"KABAONG"
* hango sa panaginip
Magdadapit-hapon ng mapagtanto na nasa gasolinahan ako malapit sa amin. Sobrang aliwalas ng panahon, nasa may interseksyon ako kung saan dumadaan ang mga sasakyan.
Natiyempuhan ko ang mga katrabahong bumaba sa jeep. Masayang kinawayan sila ngunit hindi nila ako napansin dahil hindi ako kinibo ng mga ito.
Nagtatakang tinignan sila dahil nakita kong nagkrus ang mga mata namin pero wala silang naging reaksyon. Hinayaan ko na lang dahil baka hindi lang talaga ako napansin at dali-dali silang tumawid dahil wala gaanong mga sasakyan.
Nakarinig ako ng boses malapit sa kinaroroonan ko, mga naguusap na dalawang lalaki.
"Grabe yung nangyari nung isang araw dito pare 'no? Nabalitaan mo ba iyon?"
"Oo pare! Kawawa nga yung binatang lalaking nabangga ng kotse."
Sa isip-isip ko kung sino ang tinutukoy nila dahil wala akong nabalitaan sa tv o sa mga taong malalapit sa akin dahil hindi sila nawawalan ng nalalaman lalo na kung dito lang din sa lugar namin.
Hindi ko na pinakinggan pa yung ibang mga sinabi nila dahil yung mga kaibigan ko naman ang nakita ko sa may tawid. Mabilis akong naglakad papunta sa kanila.
"Mon!" Tawag ko sa kaibigan kong lalaki habang papalapit
Ngunit hindi ako nito nilingon kaya tinawag kong muli ng nakalapit na ako sa harapan nila
"Bakit hindi mo ako pinapansin Mon. Hindi mo ba ako narinig?"
Wala akong sagot na natanggap dito.
"Gaga ka talaga Wena! Ang tagal mo maglakad baka hinahanap na tayo ni L*nard!"
"Inamo, nakita mong muntikan na ako matisod dahil nasira yung takong ko tapos pagmamadaliin mo ako? Alangan naman makalakad yung kabaong kung saan siya nakahiga!"
Napaupo ako ng marininig ko sa kanila iyon.
'Patay na ako?'
'Pero bakit?'
'Paano?'
'Saan?'
Wala sa memorya ko kung ano ang nangyari sa akin. Hindi ko maalala. Hindi ko matandaan. Kaya siguro hindi ako pinansin ng katrabaho ko dahil hindi talaga niya ako makikita kung wala na ako.
Tumayo ako at sinundan sila.
"Maglakad na tayo, h'wag kang maginarte diyan."Sambit ni Mon
"Kung ipukpok ko sa ulo mo yung takong ko. Sumakay tayo ako magbabayad."Sagot naman sa kanya ni Wena
"Sandali. Amoy sampaguita, tingin mo kasama natin si L*nard?"
"Hindi ko na nga pinansin gaga ka, kanina ko pa naiisip 'yan."
Maiyak iyak ako sa nakikita ko. Gusto ko makita yung sarili ko at gusto kong malaman kung bakit namatay ako.
Kinakabahan na naglakad ako kasama sila papunta sa bahay namin.
Bawat paghakbang ko, sobrang lakas ng kabog ng dibdib ko. Parang hindi ko kaya. Hindi ko kayang makita ang sariling natutulog sa kabaong.
Nakarating na kami.
Pumasok sila at tinignan ang kabaong. Nakatitig lang ako sa tarpaulin na may litrato ko.
'To our loving memory of (name ko)'
Sobrang hindi rin sila makapaniwala sa nakikita nila. Nagbibiruan pa ang mga ito pero makikita mong may kalungkutang nananaig sa katauhan nila.
Hahakbang sana ako papasok sa bahay namin ngunit may pumigil sa akin.
"Hindi ka pwedeng pumasok. Huwag na huwag kang papasok dahil maraming kaluluwa ang gustong kunin ang katawan mo."
Isang matandang babaeng balot na balot ang katawan ng kulay itim na kasuotan ang pumigil sa akin
"Pero patay na ako."Tugon ko
"Sa puntong makita mo ang sarili sa kabaong, doon maguumpisa na tuluyang maaangkin ng iba ang katawan mo. Hanggat maaari makinig ka sa sasabihin ko."Turan niya
Nakatitig ako sa kanya na naguguluhan
"Sa oras na makita mo ang sariling nasa kabaong, hindi ka na makakabalik pa sa katawan mo."
"Gusto kong malaman anong kinamatay ko!"Sigaw ko
"Nasagasaan ka."
Naalala ko ang usapan ng mga lalaki kanina.
Ako siguro yung tinutukoy nila.
"….Pero hindi ka pa patay. Hindi sagasa ang ikakamatay mo, mamamatay ka sa bangungot kung hindi ka makakaalis dito."Dagdag na sabi ng matanda
Sa isang iglap lang, biglang nagdilim ang kalangitan at paligid.
Nawala ang matandang kausap ko at sa hindi inaasahang pangyayari, nakita ko siyang nakalutang na sa ere habang hawak hawak ang sarili nitong leeg.
Pinaiikutan siya ng kulay itim na usok.
Pumikit ako.
Rinig na rinig ko pa rin ang mga boses ng mga kaibigan ko.
'Ayoko na rito'
Hindi ko alam kung anong gagawin ko para makaalis kung ang pakiramdam ko ay sobrang hina. Hindi na kasi natural yung nangyayari.
'Tignan mo ako'
Kinilabutan ako sa bulong na 'yun.
Idinilat ko ang mga mata at bumungad sa akin ang duguang mukha ng isang babae.
Ngumiti ito ng nakakatakot para humantong sa mabilis na kabog ng dibdib ko. Hindi ko alam ang gagawin ko dahil hindi rin naman ako maririnig ng mga kaibigan ko kahit humingi ako ng tulong.
Wala akong nagawa kundi iwan sila at tumakbo.
Nakakatakot.
Sobrang natatakot ako.
Binilisan ko ang takbo sa inaakalang makakatakas sa kanya pero bigo ako.
Bigla na lang kasi siya sumulpot sa mismong harapan ko.
"Pasensya kung natakot kita, sundan mo ako. Alam ko kung saan yung daan para makabalik ka na."Sambit ng duguan na babae
Walang salitang lumabas sa bibig ko at sinundan siya tulad ng sabi nito.
Nasa isang pinto kami.
Pinapapasok niya ako.
Bago pa man ako makapasok, may sinabi ito.
"Hindi ka pa rin nasanay, ilang beses ng nangyayari sayo yung mga ganitong bagay pero hindi mo pa rin magawang makaalis ng ikaw lang. Alam kong matututunan mo rin yung tinutukoy ko pagdating ng panahon." Ngumiti ito at nawala ng parang bula sa harapan ko
Sumilay ang isang Liwanag pagkabukas ko ng pinto, tinakpan ang mata dahil nakakasilaw. Napasubsob na lang ako ng biglang may tumulak sa akin dahilan para mapabalikwas ako ng bangon at tuluyang magising.
- L I N A R D
BINABASA MO ANG
Cuatro - (Ghost & Horror Stories Compilation)
AléatoireIka-apat kabanata para sa mga istoryang Kakatwa at mistulang di kapanipaniwala pero patuloy pa ring kumakalat - ang mga kwentong tulad ng mga ito. Kaya heto ulit ang mga Istoryang inipon at ibabahagi sa inyo. Most of the Stories reposted here in...