Chapter 35: Huli na
“SINO naman ang batang iyan, apo?” tanong ni Lola Molai at nakakunot ang noo niya habang tinitingnan ang mukha ni Wez.
“Nanay mo, manong?” tanong nito sa akin na ikinatawa ko. Kinalabit pa niya ako para lang makuha ang atensyon ko.
“Hindi. Siya ang lola ko. Siya si Lola Molai,” aniko at tumango naman siya.
“Parang ako, may lola rin po. Pero ang lola ko po ay maganda at hindi pa po kulubot ang balat niya. Hindi po siya mukhang manang,” saad niya. Ang daldal din ng batang ito at sinasabi niya ba na mukhang manang si lola?
Tuluyang nakalapit ang lola ko. Nagtago sa likod ko si Wez dahil sa paraan nang pagtitig ni Lola Molai sa bata. Sino ang hindi matatakot?
“'La, tinatakot ninyo naman ho ang bata,” natatawang wika ko pero seryosong tumitig lang talaga siya kay Wez.
“Ampûta. Mangkukulam yata lola mo, manong,” bulong nito sa ’kin na may kasama pang pagmumura. “Parang mangangain ng tao. Pûta!” Mariin akong napapikit. Parang gusto kong pitikin ang bibig ng batang ito.
“Abat! Kaninong anak ’yan, apo? Ang tabas ng dila! Puputulan ko ’yan!” sigaw ng abuela ko sabay duro sa batang babae.
“Wez, ’di ba ang sabi ko ay bawal magsalita ng bad words?” tanong ko sa kaniya sabay hila ko para tumingin siya nang diretso sa mga mata ko pero ako lang ang hindi nakatatagal.
May isang tao kasi kung makatitig sa akin nang ganoon. Nalulunod ako na parang ang hirap umahon.
“Sorry naman po. Sanay na ako. Mama ko nga ganyan din.” Naitikom ko na lamang nang mariin ang bibig ko.
Sino ba ang mama nito para mapitik din ang labi nito? Kung ano-ano na ang sinasabi niya kaya nakukuha iyon ng anak niya.
“Bawal iyon. Hindi maganda para sa bata ang magmura. Hindi iyon healthy,” pangangaral ko pa at pinisil ko ang labi niya ka ikinabungisngis niya. Napangiwi na lamang ako dahil sa nakita kong ngipin niya. “Kaya ka hindi tinutubuan ng ngipin dahil ang hilig mong magmura. Tingnan mo, kulang ang ngipin mo,” sabi ko at ngumisi pa siya para makita ko iyon nang tuluyan.
Nagulat na lamang ako nang lumapit siya kay lola. “Mano po, lola,” sabi niya at nagmano nga siya. Lola ang tawag niya, samantalang sa akin ay manong.
“Sino ba ang batang ito, apo? At ano ang ginagawa niya rito? Sino ang kasama niya?” sunod-sunod na tanong niya.
Tumayo na ako. “Siya po ang bumitbit sa anak ng kabayo ko kahapon, 'La.”
“Eh, kaninong anak naman iyan?”
“Siya po ang tanungin ninyo, ’La,” ani ko sabay turo ko sa bata.
“Sino ang mga magulang mo, bata?” tanong niya kay Wez. Tinitigan pa siya nito tapos ibinaling din sa gawi ko.
“Anak po ako ng mama ko,” sagot lang nito. Napahilot ako sa sentido ko. Si lola naman ay umiling lang at bumuntong-hininga.
“Ang mabuti pa, apo ay papasukin mo muna siya. Naghanda ako ng agahan. Tara na sa loob.” Naglahad ako ng kamay sa bata at matagal niyang tinitigan iyon. Lahat yata ng bagay na nakikita niya ay kailangan pang tingnan.
“Ayaw ko po. Uwi na ako. Hanap na ako ng lola ko,” uniiling na sabi nito at hinaplos pa niya ang katawan ng kabayo.
“Ihahatid kita kapag tapos ka nang kumain. Ayaw mo bang mag-agahan?” tanong ko pa sa kaniya at umakto siya na parang may iniisip.
“Hindi po ako gutom, manong.”
“Wez, ang pangalan ko ay Azul. Huwag mo akong tawagin na manong,” sabi ko dahil hindi yata magandang pakinggan ang tinatawag niya akong ‘manong’.
BINABASA MO ANG
His Ideal Girl (COMPLETED)
RomanceGenre: Romance (taguan ng anak) Si Eljehanni Elites Ciesta, isang heredera ng Villa Ciesta dahil nag-iisang anak lamang siya ng mga magulang niya. Nang makilala niya ang guwapong hardinero nila ay nagkaroon siya ng interes na kilalanin ito. Ayon sa...
