Chapter 40

3 0 0
                                    

Kausap ni Lianne si Ms. Dimaapi at ang nobyo nito nang sinenyasan siya ni Julian. Si Edward ay pansamantalang nagpaalam sa kanya ng may tumawag dito sa telepono kanina pagkatapos na pakilala siya sa ama nito. Nang hanapin naman niya si Daniel ay hindi niya ito makita. Nagpaalam siya sa mga kausap at lumapit kay Julian.

"Nagsisimula na ang party sa top floor. Maya-maya ay pupunta na ako roon," sabi nito sa kanya.

"Ha? Gusto kong sumama. Gusto ko rin makilala si Pogi," sabi niya dito.

"Hindi maaari, masyadong delikado. Baka magkagulo doon at mapahamak ka pa," concern na sabi nito. "Dito ka na lang, okay!" pinisil pa nito ang kanyang baba.

Sumimangot siya. Pagkaraan ng ilang saglit ay ngumiti na rin siya dahil baka nga makadagdag pa siya sa alalahanin nito kapag sumama pa siya.

"Saka, hindi ka basta-basta makakapasok doon. Kailangan may dala kang Prince Pen para makapasok ka sa loob. Bale iyon ang passes nila sa mga papasok," sabi pa ng binata.

"Ganoon ba?" sabi niya.

Pagkaraan ay nagpaalam na sa kanya ang binata. Babalik sana siya sa propesora at nobyo nito ngunit nakita niyang naglalambingan ang magnobyo kaya hindi na niya tinuloy ang balak. Nagpunta na lang siya sa ladies room.

Walang tao sa loob ng ladies room nang makarating siya doon. Nang matapos siyang manubig ay napansin niya ang isang ballpen sa ilalim ng lavatory. Pinulot niya iyon. Sumilay ang isang ngiti nang mabasa ang tatak nito. Kinuha niya ang cellphone sa kanyang handbag. Napansin niyang walang signal ang kanyang cellphone sa loob ng ladies room kaya lumabas siya. Nang makalabas ay kinontak niya si Julian.

"Hello, Julian! Naka-receive ako ng invitation. Aakyat ako d'yan, susunod ako sa'yo," sabi niya sa binata na nasa kabilang linya.

"No. Huwag kang susunod dito," sagot nito sa kanya.

"Basta susunod ako diyan sa top floor. Gusto kong pumunta sa house party ni Pogi," pilit niyang sabi sa binata.

"Lianne?!" napabuntung-hininga ang binata. "Ang tigas talaga ng ulo mo, sinabi nang huwag kang pupunta dito," tila nawawalan na nang pasensiyang sabi nito.

Papalabas sa men's room si Daniel nang marinig niya ang boses ni Lianne sa labas. Sumilip siya sa labas at nakita nga niya ang dalaga na may kausap sa cellphone. Narinig niya ang lahat nang sinabi ni Lianne. Nakita niya ang ballpen na hawak ng dalaga na pinaglalaruan pa nito sa kamay habang tinitingnan iyon. Mababakas ang kakaibang ngiti sa labi nito.

Napakunot noo siya. Hindi niya maunawaan ang tunay na agenda ng dalaga. There were times na tila inosente ito sa lahat ng tungkol sa sindikato but there were times na parang kahina-hinala ang mga kinikilos nito.

Naiwan ni Lianne sa loob ng ladies room ang dalang handbag kaya binalikan niya iyon sa loob. Sinamantala naman ni Daniel ang pagkakataon. Lumabas siya sa men's room at nagbalik na sa loob ng bulwagan.

Habang naglalakad ay inayos niya ang earpiece na nasa tainga. Sa pamamagitan niyon ay nagagawa niyang kausapin ang kanyang team.

"Janice, kumusta na diyan sa puwesto mo?" pasimpleng sabi ni Daniel, inayos ang mouthpiece na nakakubli sa ilalim ng kanyang amerikana.

"Captain, nakapasok na kami sa loob. Marami nang nandito at kanina pa nagsisimula ang party. Nakita ko na ang subject ngunit hindi pa rin pinakikilala si Pogi," sabi ni Janice mula sa kabilang linya. Nagtungo na ang dalaga sa house party ni Pogi kasama ang iba pang undercover.

"Good. I-update mo ako sa lahat nang mangyayari diyan," mahina niyang sabi dahil nasa bulwagan na siya. Humalo siya sa ibang bisita.

Sa Puso Ko(Wattpad Edition)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon