Chapter 17

7 0 0
                                    

HINDI dumating si James at ang mga kaibigan nito. Kahit nagpataan na ang mga adviser para makahabol ang mga na-late ay hindi pa rin dumating ang mga ito. Kaya nagpasya ang mga propesor na umalis na at iwanan na ang mga ito.

Hapon na dumating ang bus nila sa convention center dahil sa mga trapik na nadaanan nila. Ang convention center na pinuntahan nila ay isang malawak na compound. Talagang ginawa ito para maging venue sa mga kino-conduct na iba't ibang klase ng seminar ng mga unibersidad at kolehiyo.

Pagbungad palang ng sinasakyan nilang bus sa loob ng compound ay makikita na ang napakagandang landscape nito. Huminto ang sasakyan nila sa harap ng reception hall. Nang bumaba sila sa bus, mula sa reception hall ay nagtuloy sila sa dorm sa loob din ng compound. Ang dorm na iyon ang tinutuluyan ng mga nagse-seminar doon dahil umaabot ng ilang araw ang mga kino-conduct na seminar ng mga ito.

Malaki ang receiving area ng dorm. Nasa ground floor din ang cafeteria nito. Binigyan na sila ng kuwarto na tutuluyan. Lima katao kada kuwarto. Kaya magkakasama sila nina Carla, Denise, Donna at Janice sa isang kuwarto.

Nang nasa kuwarto na sila ay nagkakasayahan ang grupo habang inaayos ang mga dalang gamit sa mga kabinet. Nakikisaya siya sa mga ito ngunit sa kalooban niya ay nag-aalala siya. Nasa school pa lang ay nararamdaman na niya iyon dahil hindi dumating si James. Ilang araw na kasing hindi pumapasok ang kapatid tapos hindi rin ito nakasama sa seminar na iyon. Lalo't alam niya ang pakikipagtagpo ni Julian ngayon kay Billy. Ginugulo nito ang kanyang isip kung ano ang talagang gustong ipagtapat ng binata kay Julian tungkol sa kanilang kapatid. Kung nandoon lang sana ang kapatid kahit papaano ay maiibsan ang kanyang pag-aalala dahil makikita niya ang kalagayan nito.

"Girls, alam n'yo ba sabi sa akin n'ung kakilala ko may nagpapakita raw dito na babaeng nakaputi saka lalaking pugot ang ulo!" sabi ni Donna.

"Totoo ba yon?" tila natatakot na tanong Denise. Tumingin sa paligid ang dalaga.

"Oo. Nakapag-seminar na kasi dito iyong kakilala ko, sabi niya nakakita raw ang kaklase nito dito noon ng white lady," dagdag pa ni Donna, tumingin ito sa mga kaibigan na tila nananakot.

Napatili si Denise sa takot at yumakap kay Carla. "Ayoko na dito," sabi nito na takot na takot.

"Donna, tigilan mo nga iyang pananakot mo diyan. Tingnan mo takot na takot na itong si Denise," sabi ni Carla sa kaibigan.

Tawa ng tawa si Donna dahil hindi totoo ang sinabi. Inimbento niya lang ang mga iyon para biruin ang mga kasama.

Sumapit ang gabi, pagkakain ay maagang natulog ang kanyang mga kasama dahil maaga ang seminar kinabukasan. Ngunit hindi siya makatulog kaya nagpunta siya sa terrace. Dalawang kuwarto ang magkashare sa iisang terrace. Nakita niyang bukas pa ang ilaw sa kabilang kuwarto. Nakasarado na ang glass sliding door nito ngunit nakahawi naman ang kurtina. Hindi makita ang nasa loob mula sa kinatatayuan niya. Pumuwesto siya sa madilim na bahagi ng terrace sa gawi ng kuwarto nila. Sa liwanag nang buwan ay natatanaw niya ang napakalagong mga puno. Nasa dulong bahagi na ang kanilang kuwarto kaya alam niyang kagubatan na kapag pumasok sa kakahuyang iyon.

Nang tumingala siya sa kalangitan ay nakakita siya ng bulalakaw. Natuwa siya sa nakita. Pumikit siya at pinagdaop ang dalawang palad upang humiling sa bulalakaw. Sana nasa maayos na kalagayan si James. At sana matanggap na niya ako para matupad na ang pangarap ko na mabuo ang pamilya ko. Sana pangalagaan mo rin si Julian sa klase ng trabaho niya at ang lahat ng mahal ko sa buhay," bulong niya sa sarili.

"Ano ang hiniling mo?" baritonong boses nang nagtanong.

Napadilat siyang bigla. "Ay, kabayo!" nabulalas niya sa sobrang gulat, nasapo niya ang sariling dibdib. Nang lingunin niya ang nagsalita ay nakita niya ang isang malaking bulto ng katawan ng isang lalaki sa tabi niya. Dahil sa matagal na napikit ang mata at nasa likod nito ang liwanag ay hindi niya maaninag ang mukha nito. Nanlaki ang kanyang mga mata nang maalala ang kinuwento ni Donna. Titili sana siya ngunit mabilis nitong natakpan ang kanyang bibig.

Sa Puso Ko(Wattpad Edition)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon