Chapter 46: Fever
AZUL’s POV
DINALA ko na sa factory si Eljehanni para masimulan na rin niya ang survey niya. Nagpasalamat pa ako dahil nagkaroon ng bagyo at alam kong masama iyon pero sa paraan na iyon ay makasasama ko nang mas matagal ang mag-ina ko.
Kahit na ilang beses na rin niya akong pinagtabuyan at ayaw akong bigyan ng pangalawang pagkakataon. Ang mas masaklap pa ay malamig ang pakikitungo sa akin.
Si Wez, akala ko ay magagalit na siya nang tuluyan pero nagawa pa rin niya akong tanggapin. Ikinagulat ko rin ang pagtawag niya ng “papa”, naiintindihan ko pa noong una kung Azul lang ang tawag niya pero ngayon ay kayang-kaya na niya akong tawagin sa dapat niyang itatawag sa akin.
Nagpaalam lang ako na aalis at babalik lang sa factory dahil may mga naiwan pa ako. Gusto pang sumama ng anak ko pero iniwan ko na siya sa mommy niya.
“Boss!” sigaw ni Kuya Gilbert at hinarap ko agad siya.
“Ano po iyon, Kuya Gilbert?” tanong ko at itinuro niya ang cellphone niya.
“May tawag ka sa mansyon niyo, sir,” sagot niya at ibinigay ang cellphone.
Sinabi lang ng kasambahay namin na umalis daw sa mansion ang mag-ina ko. Parang galit na galit daw si Eljehanni at nagmamadali sila.
“Saan ka pupunta, Sir Azul?” tanong ni Mang Esteban. Isa siya sa pinagkakatiwalaan ko rito sa factory dahil maaasahan siyang tauhan, silang dalawa ni Kuya Gilbert.
“Susundan ko lang ho ang mag-ina ko, Mang Esteban. Bigla na lang daw po umalis at ginamit pa ang puting sasakyan sa bahay,” nag-aalalang paliwanag ko.
“Iyong luma mong sasakyan na muntik ka na ring ipahamak? Naku, Sir. Kailangan mo na ngang puntahan ang mag-ina mo roon,” sabi pa niya na tinanguan ko.
Malakas na nga ang tambol sa dibdib ko dahil sa pag-aalala. Ang tigas talaga ng ulo niya. Sinabi ko naman sa kaniya na babalik naman agad kami kapag wala ng bagyo.
“Ang mabuti pa ho, Sir. Samahan ka na namin,” pagpresenta ni Kuya Gilbert. Hindi na ako tumanggi pa at sumakay na kami pareho sa hummer na gamit nila.
“Hindi pa maayos ang relasyon ninyo, boss?” tanong ni Mang Esteban na nasa backseat at nagmamaneho na rin si Kuya Gilbert.
“Hindi pa ho. Malaki pa ang galit sa akin ng nanay ng anak ko, Mang Esteban,” sagot ko.
Naalala ko tuloy noong panliligaw ko sa kaniya. Sinagot niya agad ako pero ngayon naman ay ang hirap nang makuha ang loob niya. Lalapit nga lang ako sa kaniya ay magagalit na agad at sasamaan na ako nang tingin.
“Magkakaayos din kayo, boss. Mayroon na rin po kayong anak. Sa nakikita ko na busilak naman ang kalooban ni Señorita Eljeh at lahat ng mga trabahador ay nagagawa niyang pakisamahan,” paliwanag pa ni Kuya Gilbert na ikinatango ko.
“Totoo po iyan. Pinalaki po siya ng mga magulang niya na magalang at mapagmahal sa mga trabahador nila roon sa Sta Rosa,” buong pagmamalaki na sambit ko naman.
Mas nag-alala lang ako nang makita ko ang pagkulimlim ng kalangitan at isa lang ang ibig sabihin nito. Babagsak na naman ang malakas na ulan kaya kahit madulas ang kalsada ay bumilis na rin ang sasakyan namin.
Nakita na lang namin ang sasakyan kong nakaparada sa gilid ng kalsada na ilang beses na rin itong nasira kaya hindi ko na ginagamit pa. Agad akong bumaba dahil nasa labas si Eljehanni.
Hindi ko na pinansin pa ang malakas na patak ng ulan. Hinubad ko agad ang coat ko at nang makalapit na ako sa kaniya ay isinuot ko agad iyon sa kaniya.
“Ang tigas ng ulo mo, Eljehanni,” mariin na saad ko at naramdaman ko ang panlalamig ng katawan niya. Basang-basa na siya ng ulan.
BINABASA MO ANG
His Ideal Girl (COMPLETED)
RomanceGenre: Romance (taguan ng anak) Si Eljehanni Elites Ciesta, isang heredera ng Villa Ciesta dahil nag-iisang anak lamang siya ng mga magulang niya. Nang makilala niya ang guwapong hardinero nila ay nagkaroon siya ng interes na kilalanin ito. Ayon sa...
