MERRY CHRISTMAS, MAʼAM!

62 4 0
                                    

“Grade six, bring bond paper tomorrow. We will draw Christmas lanterns.”

Iyon ang sabi ng teacher nila Almira. Nagliligpit na siya ng gamit niya ngayon dahil oras na ng kanilang uwian.

“Almira, maiwan ka saglit at maglinis ng room. Siguraduhin mong naka-lock ang pinto bago ka umalis,” ani ng kaniya guro.

Hindi kumibo si Almira. Palagi kasing gano’n ang ginagawa niya sa tuwing sasapit ang hapon. Palaging siya ang pinaglilinis ng buong classroom nila at pinaiiwan ng teacher niya.

Noong grade five pa lang siya ay palaging siya ang napagdidiskitahan ng teacher niyang ito. Ngayong grade six na siya ay gano’n pa rin. Hindi siya nito hinahayaang umuwi ng hapon na hindi nakakapaglinis ng classroom. Madalas ay kung anu-ano pang mga pinagagawa sa kaniya, kagaya na lamang ng pagbili ng pagkain nito sa canteen. Nauubos ang oras niya ro’n sa pagpila imbes na magreview na lamang siya para sa exam o hindi kaya ay quiz minsan.

“Gabi ka na namang umuwi. Ano ba naman, Almira. Lumalandi ka pa ba? Wala ka nang nagagawa rito sa bahay. Palaging late ang uwi mo!” sigaw ng ina ni Almira sa kaniya.

Nang magmano si Almira ay tinabig ng ginang ang kamay nito. Galit niyang tiningnan ang tahimik na si Almira.

“Nay, pinaglinis pa po kasi ako ni Ma’am sa room namin kaya po hin---”

Naputol ang sinasabi niya nang sampalin siya ng ina. Gulat ang bumalay sa mukha ni Almira at napahawak sa pisnging sinampal ng ina.

“Palaging ganiyan ang sinasabi mo. Wala kang ibang alam idahilan kundi iyan. Ang sabihin mo ay lumalandi ka na kaya palagi kang late umuuwi!” sigaw ng ginang.

Tumulo ang luha sa mga mata ni Almira. Masasakit na salita na naman kasi ang natanggap niya mula sa ina. At ngayon, nakatanggap pa siya ng pisikal na sakit mula rito. Ang ama niya ang palaging bumubugbog sa kaniya, pero ngayon, ang ina niya ang nagbuhat kamay sa kaniya.

Inasikaso niya na ang mga kapatid para sa hapunan. Nang matapos ay siya naman ang nag-asikaso ng kaniyang sarili. Bata pa lang ay sa kaniya na inasa ang mga ganitong gawain. Tatlo ang kapatid niyang inaalagaan niya. Kapag walang pasok ay nagtatrabaho pa siya sa isang tita niya bilang tagahugas ng plato sa karinderya.

Ang pagod na nararamdaman niya sa bahay ay nadadagdagan pa pagdating sa eskwelahan. Palagi siyang tinatambakan ng gawain ng teacher niya. Nakasanayan niya na iyon sa mahigit isang taon niyang teacher iyon.

“Get your bond paper, everyone!” malakas na sabi ng teacher nila.

Nilabas ni Almira ang bondpaper na binili niya sa tindahan kanina. Limang piso ay tatlong piraso. Ginamit niya pa ang pambaon niya para sa bondpaper na iyon. Wala na siyang pambili ng soup mamaya dahil ubos na ang pera niya. Limang piso ang isang mangkok na soup sa canteen nila, at iyon lang ang palaging kinakain niya tuwing recess nila.

“Pagandahan ng drawing. Ididisplay natin iyan sa pader ng room na ’to. Pipili ako ng limang magandang drawing,” sabi pa ng guro.

Nagsimula silang magdrawing ng parol. Buong atensyon ni Almira ay nasa drawing niya. Sa bawat pagguhit niya ay naaalala niya ang ilang taon na nagdaan na masaya ang pasko nila bilang buong pamilya.

Anim na taong gulang lang siya nang mamatay ang ate niya. Simula no’n, naging mainitin na ang ulo ng tatay niya at palaging siya ang pinagbubuntunan ng galit nito. Ang nanay niya na noon ay masayahin at palaging sweet sa kaniya, nagbago rin simula ng mamatay ang ate niya.

Iniisip kasi ng magulang niya na kasalanan niya kung bakit namatay ang ate niya. Pero ang totoo, isang tao lang ang dahilan kung bakit naglason ang ate niya. Ang teacher niya ngayon ang may kasalanan. Sinubukang isumbong ni Almira iyon pero wala rin siyang napala. Hindi siya pinaniwalaan ng mga tao. Mas lalo pang nagalit sa kaniya ang magulang niya dahil nagsampa ng kaso ang guro dahil pinagbibintangan daw siya sa hindi niya ginawa.

“Pass your paper.”

Ipinasa ni Almira ang gawa niya. Nang kunin ng teacher niya iyon ay agad itong nilukot. Nagulat siya pero hindi umimik. Nakatayo lang siya sa harapan at nakatingin sa gawa niya na nilukot ng guro.

“Ang ganitong gawa ay bagay lang sa basurahan. Grade six ka na pero ang drawing mo ay pang grade one. Mas maganda pa nga rito ang gawa ng grade one.”

Gusto niyang umiyak pero pinigilan niya ang sarili niya. Ayaw niyang ipakitang mahina siya. Dahil ganito rin ang ate niya noon. Ito rin ang naranasan ng ate niya sa kamay ng gurong ito. Ayaw niyang matulad sa ate niya. Ayaw niyang magpatalo sa mga ginagawa ng teacher niya.

“Next time ayusin mo naman. Ang pangit ng gawa mo.”

Iyon ang sabi ng teacher niya habang unti-unting pinupunit ang pinaghirapan niyang drawing. Tahimik ang buong classroom at tanging ang punit ng papel at  electricfan lang ang nagsisilbing ingay. Pero nadagdagan iyon ng mahinang hikbi ni Almira.

“Ano po bang kasalanan ko sa inyo? Anong kasalanan namin ng ate ko? Ikaw ang dahilan kung bakit siya naglason. Lahat ng pagpapahirap ginawa mo sa kaniya. At ngayon, pati po ako ay nakakaranas no’n. Ano bang nagawa namin sa inyo?” hindi na napigil ni Almira na banggitin iyon.

“Gusto mo talagang malaman?” mariing tanong ng guro.

Tumayo ito at lumapit kay Almira. Galit ang mga tingin at dinuro ng daliri ang noo ng umiiyak na si Almira.

“Wala kayong kwenta. Anak kayo ng babaeng pumatay sa ama ko. Malandi ang nanay ninyo. At gano’n din kayo ng ate mo. Magiging katulad ka rin ng nanay mong malandi!” sigaw nito.

Napaupo si Almira sa sahig dahil sa lakas ng tulak sa kaniya ng guro. Hindi maipinta ang mukha nito dahil sa galit.

“Wala kaming kasalanan sa nangyari sa ama mo, Ma’am. Namatay ang ate ko nang dahil sa ’yo. Hindi ka pa ba kuntento ro’n? Gusto mo bang pati ako mamatay rin para lang matigil ka?” sigaw ni Almira.

Tahimik pa rin ang mga kaklase niya. Takot dahil sa galit nilang guro.

“Oo, Almira. Matitigil lang ako kapag pati ikaw sumunod na sa ate mo. Sasaya ako kapag nangyari ’yon. Naiintindihan mo ba? Wala kang kwenta. Kagaya ng ate mo, wala kang utak. Bobo ka. Napakatanga mo. Lahat ng grades mo puro pasang-awa lang. Dapat nga hindi ka na nakatungtong ng grade six.”

Lumapit ang guro kay Almira para muling duruin ang noo ng bata. Habang binibitawan ang mga katagang...

“Bobo ka. Inutil. Walang alam. Walang kwenta.”

Hindi na nakayanan ni Almira ang masasakit na salitang iyon. Nagtatakbo siya palabas ng room. Pauwi siya sa kanila habang umiiyak.

Pagkarating sa kanila ay nagkulong siya sa kwarto at hinayaan ang sariling ilabas ang lahat ng luhang gustong kumawala. Ilang oras matapos no’n, kahit tinatawag na siya sa labas ng magulang niya ay hindi siya kumikibo. Kumuha siya ng papel at crayola. Gumuhit siya ng parol. Katulad ng guhit niya na sinira ng teacher niya kanina.

“Merry Christmas, Ma’am.”

Nakangiti siya habang nakatingin sa gawa niyang iyon. Nilapag niya sa lamesa iyon. Binuksan niya ang drawer at kinuha ang bagay na matagal niya nang tinago ro’n. Ang lubid kasama ang sulat ng kapatid niya. Ang pamamaalam ng kapatid niya.

Nakatitig sa lubid na hawak si Almira. Tipid siyang ngumiti at muling sinulyapan ang drawing niyang mga parol. Napatingin siya sa bukas na bintana. Umakyat siya sa lamesa at kinabit ang lubid na hawak.

“Pagod na pagod na po kasi ako, Ma’am. Itong inutil, bobo, tanga, at walang alam na babaeng ’to, susuko na po. Kung ikasasaya ninyo na mawala na ako, gagawin ko po. Kung sa ganitong paraan kita mapapasaya sa kabila ng mga ginawa mo sa akin, gagawin ko ’to.”

Inilagay niya ang ulo sa lubid. Muli ay tiningnan niya ang drawing niyang kaparehas ng ginawa niya kanina sa eskwelahan. Nakangiti niyang iniwas ang tingin doon.

“Gagawa na ako ng magandang parol, Ma’am. Parol na hindi mo makakalimutan kapag nakita mo. Parol na ikaw ang magiging dahilan kung bakit nakasabit.”

At hinayaan na ni Almira na humigpit sa leeg niya ang lubid. Nasa ikalawang palapag ang kwarto niya, kaya nakabitin siya ngayon sa bintana niya. Kagaya ng parol na makikita sa mga bintana ng kapitbahay nila.

----

One Shot StoriesTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon