Mabagal ang bawat pagkalabit ko sa gitara habang nakatingin sa maamong mukha niya.
“O, kay gandang pagmasdan
Ng maamo mong mukha...”
I tried to make a song for her. Sinasakto ko lang sa tono na naimbento ko rin ngayon-ngayon lang.
Nakatitig lang siya sa akin, bahagyang namumula ang mukha. Pinagpatuloy ko ang pagtugtog at sa isip ko tinuloy ang mga lyrics na babagay sa kanta.
“Saka ko na ipaparinig sa ’yo kapag nabuo ko na ang kanta,” sabi ko sa kaniya.
Nilapag ko ang gitara sa tabi ko at hinawakan ko ang kamay niya. Mas lalong pumula ang pisngi niya. Bahagya naman din akong natawa.
Sobrang cute niya talaga. Magtatatlong taon na kaming may relasyon pero sa tuwing hahawakan ko siya ay namumula pa rin siya. Parang palaging first time niya ang mga kilos ko para sa kaniya.
“Gusto mo ba ng maiinom?” tanong niya. Ang boses ay sobrang malumanay.
Nandito kami sa kubo nila. Dito kami madalas tumambay kapag magkasama. Dito gumagawa ng mga school works niya, dito ako bumubuo ng kanta at dito kami naglalambingan na dalawa.
Nakatitig lang ako sa kaniya dahilan kung bakit naiilang siya. Siguro nga ay hindi pa rin siya sanay sa akin kahit tatlong taon na kami. Ako ang unang boyfriend niya, at hindi naman na ako papayag na may sumunod pa. Ako na rin ang magiging huli niya.
“Axel... Gusto mo bang maiinom?” tanong niya ulit.
Sadyang malumanay talaga ang tono niya. Kaya kahit galit na siya sa akin minsan, imbes na matakot ay natatawa pa ako. Sobrang cute kasi talaga ng boses niya, maging siya mismo.
“No. I’m fine,” sagot ko habang nakatitig pa rin sa kaniya.
Iniwas niya ang tingin sa akin. Pinalobo ang pisngi dahil sa hiyang nararamdaman. Muli na naman tuloy akong natawa.
“Ang sarap mong ibulsa, Thraia. Napakacute mo talaga, mahal.”
Hinalikan ko ang likod ng palad niya. Bahagya ko siyang hinapit palapit sa akin at niyakap. Mahigpit na yakap pero puno ng ingat na hindi siya masaktan.
Inubos namin ang oras namin sa gano’n. Nang sumapit ang gabi ay nagpaalam na ako sa kaniya dahil kailangan ko na ring umuwi. Binilinan ko pa siya sa mga dapat niyang gawin, minsan kasi ay nakakalimutan niyang uminom ng gamot niya lalo na kapag gabi.
May sakit siya. Ang sabi ng magulang niya ay may cancer siya. Pero matagal na raw simula nang magamot si Thraia. Vitamins na lang ang iniinom niya para mas lalong makabawi ang katawan niya sa naging sakit niya.
Nang makauwi ay sinimulan ko nang gawin ang kantang naisip ko kanina. Hindi naman ako nahirapan lalo na at si Thraia naman ang pinupunto ko sa kantang ito.
“Ang husay talaga ng anak ko!” puri ni Mommy sa akin. Narinig niya pala ang pagkanta ko.
Nahiya man ay pinagpatuloy ko ang pagkanta. Nakangiti siyang nakatingin sa akin.
“Sigurado akong magugustuhan ni Thraia ang kanta mong iyan,” dagdag niya pa.
Sinara ko ang notebook kung saan sinulat ko ang lyrics ko. Konting practice lang ang kailangan ko at magagawa ko nang kantahin ito kay Thraia.
“Salamat, ’my!” Nilapag ko ang gitara ko sa kama.
“Halika na at maghapunan na tayo,” pag-aaya niya.
Mabilis naman akong tumango at sumunod sa kaniya. Naghanda na pala siya ng hapunan namin. Sabay-sabay na kaming kumain kasama si Lola.
Ilang araw kong pinagpractice-an ang kantang ginawa ko. Kahit nasa school ay pina-practice ko pa rin iyon. Naririnig nga ng mga kaibigan ko kaya puro tukso na naman ang natanggap ko sa kanila.
“Teka lang. Sagutin ko lang ’to,” paalam ko sa kanila nang mapansin kong may tawag sa akin.
Agad kong sinagot iyon kahit hindi naka-save sa akin ang number. Hindi muna ako nagsalita.
[“Axel? Axel, si Thraia sinugod sa Ospital.”] Boses ng Mommy ni Thraia iyon.
“Saang Ospital po?” tanong ko. Puno ng kaba ang dibdib ko ngayon.
Oras na malaman ko kung saang Ospital ay agad akong sumugod doon. Wala na akong pakielam kahit cutting class na ako. Mas mahalaga ang babaeng mahal ko na nasa Ospital ngayon.
“Thraia? Thraia?”
Agad sumalubong sa akin ang magulang niya. Umiiyak ang Mommy ni Thraia habang ang Daddy nito ay umaalo para sa asawa.
Agad dumako ang tingin ko sa nakahigang si Thraia. Maputla ang labi niya. Mabilis akong lumapit sa kaniya.
“Mahal... Kumusta pakiramdam mo?” malambing kong tanong sa kaniya.
Dahan-dahan niyang minulat ang mga mata. Nang makita ako ay tipid siyang ngumiti sa akin. Bakas ang panghihina sa kaniya.
“Tita, what happened?” tanong ko, pero kay Thraia pa rin nakatuon ang tingin ko.
“Bumalik ang sakit niya,” sagot ng Daddy ni Thraia.
Mariin akong napapikit. Nang idilat ko ang mga mata ko ay naging malumanay iyon dahil sa nakatitig na mata rin ni Thraia sa akin.
“G-gusto kong m-marinig... K-kanta m...” Nahihirapan siyang magsalita dahil sa panghihina.
Mahigpit ang hawak ko sa kamay niya. Hinalikan ko iyon ng tatlong beses at tumango sa kaniya.
Nagsimula akong kantahin ang kantang binuo ko para sa kaniya. Hindi ko dala ang gitara ko, mas okay sana kung may gitara para mas magandang pakinggan ang kanta.
“A-ang g-ganda...”
Pinilit niya ring higpitan ang hawak sa kamay ko. Walang lakas ang kamay niya. Nakatitig lang ako ro’n at nanggigilid na ang luha ko. Ayaw kong nakikita siyang nahihirapan.
“Thraia?” pagtawag ng Mommy niya.
Mabilis akong napatingin kay Thraia. Unti-unting sumasara ang mga mata niya. Mas lalong kumabog ang dibdib ko sa kaba.
May maliit na ngiti sa labi niya. Sa akin nakatuon ang mga mata niyang unti-unting pumipikit.
“No. Thraia, please... No.”
Tuluyang bumuhos ang luha na pinipigilan ko kanina. Nakakabingi para sa akin ang tunog ng machine kung saan malalaman kung buhay pa o wala na ang pasyente. Isang mahabang tunog iyon, ang tunog na nagpapatunay na tumigil na sa pagtibok ang puso ni Thraia.
“Last year pa bumalik ang sakit niya. Hindi niya lang sinabi sa iyo dahil ayaw niyang mag-alala ka pa,” Her Dad said.
Nakatingin ako sa maamong mukha ng babaeng mahal ko. Nakahiga na siya ngayon sa puting kabaong. Hindi ko kayang tanggapin ang lahat ng ito. Masakit. Sobrang sakit.
Ang mga gamot na iniinom niya, akala ko talaga ay iniinom niya. Malala na raw talaga ang sakit niya kaya tinigil niya na ang pag-inom ng gamot.
Ngayon ko napagtanto kung gaano nga siyang nagbago noong mga nakaraang buwan. Pumayat siya at palaging nanghihina. Akala ko normal lang noon. Hindi pala. May sakit pala ulit siya.
Ang harana ko para sa kaniya, naging kanta para sa huling araw niya. Ang kantang binuo ko at pinlanong iparinig sa kaniya habang nasa harap kami ng maraming tao, may mga bulaklak sa paligid at ako na nakaluhod sa harapan niya, nawala na lang bigla.
Ngayon, kinakanta ko iyon sa harap ng maraming tao, may mga bulaklak na hinahagis sa pababa niyang kabaong habang ako ay nakatayo at pinanonood ang unti-unti niyang pagkawala sa akin.
Hindi ito ang pinlano ko, Thraia. Sa kasal ang gusto kong kahahantungan nating dalawa, hindi sa ganitong paraan, mahal. Hindi sa paghatid ko sa ’yo sa libingan.
BINABASA MO ANG
One Shot Stories
Short Story©All Rights Reserved COLLECTION Started: September 2, 2024 Ended: Collection of my one shot stories. Photo in book cover is mine and captured by me. ^^ Romance ✔️ Tragic ✔️ Horror ✔️ Open ending story ✔️ Teen Fiction ✔️ Mystery Thriller ✔️