo nya sa tuwing tinatawag ko syang Caspi ko, sarap humagalpak nang tawa kaya lang baka 'di tumalab pag-suyo ko.

'Di talaga nya ako pinapansin diretso lang ang tingin nya sa unahan, napaka seryoso ng mukha. Mabagal lang rin ang bawat hakbang namin, pakiramdam ko walang katapusan ang pasilyong tinatahak, pasalamat ako dahil wala pang kalaban na dumarating. Pinisil-pisil ko ang kamay nyang hawak ko pero wala parin. Napangisi ako nang may biglang pumasok sa isip.

Inangat ko ang kamay naming magkahawak saka ko marahang kinagat ang daliri nya, bigla syang natigilan at napalingon sa 'kin. Doon muli kumawala ang tawa ko. "Ang saya mo talagang asarin."

"Puro ka talaga kalukuhan." Napailing-iling na lang sya sa ginawa ko pero napansin kong 'di na rin nya napigilang mapangiti.

Kaso, tama nga ang sabi ng iba na pagkatapos ng araw sasapit ang gabi, na pagkatapos ng saya kasunod nito ang sakit.

"H-hindi! C-caspian..." Napasigaw ako sa gulat at matinding pag-aalala. Tuluyang bumuhos ang luha ko dahil sa panang bigla na lang bumaon sa likod na tumagos sa dibdib ni Caspian. Napahawak ako sa magkabilaan nyang mga kamay kahit nakakatayo pa naman sya nang maayos, kita ko ang mariin nyang paglunok at ang mabilis na pamumutla ng kanyang labi.

Nag-alala kong ginala ang tingin para alamin kung sino ang may salarin ngunit bago ko pa man magawa bigla na akong natigilan dahil dalawang sunod-sunod na pana ang muling tumama kay Caspian na deretso nitong ikinabagsak.

Natulala ako sa nangyari, 'di maproseso ng utak. Ka sabay no'n ang pagdating ni Magnus kasama si Apolo. Pero huli na ang lahat.

________________
#STAPstory
#Bbstar

Saving the Antagonist Prince (COMPLETED!)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon