Pagtingin

8 3 0
                                    

HER POV:

Gustong-gusto ko siya. Hindi dahil sa gwapo siya o matalino. May kung ano sa kaniya na hindi ko maipaliwanag. Basta ang alam ko lang, gusto ko siya. Na sa tuwing nakikita ko siya kahit sa malayo, bumibilis ang tibok ng puso ko.

“Janine, pasama naman sa cafeteria. Nagugutom na kasi ako,” sabi ni Phine.

Agad naman akong tumayo sa kinauupuan ko. Wala pa naman si Ma’am, wala naman din kaming ginagawa ngayon. Nagugutom din ako kaya sasama ako kay Phine ngayon.

Nakaangkala siya sa braso ko habang naglalakad kami papunta sa cafeteria. Maraming bumabati sa amin, kahit na hindi naman namin pinapansin. Siguro dahil maganda kami parehas, hindi naman kami sobrang sikat. Nakakasabay lang sa uso, kaya masyado rin sigurong pansinin.

Tulad ko, naka-braces kasi ako dahil hindi maayos ang ngipin ko. Minsan nagsusuot ako ng eyeglasses kapag hindi ko makita ang sinusulat ko. Pero hindi ako nagmumukhang nerd or what. Siguro ay depende na lang sa pagdadala. Kagaya ng sabi ko, nakakasabay kami sa uso. Aesthetic girls nga ang tawag sa amin dito.

“Uy! Si Ralph oh. ’Yung crush mo,” bulong ni Phine sa akin.

Agad akong napatingin kung saan pasimpleng tinuro ni Phine ang pwesto nila Ralph. Ang gwapo niya talaga. Malayo pa kami pero kitang-kita ko na ang mga mata niyang lalong sumisingkit dahil sa pagtawa niya.

Matagal ko na siyang gusto. Baka nga higit pa ro’n ang nararamdaman ko para sa kaniya. Pero hindi ako umaamin. May pakiramdam kasi ako na may gusto siya sa bestfriend ko. Madalas ko kasing makita na nakatingin siya rito. Minsan nagkakausap din sila.

“Hindi naman ako papansinin,” nasabi ko na lang.

Hinatak ko si Phine para makapila na kami. Masyadong marami ang nasa pila, kung magtatagal kami sa pintuan ng cafeteria ay baka abutin kami ng time sa  second subject dito.

Hindi na ako umaasa na mapapansin ako ni Ralph. He’s out of my league. Masyado siyang matalino. Gwapo. Mabait. Varsity pa. Nasa kaniya na nga yata lahat. Girlfriend na lang ang kulang. Sa rami ng nagkakagusto sa kaniya, walang nababalita na may girlfriend na siya. Focus sa study? O baka may hinihintay na babae. Baka si Phine talaga ang gusto niya.

“Wala man lang kasing pa-mix and match dito,” sabi ng nasa likuran namin.

Kumabog ang dibdib ko. Pati boses niya ang gwapo rin. Wala bang pangit sa lalaking ito?

Nakakakaba na nandito siya sa likuran namin. Para tuloy akong natuod sa kinatatayuan ko. Nakaangkala sa akin si Phine, kaya kapag umusad kami sa pila ay matatangay niya naman ako.

“Hindi naman pwede rito ’yon,” sagot ni Phine.

Close na siguro talaga sila. Ilang beses naman na silang nagkakausap. Madalas nga ay napagkakamalan na silang may something. Wala namang nababanggit si Phine sa akin tungkol doon.

Siguro ayaw niya akong masaktan. Alam niya kung gaano ko kagusto si Ralph. Baka pinopormahan na siya nito, pero hindi niya masabi sa akin. Baka iniisip niya rin ang nararamdaman ko. Kung magkagustuhan man sila sa isa’t-isa, hindi naman ako tututol. Kung saan sila masaya, masaya rin ako para sa kanila. May konting kirot siguro, pero genuine na magiging happy ako para sa kanila.

“Kaya nga. Gusto ko pa naman sana ng mix and match,” sabi pa ni Ralph.

Hindi ako umiimik. Ganito naman palagi. Kapag nasa malapit siya ay hindi ako makakilos nang maayos, para bang conscious ako palagi kahit hindi naman niya ako napapansin. Pakiramdam ko kapag nagsalita ako, mauutal ako.

Laking ginhawa ko nang makabili kami at makaalis na sa cafeteria. Inaasar ako ni Phine, para daw akong estatwa kanina. Naconscious tuloy ako. Pero ayos lang, hindi naman ako napapansin ni Ralph. Ang buong atensyon niya ay na kay Phine sigurado.

“Phine, tawag ka ni Ralph. May itatanong daw sa ’yo,” sabi ng isa naming kaklase.

Kaklase rin namin si Ralph. Pero sa gawing dulo siya lagi nakapwesto. Nasa unahan naman ako, katabi ko si Phine. Tumingin pa nga si Phine sa akin matapos banggitin iyon ng kaklase namin. Tumango lang ako at bahagyang ngumiti.

Siguro nga may something sa kanilang dalawa. Baka tatanungin na siya ni Ralph kung pwede itong manligaw. Kung gano’n man, sana hindi niya na lang isipin ang mararamdaman ko. Gusto ko silang sumaya pareho. Ayaw kong maging dahilan pa ako para maudlot ang love story nilang dalawa.

Inabot ng halos thirty minutes ang tinagal ni Phine sa likod. Hindi ako bumabaling kahit na gustuhin ko mang gawin. Ayaw kong makita. Naririnig ko pa nga na parang inaasar nila si Ralph sa likuran. Siguro nga ay umamin na ito, o baka nagtanong na kung pwede na siyang pumorma.

Hindi ako nagtanong kay Phine nang makabalik ito sa tabi ko. Nakangisi nga siya. Hindi rin naman siya nagsabi. Nacurious ako at napaisip kung ano kaya ang naging usapan nila. Pero ayaw kong usisain pa iyon. Dumating na rin naman ang teacher namin, kaya pinilit kong iwaglit na lang sa isip ko ang kung ano mang napag-usapan nung dalawa.

“Magsitayo muna kayo. Aayusin ko na ang seating arrangement ninyo. Masyado kayong maiingay kapag katabi ang mga kaibigan ninyo,” sabi ni Ma’am.

Nalungkot naman ako. Hindi ko na makakatabi si Phine. Walang gana tuloy akong tumayo at sumunod sa harapan kung nasaan ang iba pa. Tinawag ni Ma’am ang mga nauna. Nakapwesto na ang mga ito. Comia ako, kaya malapit na rin akong tawagin.

“Comia, dito ka sa pangalawa sa gitna,” sabi ni Ma’am.

Nilingon ko si Phine, parehas kaming nakasimangot na. Naupo na ako sa upuan kung saan tinuro ni Ma’am. Sino naman kayang makakatabi ko? Sana naman hindi siya maingay, ayaw kong sobrang ingay na katabi.

“Vicuña, malalagay ka na naman sa likod dahil letter V ka. Kaya ilalagay na lang kita rito sa gitna. Sa tabi ka ni Comia,” sabi ni Ma’am.

Laglag ang panga ko nang marinig iyon. Hindi man kami sobrang tabi dahil may kaunting space, still malapit pa rin siya sa pwesto ko. Paano ako makakakilos nito nang maayos? Mabilis akong ma-conscious dahil sa kaniya, bakit pinagtabi pa kaming dalawa.

Para na naman tuloy akong natuod sa kinauupuan ko ngayon. Nakatingin lang ako sa harapan. Pakiramdam ko nga may nakatingin sa akin, pero ayaw kong lingunin, baka isipin ni Ralph ay tinitingnan ko siya.

Pero ilang minuto lang ang nakalipas ay bumaling ako sa kaniya. Nakatingin siya sa harapan at nakangisi. Ang gwapo. Hindi ko alam kung anong dahilan ng ngisi niya. Wala namang interesante sa tinitingnan niya. Nagtagal ang tingin ko sa kaniya, nang mapansin kong pabaling na siya sa akin ay agad akong tumingin sa harapan.

Ang bilis ng tibok ng puso ko. Hindi naman siguro niya nakita na nakatingin ako sa kaniya. Sana hindi. Baka kung anong isipin niya.

“Ang saya ni Ralph, Ma’am. Itinabi mo raw siya sa babaeng gusto niya,” sabi ni Von, ang kaibigan ni Ralph.

Inasar nila si Ralph. Hindi naman ata ako ang tinutukoy? May babae rin siyang katabi sa kabila niya. Baka iyon? Pero hindi naman si Phine iyon. Si Phine ang gusto ni Ralph ’di ba?

“Ilang beses akong kinulit niyan ni Ralph para lang makatabi si Janine. Sumasakit na raw kasi ang batok niya kasusulyap sa malayo,” sabi naman ni Ma’am.

Nag-init ang pisngi ko. Inaasar na nila kami ngayon. Napatingin ako kay Ralph at nakita kong nakatingin din siya sa akin. Nakangiti siya. Shit! Ang gwapo. Bahagya siyang napanguso para itago ang ngiti.

“Tagal na akong kinukulit niyan, bes. Payagan mo nang pormahan ka,” sabi ni Phine.

Nanlaki ang mga mata ko at hinanap ang kaibigan ko. Nasa gawing likod siya. Kumindat siya sa akin nang makita ako.

Ibig sabihin…

“Hindi ako torpe, pero pagdating sa ’yo, hindi ko alam kung paano sisimulan ang sasabihin ko,” mahinang sabi ni Ralph.

Bumaling ako sa gawi niya. Hindi naalis ang tingin niya sa akin. Para akong matutunaw. Ang gwapo niya talaga.

“Pwede bang manligaw?” tanong niya na talagang nakapagpalaglag sa panga ko.

---------

One Shot StoriesTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon