Chapter 1

44 1 0
                                    

Isang gabing madilim, isang anino ng lalaki ang makikitang pumasok sa compound ng isang kolehiyo. Ang lalaki ay nakasuot ng itim na jacket at natatakpan ng bonet ang mukha. Pumasok ito sa isang classroom at naglagay ng mga surveillance camera sa tagong bahagi ng silid. Naglagay rin ito ng mga camera sa iba pang bahagi ng campus.

KINABUKASAN, isang babae ang naglalakad sa loob ng campus kasabay ang iba pa. Siya ay si Lianne Angeles. Isa sa mga ordinaryong estudyante sa campus na hindi napapansin dahil sa siya ay mataba na halos 200 pounds ang timbang. Kung mapansin man siya ay para lamang kutyain at pagtawanan. Pero sa kabila nito ay positibo niyang hinaharap ang lahat. Nasasaktan man ay ikinukubli niya na lamang ito sa pagtawa.
Siya ay nasa ikalawang taon na sa kolehiyo at kumukuha ng kursong Business Management. Sa kabila nang edad niyang dalawamput tatlo ay ipinagpatuloy niya ang kanyang pag-aaral. Balewala sa kanya kung mga mas bata sa kanya ang mga kaklase. Minsan lang siyang mabigyan ng pagkakataon kung kaya sinamantala na niya ito.

Nang marating niya ang lobby nang kanilang school building ay palinga-linga siya sa paligid. Mapagmasid ang kanyang mga mata lalo na sa mga estudyanteng nakakasalubong at mga nakakasabay sa paglalakad. Lingon sa likod, lingon sa gilid ang ginagawa niya. Malikot ang mga mata at dahan-dahan kung maglakad, na para bang anumang oras ay may manggugulat sa kanya.

Hindi nga siya nagkamali nang hinala dahil ilang sandali lang ay may isang lalaki nang humahangos sa pagtakbo patungo sa kanyang kinaroroonan mula sa kanyang likuran. Hindi na niya nagawang makaiwas sa sobrang bilis nito kung kaya ipinikit na lamang niya ang kanyang mga mata. Nabitiwan at nagliparan sa ere ang kanyang mga gamit na hawak at para siyang bola na tumalbog at sumubsob sa sahig. Nang idilat niya ang mga mata ay nakita niya ang ilang miron na tumatawa sa nangyari. May ilan na nagulat at tila nakararamdam nang awa para sa kanya.
Huminga siya nang malalim bago mabilis na itinayo ang sarili. Ang lalaking bumunggo sa kanya ay hindi man lang siya tinulungan sa pagtayo bagkus ay humahagalpak pa ito sa pagtawa. Nang makabangon ay umiiling siya habang pinapagpagan ang katawan na nadumihan. Pinagpagan din niya ang kanyang braso. Nakita niyang nagkaroon ito nang ilang galos at naramdaman niya ang kirot ng sugat nito. Buti na lamang ay wash day nang araw na iyon kaya naka-maong jeans siya kundi pati tuhod niya ay may galos din.

Tumingin siya sa lalaking nangbunggo sa kanya. Pagak na tumawa.

"O, ano?! Masaya ka na? Nag-enjoy ba kayo?" pinipigil niya ang damdamin at pati na ang kanyang luha.

Tumigil ang lalaki sa pagtawa. "Ikaw kasi, sa laki mong iyan, haharang-harang ka pa sa daan kaya nababangga ka tuloy!" patuya pang sabi nito. Natawa ang ilan sa mirong estudyante sa sinabi nito.

"Talaga?! Gan'un ba?... Salamat, ha! Sa pagpapaalala sa akin na isa akong basura na kakalat-kalat sa daan." Walang kangiti-ngiting sagot niya sa lalaki.

Sumimangot ang lalaki. "Ah, ewan." Pagkasabi ay tumalikod na ito sa kanya at lumakad palayo.

Muli nagpakawala siya nang hangin sa dibdib. Alam niya kapag hindi niya ginawa iyon ay baka sumabog ito dahil sa sama ng loob at mapaiyak siya doon. Hindi pa rin niya maiwasan na hindi sumama ang loob kahit na halos magdadalawang taon na rin niyang nararanasan iyon mula pa nang pumasok siya sa kolehiyong iyon. Ibat-ibang paraan ang ginagawa ng mga ito, nandoong patalsikan siya ng putik habang rumaragasa ang kotse ng mga ito sa maputik na daan. Nandoong kunwa'y nabuhusan nang tubig mula sa ikalawang palapag. Nandoong maglagay ang mga ito ng mga holen sa kanyang daraanan upang madulas siya. Minsan inuulit na lang ng mga ito ang ginagawa. Iyon ang buhay niya sa kolehiyong iyon. Minsan pinagtatawanan na lang niya ang mga ginagawa nang mga ito.

Napansin niya ang mga tao sa paligid. "O, kayo. Ano pa ang tinitingin-tingin ninyo d'yan? Tapos na ang palabas. Bukas naman, okay!" mataray na sabi niya sa mga ito.

Tila napahiya ang mga ito kung kaya isa-isa na ang mga itong nag-alisan. Natira ang isang lalaking nakatayo malapit sa kinatatayuan niya. Tingin niya hindi naman iyon estudyante at ang edad nito ay tila nasa early thirties na. Matangkad, moreno at matipuno ang katawan. Lumitaw lalo ang pagiging guwapo nito sa suot na white long sleeve polo na maingat na nakatupi hanggang siko na tinernohan ng itim na slacks.

Ngumiti ito sa kanya at nagkibit-balikat. Hindi niya ito pinansin bagkus ay isa-isa na niyang pinulot ang kanyang mga gamit na nagkalat sa sahig. Tinulungan din siya nang binata sa pagpulot nang gamit. Pinulot nito ang ballpen na tumalsik malapit sa paanan nito. Wala sa loob na nabasa pa nito ang nakatatak na pangalan ng pen na 'Prince Pen'.

Nang mapulot na ni Lianne ang lahat ng kanyang gamit ay pormal na lumapit siya sa binata upang kunin ang kanyang ballpen na pinulot nito. Nakangiti naman nitong inabot sa kanya ang pen.

"Salamat," walang kangiti-ngiti niyang sabi sa binata. Pagkaraan ay tumalikod na siya upang umalis.

"Ah, miss!" tawag-pigil nito sa kanya.

Tumigil naman siya at lumingon.

"Daan mo muna sa clinic yang sugat sa braso mo, para mabigyan nang first aid." Nakangiting suwestiyon nito sa kanya habang sinesenyas ang braso niya.

Nasaling ang kanyang damdamin sa pag-aalala nito. "Okay, salamat!" pilit ang ngiting sabi niya. Pagkaraan ay tuluyan na siyang umalis.

Sinundan na lamang siya nito nang tingin habang papalayo.

Sa Puso Ko(Wattpad Edition)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon