Kabanata 26
Kinabukasan ay maaga ako ulit nagising. Linggo ngayon kaya walang pasok. Mainit ang tama ng araw sa balat ko dahilan ng pagkagising ko. Pagtingin ko sa orasan sa tabi, alas otso pa lang ng umaga pero ang init na nanggagaling sa pang umagang araw ay masakit na sa balat.
Humikab ako at pinilit bumangon para ayusin ang kurtina sa bintana. Pagtingin ko sa baba, nakita ko sila Nomari at Luigi na nagsusunog ng mga tuyong dahon sa tapat. Napansin ko rin ang isa pang hindi pamilyar na motor sa tabi ng motor ni Luigi.
Tama nga ang hinala ko. Masama ang pakiramdam ko kahapon pag-uwi galing 'skwela. Mabilis na nag alala si Nomari nang mapansin na ang aga ng uwi ko. Pag uwi, kumain lang din ako saglit at umakyat na para magpahinga hanggang sa hindi ko namalayan na nagtuloy-tuloy na ang tulog ko.
"Kumusta ang pakiramdam mo?"
Napahawak ako sa dibdib dahil sa gulat. Nilingon ko ang pinto at naroon si Caden habang may hawak na maliit na planggana at bimpo na nakasabit sa kanang braso.
"Uh... "
Hindi ko man lang naayos ang buhok ko o natignan kung may panis na laway ba ako!
"Ayos lang naman."
Tumango siya at pumasok na ng tuluyan sa kwarto. Nilagay niya sa study table ang planggana kaya naman dali-dali kong nilinis ang mukha sa posibleng muta o panis na laway na p'wede niyang makita. Saglit ko rin sinuklay ang buhok ko gamit ang daliri.
Mabuti na lang kahit papaano ay madulas ang buhok ko. Hindi na kailangang suklayin.
"Masama raw ang pakiramdam mo sabi ni Nomari kagabi." Aniya.
Tumango naman ako, hindi alam ang sasabihin.
"Ah, Oo. Nasabi niya sa'yo?"
"Oo, dumaan ako rito kagabi. Tulog ka na raw at masama ang pakiramdam."
Marahan lang ang kilos niya at ang dama ko ang pag o-obserba niya sa akin.
Napalunok ako.
Dumaan pala siya rito kagabi? Tumango ako at kinunot ang noo. Ano naman ginawa niya rito? Bakit naman siya napadaan?
"May dala akong bimpo rito at tubig para mawala ang init mo. Mainit ka pa ba?"
"H-hindi naman na. Nag abala ka pa."
Sinulyapan ko ang hawak niyang bimpo. Hindi ko alam kung kukunin ko pa ba 'yon sa kanya gayong hindi naman na ako mainit. Ililigo ko na lang 'to para umayos na rin ang pakiramdam ko tutal nakapagpahinga naman na ako.
"Uh, kumain ka na ba?" Tanong ko.
Dumiretso ako sa kabinet ko. Kumuha ako ng kahit anong damit na mahawakan ko para lang kunyari may ginagawa. Sinundan naman niya ako ng tingin bago nagsalita.
"Gutom ka na ba? Nakapagluto na yata sila Nomari. Naglinis lang saglit sa baba."
Umiling ako.
"Hindi pa naman. Maliligo lang ako tapos magka-kape siguro dahil uh... maaga pa naman."
Tumango siya at tinignan ang planggana. "Sige... Ibababa ko na ba 'to?" tinuro niya ang planggana sa tabi.
Tumango ako roon at saka kinuha ang towel sa likod ng pinto.
"Sigurado ka ba na hindi ka na mainit? Hindi ka ba mabinat niyan kung ililigo mo agad?"
"Nakapagpahinga naman ako kagabi. Hindi ko nga namalayan na nagtuloy-tuloy din ang tulog ko. Dahil din siguro sa pagod."
BINABASA MO ANG
Scattered Pieces (Alma Mina Series #1)
General FictionStatus: Ongoing Posted: May 10, 2023 Action | Romance | Crime