Vren De Mevius
Mainit na sinag ng araw ang bumungad sa akin pagkalabas ko sa NAIA Terminal 3. Malayong-malayo talaga ang tindi ng init ng Pilipinas kung ikukumpara sa init ng Belgium. Idagdag pa ang hindi malinis at sariwang hangin na hindi nakakaibsan kahit konti man lang at tirik na tirik na araw, dahilan para hindi ko man lang matanggal ang sunglasses na suot ko ngayon.
Iginala ko ang tingin sa paligid bago tumingin sa wristwatch na suot ko para tignan ang oras. Sakto naman ang dating ko pero nauna pa ako sa dapat na susundo sa akin.
"Miss Vren De Mevius?" Tawag ng isang hindi pamilyar na boses mula sa likuran ko.
Nakasuot ito ng pormal na suit at diretsong nakatayo sa harapan ko. Base sa pananamit at pormal na galaw nito ay siya ang tinutukoy ni Dad na katiwala na makakasama ko sa saglit na pagtira rito. Bumaba ang tingin ko sa nameplate na nakakabit sa suit nito.
Mr. Alas
"Ikaw ba ang susundo sa akin?" Tanong ko na nagpatango sa kaniya.
Mabilis na lumapit ito at kinuha mula sa akin ang maleta na nasa gilid ko bago naunang maglakad papunta sa sasakyan na huminto sa harapan namin. Isang lalaki pa ang bumaba mula sa driver's seat at pinagbuksan ako ng pintuan. Sinuklian ko lamang ito ng tipid na ngiti bago tuluyang pumasok.
"Sa mansion ba ang diretso natin, Miss Vren?" Tanong ng driver sa akin kaya napalingon ako sa gawi nito.
"Ibaba niyo na lang ako sa Aragon Condominium." Sagot ko na nagpatahimik sa kanila.
"Pero Miss Vren, ang bilin sa amin ni Señorito ay sa mansion kayo dalhin." Singit ni Mr. Alas na nakaupo sa tabi ng driver's seat.
"It's Uno. Call me Uno. Stop calling me Vren." Seryosong sambit ko sa dalawa na nagpatahimik muli sa kanila.
Pinagmasdan ko ang naglalakihang mga building na nadadaanan namin. Wala pa rin nagbago sa lugar na 'to. Katulad pa rin ng dati na maingay, magulo, puro polusyon, at puno ng mga tao.
Lumaki ako sa Belgium pero madalas akong magbakasyon dito noon para dalawin ang lolo at lola ko at para na rin makasama ang ibang mga pinsan ko na dito piniling tumira. Tumigil lang ako sa pagbalik dito simula nang mangyari ang trahedyang nagpabago sa buhay naming lahat.
Isang trahedya na sumira sa buhay ko pati na rin sa pamilyang matagal namin iningatan. Trahedya na nag-iwan ng napakaraming tanong sa isipan ko na kahit lumipas na ang apat na taon ay nananatiling walang sagot hanggang ngayon.
Napapikit ako nang mariin dahil sa mabigat na pakiramdam na nagsisimula na namang bumalot sa sistema ko. Alam ng lahat na bumalik ako rito dahil nakalimot na ako sa nakaraan. Isang kasinungalingan na pilit kong itinatak sa isipan nila para sa planong matagal kong pinaghandaan.
"Nandito na tayo, Miss Uno." Sambit ng driver na nagpabalik sa akin sa reyalidad.
Isang malalim na hininga muna ang pinakawalan ko bago tuluyang bumaba nang hindi hinihintay na pagbuksan pa nila ako ng pinto. Agad kong iniabot mula kay Mr. Alas ang maleta ko bago ito tinapunan ng tingin.
"Darating sa isang linggo ang kotse ko. Hindi niyo na ako kailangang sunduin pa o bantayan dahil dito lang naman ako sa condominium ng mga Aragon titira. Ako na ang bahalang magsabi kay Daddy." Bilin ko sa dalawa.
Saglit pa silang nagkatinginan bago muling ibinaling muli ang tingin sa akin na matamang nakatingin sa kanila. Ilang segundo pa ay tumango ang dalawa kahit halatang labag sa loob nila ang pagsunod sa utos ko.
Walang imik na tinalikuran ko sila at dumiretso sa reception area para humingi ng assistance at dalhin ako sa unit ng dalawang pinsan ko na dito rin tumutuloy. Hindi na nila ako hinarang nang sabihin ko ang pangalan ko kaya mabilis kong narating ang unit ni Viola at Vesta.
BINABASA MO ANG
THE MACHIAVELLIAN [COMPLETED]
RomanceUno: Vren De Mevius STARTING DATE: 06-10-22 END: 07-16-24 REVISION DATE: