Chapter 33

42 2 0
                                    

Habang abala sa pagbabasa ng libro si Flora sa kanyang kwarto, napabaling siya sa bintana nang may lumapag na ibon doon. Kaagad niya itong nilapitan at kinuha ang papel na nakatali sa binti nito.

*I overheard something. I found the King's second wife talking to a person wearing black cloak.

-Fifth Prince.*

Napabuntong hininga si Flora at nagsulat ng sagot sa prinsipe. Hindi sila dapat makampante doon dahil kahit na anong oras ay maari silang salakayin ulit.

Ibinalik ni Flora ang atensyon sa binabasa. Nakatuon ang buong atensyon niya sa libro na hawak dahil malapit na iyon matapos at iyon na ang huling libro na kailangan niyang basahin.

Naantala siya ng sunod-sunod na katok sa pintuan ng kanyang kwarto. Tumayo siya at binuksan iyon kung saan nakita niya si Lady Margie na nakatayo sa labas ng kanyang pinto.

"Kailangan ka ng Reyna," agad na sambit nito. Isinara ni Flora ang pintuan ng kanyang kwarto nang makalabas siya at sumabay ng lakad sa adviser ng Reyna.

Huminto sila sa tapat ng Reyna na kasalukuyang nakaupo sa trono nito. Yumukod si Margie para magbigay ng galang ngunit si Flora ay hindi.

"Kailangan mo nang mahirang na Reyna sa lalong madaling panahon," panimula nito. "Hindi pa rin tumitigil ang mga kalaban sa pagsalakay sa atin. Gusto ka nilang patayin bago ka pa maging reyna dahil isa kang banta sa kanila."

"Kaya ko ba talaga, Queen Precilda?" Yumuko si Flora para maitago ang emosyon sa kanyang mga mata. "Sa oras na malagay sa alanganin ang kaligtasan ng mga nasasakupan ko, ano magagagawa ko? Mahina ako, hindi ako ang dapat mamuno," sambit ni Flora sa mahinang boses.

"Hindi basehan ang lakas ng kapangyarihan para maging isang Reyna. Hindi sa lahat ng oras ay kapangyarihan ang sasagot sa problema na kailangan mo harapin." Tumayo ang reyna at naglakad palapit sa kanya. Huminto ito sa kanyang harapan at hinawakan ang kanyang mga kamay. "Lakas ng loob at determinasyon ang kailangan, Flora. Mayroon ka na ng dalawang iyon at sa palagay ko ay handa ka nang mamuno."

Napalunok si Flora. Wala pang ibinibigay na petsa kung kailan siya magiging isang reyna ngunit parang bumabaliktad na ang kanyang sikmura dahil sa kaba at takot na nararamdaman. Ngunit ang takot at kaba na iyon ay hindi tungkol sa kanya, kundi tungkol sa kanyang mga nasasakupan. Hindi niya alam kung kaya niya ba na maprotektahan ang mga ito kung sakaling lusubin sila ng mga kalaban na siya ang habol, na kamatayan niya ang nais.

"Kahit maging reyna na ako, hindi pa rin nila ako titigilan. Kamatayan ko ang gusto ng mga nakasuot ng itim na balabal." Hindi napigilan ni Flora ang pagkawala ng luha sa kanyang mga mata. Nakagat niya ang pang-ibabang labi at pinipigilan ang hikbi na nais kumawala sa kanyang bibig. "Kung magiging reyna ako, para ko na din ginawang libingan ang buong Zitoria. Ang reyna ay hindi dapat takbuhan ang tungkulin ngunit kung hahabulin ako ng mga kalaban, tatakbo ako palayo. Palayo sa Zitoria, malayong malayo dahil ayaw ko na mapahamak ang lahat dahil sa akin, dahil sa kahinaan ko, dahil hindi ako marunong lumaban." Napaluhod si Flora sa sahig, hindi na kinaya ng kanyang tuhod ang tumayo at suportahan ang kanyang bigat. "Ayokong biguin ang nasasakupan ko..."

Inalalayan siya ng reyna para makatayo ulit. "Naiintindihan ko ang nararamdaman mo, ngunit hindi ba masyado mong minamaliit ang kapangyarihan mo?" Umiling ang reyna, kapagkuwan ay hinawakan ang magkabilaang balikat ng prinsesa. "Bulaklak ang kapangyarihan mo, nagawa mo na itong kontrolin, kaya mo magpalabas at kumontrol ng lahat ng uri ng bulaklak, kaya mo lagyan ng talim ang petals nito. Magandang uri ng kapangyarihan ang mayroon ka ngunit bakit mo ito minamaliit?"

Pinunasan ni Flora ang luha sa kanyang pisngi at hinarap ang reyna. "Hayaan niyo muna akong mag-isip. Kailangan ko muna malinawan sa lahat ng bagay at kailangan ko kumbinsihin ang aking sarili." Tumango lamang ang reyna kaya bumalik si Flora sa kanyang silid.

Nang makapasok sa kanyang silid ay agad na humiga si Flora at tumulala sa kisame. Pinipilit niyang kumbinsihin ang sarili na dapat na siyang koronahan para maging ganap na reyna ngunit natatakot siya sa isipin na hindi niya ito magagampanan ng maayos.

Matagal na nakatulala si Flora sa kisame at napabangon lang nang marinig niya ang pagbukas ng pintuan. Sunod-sunod na pumasok doon ang kanyang mga kaibigan na ipinatawag ng reyna at hindi yon alam ng prinsesa.

"Flora!" Sigaw ni Thyreze at tumakbo palapit sa kanya sabay yakap ng mahigpit. Isinara ni Marcus ang pintuan ng silid ni Flora nang makapasok na silang lahat. "Akala ko ay hindi ka namin makikita pa! Alam mo ba ayaw nila kaming papasukin?!" Pagsusumbong ni Thyreze sa kaibigan.

Umiling si Flora. "Pasensiya na. Hindi ko alam na may ganoon palang nangyayari."

"Maraming beses na kaming sumubok na puntahan ka pero sa tarangkahan pa lang ay hindi na kami pinapapasok," reklamo ni Safyra at pasalampak na naupo sa malambot na kama nang humiwalay na si Thyreze sa pagkakayakap kay Flora.

Napalingon si Flora kay Marcus na tahimik lamang na nakatayo at nakatitig sa kanya. "Paano ka nakakapunta dito kung ayaw naman pala kayo papasukin?" Tanong ni Flora.

Napabaling ang apat kay Marcus na nagkibit balikat lamang. "Hindi ako nagpapakita sa mga bantay." Sumeryoso lalo ang tingin ni Marcus kay Flora. "Sabihin mo sa amin ang nagpapagulo sa isip mo ngayon. Huwag mo na subukang itago sa akin, Flora. Kilala mo ako."

Napabuntong hininga si Flora dahil sa narinig. Kapag hindi siya nagsalita ay pipilitin siya ni Safyra at Thyreze na sabihin ang problema niya. Ibinuka niya ang bibig at nagsalita.

"Nakita at nalaman mo na kung ano ang pwede mong gawin sa kapangyarihan mo tapos ngayon ay nag-aalinlangan ka at iniisip na mahina ka dahil bulaklak ang kapangyarihan na napunta sayo?" Tanong ni Steven habang umiiling.

"Harapin mo na lang dahil iyon ang nakatadhana para sayo. Isa kang prinsesa at magiging reyna ka sa ayaw at sa gusto mo, Flora," sabi ni Fyrix.

"Magiging isang mabuting reyna ka, Flora. Harapin mo na dahil ito ang kapalaran mo," dagdag naman ni Thyreze habang may maliit na ngiti sa labi.

"Pero ang nasasakupan ko-"

"Iniisip mo ang kapakanan nilang lahat. Yon ang dahilan kaya isa kang mabuting reyna kaya dapat mo na iyon tanggapin," sabi ni Safyra at pinagkatitigan ng mariin si Flora. "Maraming buhay ang nasayang dati, Flora. Hindi mo dapat hayaan na masayang ang lahat ng pinaghirapan nila para lang mabuhay ka ngayon sa panahong ito."

FEARLESSTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon