Chapter 1

16.1K 257 4
                                    

Nasaan ka man naroroon, kahit wala ka na sa tabi ko, kahit hindi na kita kasama ngayon, ang ala-ala mo'y mananatiling buhay sa puso't pagkatao ko. Saksi ko ngayon ang mga alon sa dalampasigan, ang mga ibon na nagsisiliparan at ang hanging malamig na sumasayaw sa paligid sa wagas kong pag-ibig na ala'y ko lamang sa iyo, magpakailaman.

Dalawampung taon na ang nakakaraan sa Baryo ng San Roque... malayo sa kabahisnan, ang araw kung saan nagsimula ang lahat. Halos maghahating gabi na, tahimik na ang buong paligid maliban na lamang sa pamamahay ng mag-asawa na sina Edgardo at Esther. Isisilang na kasi ni Esther ang anak nila ni Edgardo. Nakatira lamang sila sa isang maliit na kubo katabi ng ilog, sa gitna ng matataas na talahiban, malayo sa mga tao. Tila sumasabay ang panahon sa sakit na nararamdaman ni Esther ngayong manganganak na siya. Dinig na dinig mula sa labas ang ungol ni Esther dahil sa sobrang sakit na kanyang nararamdaman. Wala namang tigil ang kidlat sa kakapatay sindi nito sa kalangitan. Maging ang tunog na nagmumula sa agos ng ilog ay tila natatabunan na ng sigaw ni Esther. Medyo lumalamig na ang simoy ng hangin na parang may masamang bagyo na paparating. Unti-unti nang natatakpan ng ulap ang maliwanag na buwan. Tulog na ang lahat maging ang mga kuliglig sa sobrang lalim na ng gabi, pero ang mag-asawa ay hindi pa. Hindi alam ni Edgardo ang gagawin, hindi niya alam kung lalabas ba siya at hihingi ng tulong o kung mananatili ba siya sa loob para samahan ang asawa at siya na lamang ang magpapaanak rito. Kumuha siya ng maligamgam na tubig at nilagay niya ito sa isang palanggana at isang maliit na pamunas. Pawis na pawis na ang kanyang asawa at nanghihina na rin ito. Unti-unti nang nawawala ang lakas ni Esther sa kanyang buong katawan na tila bibigay na. Pero masyadong matapang si Esther, hindi na niya kayang maghintay pa ng kumadrona o tulong ng kahit na sino. Kailangan na niyang ilabas ang bata sa lalong madaling panahon. Pumutok na ang kanyang panubigan. Agad na umire si Esther at pilit na inilalabas ang bata mula sa kanyang sinapupunan, natatakot siya na tuluyan siyang maubusan ng lakas habang nasa loob pa ang bata na pwedeng ikamatay ng sanggol. Nilagyan ni Edgardo ng maliit na tela ang bibig ng asawa at kinakagat naman ito ni Esther nang matindi habang buong lakas at tapang niyang niluluwal mula sa kanyang sinapupunan ang bunga ng pag-iibigan nila ni Edgardo. Hindi umaalis si Edgardo sa tabi niya, kahit na hindi si Edgardo ang nanganganak pero sa suporta at pagmamahal na ipinapakita niya sa naghihirap na asawa ay para niyang nililipat ang buong lakas niya rito habang nanganganak. Hindi talaga nila binibitawan ang kamay ng isa't isa.

Edgardo: Sige mahal, kaya mo 'yan. Nandito lang ako sa tabi mo, hindi kita iiwan. Sige pa mahal.

Sa bawat pagbigkas ni Edgardo ng mga katagang 'yun ay mas lalong tumatapang naman si Esther. Tila nagbibigay lakas sa kanya ang pag-asa at pagmamahal na ipinapakita sa kanya ng asawa.

Bago lang sila sa Baryo ng San Roque, wala silang kapitbahay, kakilala o kaibigan sa buong lugar. Malayo ang kanilang tinitirhan sa mga kabahayan ng naturang bayan. Pero kahit na silang dalawa lamang ay masaya pa rin sila at kontento sa kabila ng kanilang pamumuhay na payak at simple. Tama na sa kanila ang nakakain sila nang tatlong beses sa isang araw at magkaroon ng malusog na pangangatawan basta't magkasama lang sila. Pero hindi nila akalain na lahat ng ito ay mawawala lang nang bigla sa pagsilang ng kanilang anak... na lalaki.

Edgardo: Marcus.

Ang unang salitang lumabas sa bibig ng masayang ama ng si Edgardo habang karga-karga niya sa kanyang mga braso ang supling.

Esther: Napakagandang pangalan.

Ang siyang sagot naman ni Esther bago ito... nalagutan ng hininga.

Duguang nawalan ng buhay si Esther, ni hindi pa siya nalilinisan ng asawa. Ang unang iyak lamang ng kanyang anak ang tanging narinig niya mula rito. Nanlaki ang mga mata ni Edgardo nang makita niya mismo sa kanyang harapan ang pagkawala ng asawa. Napaupo na lamang siya sa kama katabi ng hindi na humihingang kabiyak. Hinawakan niya ito at pilit na ginigising, pero wala na talaga. Habang hawak-hawak naman niya sa kanyang kabilang braso ang kakalabas lamang sa mundo na anak.

Edgardo: Esther? Mahal ko? Esther?

Biglang humagulhol ang kanina lamang ay masaya na bagong ama sa sobrang lungkot dahil sa isang iglap ay nawala sa kanya ang kanyang pinakamamahal na babae. Lumuhod siya sa sahig katabi ng kama habang nakahawak ang isang kamay sa kamay ng asawa. Parang binagsakan ng langit si Edgardo sa pagkawala ng kanyang irog. Pero hindi pa natatapos ang kalbaryo ni Edgardo, sa kanyang pagluluksa sa pagkamatay ng kanyang asawa ay narinig niya ang katiting na ingay na nagmumula sa hindi kalayuan sa kanilang munting kubo. Unti-unti itong lumalakas na tila papunta sa kanilang pamamahay ang kung ano man ang naglilikha ng ingay na yaon. Agad na sumilip si Edgardo sa bintana, at sa hindi nga kalayuan mula sa pinagtitirikan ng kanilang bahay ay may nakikita siyang ilaw, hindi lang basta ilaw, kundi malaking ilaw. Na para bang may sinusunog na mga talahib, pero alam niyang hindi ito sunog, dahil unti-unti itong lumalapit sa kanya na may dalang ingay na hindi niya pa naiintindihan. Pero kinalaunan pagkatapos ng ilang minuto ay naging maliwanag na ang lahat sa kanya, maliwanag pa sa mga bituwin sa kalangitan na unti-unti na ring natatakpan ng mga ulap na tila nakikiramay rin sa kanya ang panahon sa kanyang kawalan. Ang ilaw pala at ingay na papalapit sa kanilang bahay ay gawa ng mga taong bayan. At ang tanging sigaw nila ay....

Patayin, patayin ang mga demonyo! Patayin, patayin ang mga salot! Patayin, patayin ang mga isinumpa! Patayin! Patayin!

Habang bitbit nila ang mga lampara na nakasindi. Karga din nila sa kanilang mga kamay ang mga armas na ginagamit lamang nila kapag nangangaso sila sa kagubatan. Matutulis, mahahaba at tiyak na ang tatamaan ng mga ito ay walang ligtas at walang ibang mapupuntahan kundi kamatayan.

Nalipat muli ang atensyon ni Edgardo sa asawang wala ng buhay na nakahiga sa kanilang kama. Hindi niya kayang iwan lamang ang asawa at itakas ang kanilang anak. Nilapitan niya ang bangkay ng asawa at biglang naging seryoso ang kanyang mukha

Edgardo: Patawarin mo ako mahal ko, pero wala na akong ibang maisip kundi ang gawin 'to. Hindi ko kayang mawala ka at kailangan ka rin ng anak natin.

Habang walang tigil ang pagluha ni Edgardo sa sobrang sakit na nararamdaman niya sa kanyang puso ay nilagay niya muna ang kanyang anak sa tabi ng ina nito at unti-unti siyang tumingala sa langit. Biglang kumulog at kumidlat nang napakalakas na siyang ikinagulat ng mga taong bayan. At wika ng isa sa kanila....

Maghahasik na naman ng lagim ang mga kampon ng kadiliman! Bilisan natin mga kasama!

Agad na binilisan ng mga taong sasalakay sa bahay ng mag-asawa ang kanilang paglalakad. Wala namang tigil ang kulog at kidlat sa labas. Habang sa bahay nina Esther ay biglang nag-iiba ang kulay ng mga mata ni Edgardo. Mula sa itim ay naging pula ito, kasing pula ng dugo ng tao at unti-unting lumalabas ang mga pangil niya na kasing tulis ng espada. Nang bumalik nang muli ang tunay niyang anyo, ang tunay na siya... bilang isang bampira ay muli niyang hinarap ang kanyang asawa at nilapit niya ang kanyang bibig sa leeg nito. Nang tuluyan nang lumapat sa leeg ng asawa ang dulo ng kanyang pangil ay saka niya ito tuluyang binaon at nilipat ang ilan niyang kapangyarihan sa patay na katawan ni Esther. Mabilis itong kumalat sa buong katawan ng asawa at pagkatapos lamang ng ilang minuto ay biglang bumukas muli ang mga mata ni Esther... pulang-pula.

V ( A Vampire's Kiss )Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon