Kabanata 32

1.9K 106 2
                                    

Ika-tatlumpo't dalawang kabanata

HINDI ko napigilan ang pagkadapa ko sa sahig nang tahasan akong tinulak ng kawal. Naramdaman ko ang paghapdi ng kaliwang tuhod. Hindi pa ako nakakabawi sa nangyari ay muli akong hinila't pinusasan ang mga kamay ko ng kadena, ganon rin ang ginawa nila kay Yusebo na halos sumpain nya ang mga kawal.

"Pag ako nakawala PAPATAYIN KO KAYONG LAHAT! TANDAAN NYO IYAN! HAA!" Isang malakas na padyak sa sahig ang ginawa nya bago sumalampak sa sahig. Kahit naman magsisigaw sya hindi naman kami palalayain.

Napatingin ako sa tuhod na may kaunting gasgas na bahagyang namumula. Malakas ang pagkakatulak sa 'kin kanina. Nagpakawala ako ng hangin, hindi ko na mabilang kung ilang ulit ko na ito nagawa sa buong araw na ito.

Isa akong pribadong manunulat, nagsusulat ako ng mga kwentong pag-ibig, mga aksyon at trahedya. Dati sinusulat ko lang ang mga ganitong eksena sa laptop na karaniwang nararanasan ng isang bida, ngayon malaya ko nang nararanasan ito na parang ako ang bida sa kwento, kailangan magdusa at harapin ang mga pagsubok dahil bandang huli magandang wakas naman ang makakamtam ko. Sana nga totoo.

Sana pagkatapos nang lahat ng ito, bumalik na sa dating normal ang buhay ko. Ngunit hindi ko rin maiwasang malungkot sa mga taong iiwan ko sa kwentong ito. Mga taong napamahal na sa 'kin.

Bigla akong napatayo nang makitang dumaan si Magnus ngunit hindi ako tuluyang nakalapit sa rehas dahil napigilan iyon ng kadenang nakakabit sa 'kin.

"Magnus! Sandali!" Napalingon ang dalawang kawal na nagbabantay sa gilid dahil sa sigaw ko. Ngunit ang tinawag ko ay tumigil lang pero hindi man lang ako nagawang lingunin.

"Magnus! Kamusta ka? Kamusta sina Victoria at Aleng Conchi? Ang mga kapatid mo, nasaan sila, maayos lang ba ang kalagayan nila?" Nabuhayan ako ng pag-asa nang maglakad sya papalapit sa 'kin. Ngunit hanggang ngayon hindi ko parin makita ang dating Magnus na kinasanayan ko, para syang nag-ibang tao.

Tumigil sya sa tapat ko, seryoso ang kanyang mga mata, walang bahid na saya. Tanging bakal na rehas ang pagitan namin. Ang akala ko kikibuin na nya ako ngunit nagawi lang ang tingin nya sa direksyon ni Yusebo. Hilaw syang ngumisi bago muling tumingin sa 'kin.

"Matapos ang nangyari may balak ka pang alamin ang kalagayan nila." Sa tuno ng boses nya ay hindi ko maiwasang 'di masaktan. "Dahil sainyo nawala ang mga taong mahalaga pa sa buhay ko!" Nagulat ako nang kalampagin nya ang rehas, kung kanina kalmado lang sya pero ngayon lumabas na ang mga emosyong nakukubli sa kanya.

Kahit 'di ko pa maintindihan ang lahat kusang tumulo ang mga luha sa mata ko, sumisikip ang dibdib ko. Kung wala lang siguro ang rehas baka nagawa na nya akong bugbogin dahil sa matindi nyang galit. Hindi ko akalain na ang madalas akong asarin ay magagawa akong pagsigawan.

"Hoy traydor! Huwag kang gumawa ng eksena, nabubulabog mo ang pagtulog ko!"

"M-magnus... anong ibig mong sabihin?" Imbes na sagutin nya ako o sigawan, malakas nya lang na sinipa ang rehas bago ito tumalikod.

Isang hakbang ang ginawa nya ngunit muli syang nagsalita bago tuluyang umalis.

"Hilingin mo sanang bigla Syang dumating sa saktong oras bukas, bago kayo patayin. Dahil kung hindi wala akong gagawin upang iligtas ka."

MULING lumagitnit ang pintuan nang bumukas ito. Pumasok si Haring Tamaro kasama si Maraya. Kasunod ng mga ito ang tatlong tagapagsilbi na may dalang mga pagkain.

"Kain na sapagkat ito na ang huling hapunan ninyo. Mas mabuting sulitin ang bawat sandali." Saad nito na sinabayan pa nang paghalakhak.

Nilagay ng mga ito ang mga pagkain sa lapag, tila nang-iinsulto dahil iba't ibang putahe pa ang mga ito.

Saving the Antagonist Prince (COMPLETED!)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon